Thursday, July 29, 2021

CPP/NPA-Quezon: NPA kay Duterte: Naririto kami para manatili

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jul 27, 2021): NPA kay Duterte: Naririto kami para manatili

CLEO DEL MUNDO
SPOKESPERSON
NPA-QUEZON (APOLONIO MENDOZA COMMAND)
SOUTHERN TAGALOG REGIONAL OPERATIONAL COMMAND (MELITO GLOR COMMAND)
NEW PEOPLE'S ARMY

JULY 27, 2021



Siguradong bababa sa puwesto si Duterte sa 2022. Pero ang CPP-NPA ay naririto para manatili. Malalampasan ng rebolusyunaryong kilusan ang militaristang rehimen ni Duterte at maging ang mga susunod pang administrasyon ng reaksyunaryong pamahalaan.

Nagmayabang muli si Digong Dutete sa kanyang huling State of the Nation Address. Ibinida niya ang mga “nakamit ng gobyerno” sa kanyang panunungkulan at ang kaunlarang naabot ng bansa sa ilalim ng kanyang pamumuno. Walang kapala-palakpak sa kanyang palpak na limang taon sa MalacaƱang.

Tulad dati, hindi pa rin maampat ang kanyang mga paninira laban sa CPP-NPA.

Nagising ang mamamayan sa katotohanang – ilusyon ang “change is coming”. Walang pagbabagong darating sa termino ng isang tiraniko, pabaya, korap at traydor na pangulo. Sa nagdaang mga taon, ipinakita niya ang kanyang sarili bilang isang militarista at mapanupil na pangulo mula ng kanyang likhain ang isang military junta sa kanyang gabinete at gamitin ang pamamaraang “whole of the nation approach” para ilunsad ang kanyang gera kontra droga, kontra-Moro at kontra-rebolusyonaryong kilusan.

Hindi kayang baluktutin ng kanyang retorikang sanggano ang kabiguan ng limang taong kontra-rebolusyonaryong gera mula sa Oplan Kapayapaan at sa pinabangis pa nitong JCP-Kapanatagan. Sa kanya mismong talumpati, tunay na “tuloy-tuloy ang mga labanan sa buong bansa” dahil hindi natitinag ang rebolusyonaryong kilusan at ang New People’s Army.

Hindi makakalimutan ng mamamayan ng Quezon si Duterte. Saksi ang buong probinsya sa walang respetong pagpapahayag niya sa Lucena City nang gawin niyang katawang-tawang bagay ang kahirapan na nararanasan ng magsasaka sa niyugan nang kutyain niya na kainin ang kopra para makaagdong sa tuloy-tuloy na pagbagsak ng presyo nito. Bukod pa ang mga pikit-mata at pagpapabaya ng rehimen sa naranasang mga kalamidad at pandemya.

Hindi makakalimutan ng mga progresibong samahan si Duterte. Saksi sila sa walang pakundangang pagyurak sa karapatang pantao at pagtarget sa mga karaniwang mamamayan at kanilang progresibong grupo dahil napapahiya at naisasampal kay Duterte ang kanyang kapabayaan habang epektibo at mayroong nagagawa ang mga progresibog grupo. Tatagurian niyang mga Komunista, ang mga tunay na naglilingkod sa bayan at isisisi sa kanila ang mga krimen niya sa mamamayan.

Ngunit hindi na magpapaloko ang sambayanang Pilipino para magpatuloy pa ang isang kriminal at taksil na pangulo. Dumami lalo ang nakasumpong sa tamang landas ng armadong paglaban dahil kay Duterte.

Dahil hindi tulad ng militaristang rehimen, minamahal at sinusuportahan ng mamamayan ang CPP-NPA sapagka’t dalisay at tunay ang paglilingkod nito sa sambayanan.

Totoong walang kapaguran ang rebolusyon, ayon mismo sa talumpati ni Duterte. Ang buhay at kamatayang pakikibaka ng rebolusyunaryong kilusan sa 52 taon ang siyang magpapatunay ng kawastuhan ng armadong paglaban para sa pambansa demokratikong adhikain nito.

Binagungot sa pangangarap ng gising si Duterte at ang kanyang mga paboritong heneral na ipawalang saysay ang rebolusyonaryong kilusan. Maasahan ng mamamayan sa Quezon na nananatiling matatag ang Apolonio Mendoza Command-NPA at buong rebolusyunaryong kilusan sa lalawigan. Maasahan ng sambayanan na mananatili ang New People’s Army!

https://cpp.ph/statements/npa-kay-duterte-naririto-kami-para-manatili/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.