Thursday, July 29, 2021

CPP/NDF-Bicol-RCTU: Manggagawang Bikolano, Tumangan ng Armas at Ibagsak ang Rehimeng US-Duterte!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jul 26, 2021): Manggagawang Bikolano, Tumangan ng Armas at Ibagsak ang Rehimeng US-Duterte!

REVOLUTIONARY COUNCIL OF TRADE UNIONS-BICOL
NDF-BICOL
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES

JULY 26, 2021



Sa ilalim ng limang taong panunungkulan ni Duterte, tumatak ang Pilipinas bilang isa sa mga pinakamapanganib na bansa para sa manggagawa. Ang kanyang buu-buong pagpapatupad ng neoliberalismo sa bansa ay pangunahing nakatuon sa pagyurak sa mga saligang karapatan ng manggagawa upang walang sintinding pigain ang kanilang lakas-paggawa at magkamal ng labis na tubo para sa dayuhan at lokal na kapitalista.

Sa ilalim ni Duterte, higit na pinalaganap ang kontraktwalisasyon, pinababa ang halaga ng sahod at pinatindi ang mga mapagsamantalang kundisyon sa paggawa. Sa pagtama ng pandemya, lumubha pa ang kanilang kalagayan sa lalong pagdami ng nawalan ng trabaho habang ipinagkait sa kanila ang makabuluhang ayuda sa harap ng napakataas na pagsipa ng presyo ng bilihin.

Sa Bikol, halos 800,000 manggagawang Bikolano ang nawalan o walang kasiguruhan sa trabaho (underemployed) sa paghagupit ng pandemya. Bago nito, nananatili ang Bikol sa mga rehiyong may pinakamababang pasahod at mataas na antas ng underemployment sa lalong paglaganap ng sistemang kontraktwal, pakyawan at iba pang masasahol na porma ng pleksibilisasyon sa paggawa. Wala ring nalikhang makabuluhang trabaho ang banderang programang neoliberal ng rehimen na Build, Build, Build at sa halip ay nagpalayas pa sa daan-daang manggagawa sa kanilang lupa’t paninirahan. Dahil sa kalagayang ito, isa ang manggagawang Bikolano sa pinakanaapektuhan ng mga neoliberal na patakarang tulad ng TRAIN Law. Naging pilotong rehiyon din ang Bikol ng iba pang kontra-mamamayang patakaran tulad ng jeepney phaseout. Masahol, kakarampot lamang na bahagdan ng nawalan ng trabaho ang tinarget bigyan ng mga pampalubag-loob na programang pangkabuhayang gaya ng TUPAD at CAMP.

Tumindi rin ang pasistang pag-atake sa organisadong paggawa. Iwinasiwas ang mga pasistang patakarang Oplan Kapanatagan, National Task Force to End Local Communist Armed Conflict at Anti-Terror Law upang buwagin ang kolektibo at militanteng lakas ng mga manggagawa at unyon. Maraming manggagawa at lider-unyon ang pwersahang dinakip, iligal na inaaresto at pinatay sa mga armadong pag-dispers sa mga welga, militarisasyon ng mga engklabo o sona ng paggawa, red-tagging at teroristang pamamaratang sa mga unyon at asosasyon. Isa sa mga tampok na karanasan sa rehiyon ay ang pag-aresto sa lider-transport na si Ramon Rescovilla, secretary-general ng CONDOR-PISTON.

Hindi kahina-hinalang sa pagkapako ng manggagawa at kapwa anakpawis sa abang kahirapan at pang-aapi, lalong nagkamal ng yaman ang naghaharing-uri sa ilalim ni Duterte. Noong 2019, lumobo tungo sa P4 trilyon ang pinagsamang yaman ng 40 oligarko. Kalakhan din ng inutang na pondo para sa pandemya ay ilinaan para sa pagtitiyak ng largadong pagsagpang ng tubo ng malalaking negosyante at korporasyon.

Subalit ibinunga ng limang taong pagsahol ng kalagayan ng manggagawa sa ilalim ni Duterte ang ibayong pagsigla ng kilusang paggawa. Tumampok sa ilalim ng rehimen ang iba’t ibang welga at strike upang igiit ang seguridad sa trabaho at kaligtasan sa paggawa at labanan ang pambubuwag sa mga unyon, paglabag sa minimum na sahod at iba pang di-makatarungang kaayusan sa paggawa.

Ang lumulubhang kalagayan ng paggawa sa ilalim ng rehimeng US-Duterte ay napakalinaw na batayan para sa manggagawang Bikolano upang isulong ang militanteng kilusang paggawa sa rehiyon. Nananawagan ang NDF-Bikol sa manggagawang Bikolano na makiisa sa mga manggagawa ng buong bansa upang pangunahan ang kilusang masang magpapabagsak sa pasista, imperyalistang tuta at maka-kapitalistang rehimeng US-Duterte.

Upang maisakatuparan ito, hamon sa manggagawang Bikolano na pandayin ang kanilang makauri at pampulitikang kamulatan. Sa rehiyon, kung saan nagtatagpuan ang kalunsuran, mga sentrong laylayan at kanayunan, napakapaborable sa manggagawang Bikolanong makipagbuklod at sumuporta sa demokratikong pakikibaka ng iba pang sektor, higit ng masang magsasaka. Inaasahan sila ng kanilang kapwa mga anakpawis, ang masang magsasaka bilang pinakamahigpit nilang kaisa sa mga pakikibakang anti-pyudal at anti-pasista.

Higit sa lahat, lubusan nilang makikilala ang kanilang proletaryong lakas sa pagsapi sa Partido Komunista ng Pilipinas, ang tunay na partido ng uring proletaryado at paglahok sa armadong rebolusyon bilang mga Pulang kumander at mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan. #

https://cpp.ph/statements/manggagawang-bikolano-tumangan-ng-armas-at-ibagsak-ang-rehimeng-us-duterte/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.