Tuesday, September 26, 2023

CPP/NPA-Southern Tagalog ROC: Tutulan, huwag pahintulutan ang dagdag na base militar ng US! Imperyalismong US at China, layas!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Sep 22, 2023): Tutulan, huwag pahintulutan ang dagdag na base militar ng US! Imperyalismong US at China, layas! (Oppose, do not allow additional US military bases! US and Chinese imperialism, go away!
 


Armando Cienfuego
Spokesperson
Southern Tagalog Regional Operational Command (Melito Glor Command)
New People's Army

September 22, 2023

Napakatigas ng mukha ng imperyalismong US na maghangad ng dagdag pang mga base militar sa bansa sa harap ng paglabag nito sa soberanya at karapatan ng mamamayang Pilipino. Kasabay nito, kasuklam-suklam ang malugod at kakawag-kawag ang buntot na pag-aakomoda ng mga tutang sina Ferdinand Marcos Jr. at Sara Duterte sa kahilingan ng US.

Wala pa mang pormal na deklarasyon, malinaw na inihahanda na ng US ang pagdaragdag ng mga base militar sa bansa. Inamin mismo ng kumander ng US Pacific Command na si Admiral John Aquilino na may mga pag-uusap na hinggil dito ang US at AFP sa pamamagitan ng hepe nitong si Gen. Romeo Brawner.

Hindi katanggap-tanggap sa mamamayang Pilipino na madagdagan ang presensyang militar ng US lalo’t ito ay para sa pag-usad ng pakana ng huli na iputok ang gera laban sa China sa alinmang bahagi ng Asia Pacific. Isasapanganib nito ang buhay ng mamamayan kung saan oras na magka-gera, ibayong maghihirap at magdurusa ang bayan.

Perwisyo sa mamamayang Pilipino ang presensya ng pwersa ng US dahil inaabala ng mga ehersisyong militar ang kabuhayan ng mamamayan. Ilambeses na pinagbabawalang lumapit sa mga base ang mga Pilipino. Hindi makapalaot ang mga mangingisda sa sariling karagatan kapag nagrerekurida ang mga ito. Pumipinsala rin ang mga aktibidad ng US sa flora at fauna ng bansa.

Nagpapasimuno rin sila ng mga anti-sosyal na aktibidad kagaya ng prostitusyon. Malakas ang loob ng mga tropang Amerikano dahil protektado sila ng Visiting Forces Agreement. Ginawa nitong inutil ang reaksyunaryong batas sa pagpapanagot sa krimen ng mga sundalong Amerikano. Saksi sa kasaysayan na nakatakas sa pananagutan sina Lance Corporal Daniel Smith na nanggahasa kay Nicole at si Lance Corporal Joseph Scott Pemberton na pumatay kay Jennifer Laude.

Gayundin, makatwiran ang pagtutol ng mamamayan sa mga base militar at patuloy na presensya ng US sa gitna ng laganap na kahirapan at kagutuman. Pera ng bayan ang inilalaan ng reaksyunaryong gubyerno para sa konstruksyon at iba pang akomodasyon ng mga tropang Amerikano. Sa kasalukuyan, may siyam nang base militar ang US sa bisa ng Enhanced Defense Cooperation Agreement kung saan apat dito ay bagong talaga lamang sa ilalim ng ilehitimong rehimeng US-Marcos-Duterte.

Samantala, pangita ang mga pailalim na galaw ng US kagaya ng paggamit ng presensya ng China bilang sangkalan para isakatuparan ang mga dagdag na base. Pinatatambol mismo ng mga ahente ng US sa Department of National Defense at AFP-PNP ang sunud-sunod na panghaharas ng China sa mga Pilipino at paninira sa kalikasan ng West Philippine Sea (WPS). Hindi nalilinlang ang mamamayan sa kasinungalingan ng US na “ipagtatanggol” nito ang bansa laban sa China. Katunayan, matagal na panahong kibit-balikat ang US sa pagtatayo ng China ng mga istrukturang militar sa WPS.

Niyuyurakan kapwa ng US at China ang pambansang soberanya ng Pilipinas kaya malaking kahangalan na iasa sa una ang pagtatanggol laban sa huli. Ang US ang pangunahing imperyalistang kumukubabaw at nagpapahirap sa sambayanang Pilipino. Kaagaw nito ang China sa hegemonya sa Asia Pacific at daigdig. Sa desperasyon ng US na manatili sa tuktok ng kapangyarihan sa pandaigdigang saklaw, ginagamit nito ang mga malakolonyang kagaya ng Pilipinas para sa mga gerang agresyon.

Kasabwat ng US at China ang mga lokal na naghaharing uri sa bansa kagaya nina Marcos at Duterte. Nakikinabang ang mga lokal na papet na ito at ahente ng US sa AFP-PNP at iba pang mga ahensya sa mga pondo, proyekto at ayuda ng imperyalistang US at China. Nagpapakabundat sila sa pangungutang at pamumuhunan ng dalawang imperyalista habang iniiwang naghihirap ang mamamayan at wasak ang kapaligiran.

Ginagamit ng estado ang pasismo upang panatilihin ang malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino. Hanggang pinangingibabawan ng US ang bansa, mananatili ang ganitong sistema. Tanging sa landas ng demokratikong rebolusyong bayan makakamit ang paglaya sa paghahari ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo.

Nararapat na balik-aralan ang mayamang kasaysayan ng paglaban ng mga ninunong Pilipino laban sa dayuhang pananakop. Unang naging matagumpay ang pagpapalayas sa mga Espanyol sa pagtatanggol at paglaban nina Lapu-Lapu kina Ferdinand Magellan. Magiting na hinarap hanggang sa ginapi ng KKK ang mga Espanyol; nina Heneral Antonio Luna ang mga Amerikano; at ng rebolusyonaryong kilusan, Hukbalahap at mamamayan ang mga Hapon. Marapat ding gunitain at halawan ng aral ang pakikibakang bayan na nagresulta sa pagpapabasura ng Military Bases Agreement noong Setyembre 16, 1991 at pagpapalayas sa mga tropang Amerikano sa base sa Clark dahil sa pagtatapon ng mga toxic waste.

Ang paggigiit ng pambansang soberanya ay magmumula sa kolektibong pagkilos ng sambayanang Pilipino laban sa mga imperyalista. Nararapat na pahigpitin ang pagkakaisa ng mamamayang Pilipino para palayasin ang mga dayuhang pwersa na nanghuhuthot at nangwawasak sa likas na yaman ng bansa.

Bukas ang mga larangang gerilya ng NPA, lalo ang Melito Glor Command, sa mamamayang naghahangad na ipagtanggol ang bansa mula sa imperyalismo at kamtin ang tunay na kalayaan at demokrasya. Ang digmang bayan na isinusulong ng NPA ang daan sa pagkakamit sa tunay na kasarinlan dahil ibabagsak nito ang kapangyarihan ng imperyalismo sa bansa.###

https://philippinerevolution.nu/statements/tutulan-huwag-pahintulutan-ang-dagdag-na-base-militar-ng-us-imperyalismong-us-at-china-layas/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.