Tuesday, July 1, 2014

CPP/NDF-KM: Labanan ang Pagtaas ng Matrikula sa UP! Ibasura ang STS! Tutulan ang Kumersiyalisasyon ng Edukasyon

NDF/KM propaganda statement posted to the CPP Website (Jul 1): Labanan ang Pagtaas ng Matrikula sa UP! Ibasura ang STS! Tutulan ang Kumersiyalisasyon ng Edukasyon

Logo.km
Ma. Laya Guerrero
Spokesperson
KM National Executive Committee
 
Mariing kinukundena ng Kabataang Makabayan ang pagtataksil ng gobyerno ni Aquino sa karapatan ng kabataan na magkaroon ng de-kalidad at abot-kayang edukasyon sa bansa. Ipinatupad ni Aquino at ng pamunuan ng UP ang mas mashol at kontra-estudyantent patakarang Socialized Tuition Scheme na nagtaas ng matrikula sa pamantasan sa P1,500 kada yunit.

Ang pagtaas ng matrikula sa Unibersidad ng Pilipinas at iba pang State Colleges and Universities (SUCs) sa bansa ay tulak ng mga neoliberal na patakaran sa edukasyon. Ang pamamayagpag ng STS, kasama ang iba pang patakaran tulad ng Academic Calendar Shift at K to 12 ay dapat suriin bilang bungkos na atake ng neoliberal na opensiba sa edukasyon at gayundin, atake sa oryentasyon ng kabataan bilang pwersa ng pagbabago at pag-asa ng bayan.

Mito ng Sosyalisasyon

Unang ipinatupad noong 1989, kasabay ng STFAP ang naging pagtaas ng matrikula sa pamantasan mula sa P40 kada yunit tungo sa P300 kada yunit. At noong 2007, sa pagpapalit ng braketing ng diskwento sa matrikula, itinaas naman ang matrikula mula sa P300 tungo sa P1, 000 kada yunit.

Marso 2012, nang mapabalita ang pagpapakamatay ng isang freshman mula sa UP Manila, puspusang nalantad ng mga pagkilos ng mga estudyante ang malawak na disgusto laban sa bulok na patakaran ng STFAP. Malinaw ang mga panawagan ng mga estudyante na ibasura na ang STFAP dahil bigo itong gawing demokratiko ang akses sa edukasyon ng mga kabataan.

Ngunit, sa halip na dinggin ang makatarungang panawagan na ito, tusong nireporma ang STFAP tungo sa STS na nagtaas sa matrikula sa Unibersidad mula P1, 000 tungo sa P1,500 kada yunit.

Ang patarakan ng STS ay nagpapakalat ng maling ideya hinggil sa “sosyalisasyon.” Pilit nitong pinaniniwala ang estudyante at mamamayan na makatarungan ang distribusyon, o pagkakahati-hati o apropriasyon sang-ayon sa kakayanang magbayad ng matrikula. Ang sosyalisasyon sa ilalim ng STS ay postura lamang, ang aktwal na programa ay mas sistematikong huthutan ng pera ang mamamayan, mas pumiga ng kita mula sa kanila (pumalo sa P1.2BN ang kinita na ng UP mula sa pagtataas ng matrikula at iba pang bayarin sa mga nagdaang taon), at lalo pang pasahulin ang sistema ng kumersyalisasyon ng edukasyon sa bansa.

Malinaw na ang STFAP at ang STS ay pagtatabing lamang sa hangarin na itaas ang matrikula at iba pang bayarin sa pamantasan. Higit dito, binibigyang-matwid ng patakarang ito, ang patuloy at papasidhing kumersyalisasyon ng edukasyon. Hangga’t nakakapamayani ang kumersyalisasyon, patuloy na titindi ang pagtataas ng matrikula at pagpapabaya ng estado sa sektor ng edukasyon.

Kontra-Estudyanteng Student Code, Inaprubahan ng mga Rehente

Kapwa kailangang labanan ang kontra-estudyanteng student code na inaprubahan ng Board of Regents ng pamantasan noong ika-30 ng Hunyo.
Nilalaman ng student code na ito ang batayang mga paglabag sa karapatang mag-organisa, magpahayag at magprotesta. Ilang taon na din nanawagan at lumalaban ang mga Iskolar ng Bayan na ibasura ang student code na ito. Lubhang tuso at mapanganib ang mga probisyon na nagbabawal sa “breach of peace.” Sinasaklaw nito ang simpleng pagbabawal sa pag-iingay hanggang sa pagbabawal sa mga protesta at pagkilos sa loob ng pamantasan. Sa gayon, ito ay bulnerable sa abuso ng administrasyon at maaaring abusuhin para busalan ang mga estudyante, lalo pa’t kung nagpapahayag ang mga ito ng mga pananaw na kritikal sa lipunan.

Sa esensiya nilalayon ng student code na supilin ang mga batayang karapatan ng mga estudyante para di-umano disiplinahin ang mga ito. Pero sa aktwal, ito ay pagkitil at pagwawalang-bahala sa batayang karapatan na napagwagian sa mga makasaysayang sagupaan, tulad na lamang noong dekada ’70 na nagluwal sa MND-LFS Accord kung saan kinilala ng estado ang batayang karapatan ng mga estudyante sa organisasyon, publikasyon, konseho, atbp. Ang pakikibaka na ito ay kinilala kahit ng mga reaksiyunaryong institustyon at itinatak sa mga pahina ng Konstitusyon ng bansa at pandaigdigang kasunduan kahit ng United Nations.

Isabuhay ang Diwa’t Esensiya ng Pagiging Iskolar ng Bayan

Ang pagtatayo at pagkalinga sa pampublikong paaralan at pamantasan sa bansa ay katumbas ng pagtitiyak ng pwersa ng bayan na may pagtatangi sa pagtatayo ng mga pambansang industriya, maglilinang sa pambansang kultura, magtataguyod ng ekonomiyang malaya’t nakakatindig-sa-sarili.

Ang patuloy na pag-abandona ng estado sa sektor ng edukasyon ay buod ng kanyang pagpapabaya sa kinabukasan ng bayan. Ang patuloy na pagpapatupad ng neoliberal na patakaran ay nagtutulak din ng denasyunalisasyon, lalo na sa hanay ng kabataan.

Plano pa ngayon ng rehimeng US-Aquino ang mas laganap na pagpapabaya, pagsasara, pagiging financially independent ng maraming SUCs sa bansa sa ilalim ng programa nitong Road Map for Public Higher Education Reform o RPHER. Kaakibat nito ang pagpwersa sa maraming kabataan na mag-aply sa mga Student Financial Assistance Programs (STuFAPs) ng CHED para di-umano ay makatamasa ng edukasyon sa kolehiyo.

Ginagawa nitong pansarili ang interes sa edukasyon, sa halip na kolektibo at pambansang interes. Tinutulak nito ang mga kabataan na magkumpetisyon para sa kani-kanilang akses sa edukasyon upang mabulag ang mga ito sa katotohanan ng pagpapabaya ng estado. Sa huli, masasaid ang politikal na kamalayan ng kabataan na kalingain ang kanyang sariling bayan, at sa halip, magtrabaho para sa pansariling kasaganaan at kaginhawaan.

Ibinabalik natin ang batayang oryentasyon ng kabataan bilang isang sandatang pinapanday para maging armas ng pagbabagong-panlipunan. Sa gitna ng mga atakeng ito, dapat magkaisa ang kabataan at direktang tunggaliin ang mga patakarang ito. Dapat yanigin ng mga dumadagundong na hakbang ng pagkakaisa ang estado para kilalanin ang pwersa ng kabataan. Dapat mapagpasyang suuingin ang mga welgang pangkampus at mga walk-out para ipamalas ang malawak na disgusto ng kabataan, isanib sa iba’t ibang isyu ng mamamayan at ilundo sa ika-apat na SONA ni Aquino. Dapat puspusang ilantad ang arogansiya at kapabayaan ni Aquino sa kabataan at mamamayan, at gawin itong bala para kitilin ang bulok at naghaharing sistema.

http://www.philippinerevolution.net/statements/20140701_labanan-ang-pagtaas-ng-matrikula-sa-up-ibasura-ang-sts-tutulan-ang-kumersiyalisasyon-ng-edukasyon

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.