From the Philippine Information Agency (Jul 15): Tagalog news: Rebel returnees patuloy na kinakalinga ng LGU Palawan (Rebel returnees constantly cared for by LGU Palawan)
PUERTO PRINCESA, Palawan --- Alinsunod sa mas pinaigting at mas pinalawak na Comprehensive Local Integration Program (CLIP) para sa mga makakaliwang grupo na nais magbalik-loob sa pamahalaan o ang tinatawag na mga rebel returnees.
Ang CLIP ay programa ng Office of the Presidential Adviser on Peace Process (OPAPP) sa pakikipagtulungan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at patuloy ang programa na ipinatutupad ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO).
Saklaw ng naturang programa ang pagbibigay ng ayuda sa mga rebel returnees na kinabibilangan ng counseling services, food assistance, shelter assistance, referral services at financial services na patuloy na itinatuguyod ng pamahalaang panlalawigan.
Ang boluntaryong pagsuko ng mga ito ay sasailalim sa proseso ng validation at authentication ng mga receiving units o ahensiya na kabilang sa komite ng CLIP.
Bibigyan ang mga ito ng Joint Armed Forces of the Philippines and Philippine National Police Intelligence Certificate (JAPEC) bilang patunay na sumailalim ang mga ito sa masusing proseso.
Ang CLIP Committee naman ang mangangasiwa ng koordinasyon, implementasyon at ebalwasyon ng mga serbisyo ng naturang programa.
Ayon kay Lucita Padul, Social Officer III at nakatalagang focal person para sa mga rebel returnees sa ilalim ng PSWDO, nasa limang (5) indibidwal ang kusang-loob na sumuko sa pagiging rebelde ngayong taon. Ang mga ito ay kasalukuyang nasa kalinga ng isang ahensiya ng pamahalaan para sa kaukulang proseso ng rehabilitasyon.
Nakatakda namang pormal na kilalanin ang pagbabalik-loob ng nasabing limang (5) rebel returnees na mayroong JAPEC sa mga darating na araw ngayong taon sa pamamagitan ng isang simpleng seremonya kaakibat ang tulong pinansyal sa mga ito.
Dagdag pa ni Padul, mayroong insentibo ang bawat rebel returnee na inilaan na nagkakahalaga ng Php2,700 kada buwan mula sa pamahalaang panlalawigan para sa food assistance ng mga ito habang nasa proseso ng rehabilitasyon.
Base sa ordinansa, ang mga rebel returnees na sumuko mula taong 2014 ay tatanggap ng halagang Php25,000 hanggang Php50,000 bilang tulong pinansyal mula sa DILG sa pamamagitan ng CLIP. Ito ay base sa kabuhayan na nais gawin ng nasabing returnee.
Nasa Php60,000 hanggang Php75,000 ang inaasahang maibabahagi ng pamahalaang nasyunal sa mga datihang rebelde para sa pabahay ng mga ito na dadaan sa isang assessment.
Ang Sangguniang Panlalawigan ng Palawan ay may pinagtibay ng Provincial Ordinance bilang 1540 ng taong 2015 o “Establishing the Implementing Guidelines on the Provision of Assistance to Rebel Returnees” na kung saan ay binibigyan ng pagkakataon ang mga rebel returnees sa lalawigan ng Palawan sa pamamagitan ng Local Social Integration Program (LSIP) na makapag-loob sa lipunan.
Patuloy naman ang kampanya ng pamahalaang panlalawigan upang maibigay ang nararapat na programa sa mga rebel returnees. At sa pamamagitan ng PSWDO ay napapangalagaan ang karapatan ng mamamayan sa isang mapayapang pamayanan sa pamamagitan ng pagtanggap ng mga nais magbalik-loob sa lipunan.
http://news.pia.gov.ph/article/view/721468372615/tagalog-news-rebel-returnees-patuloy-na-kinakalinga-ng-lgu-palawan
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.