From the Philippine Information Agency (Apr 8, 2021): Tagalog News: Hindi nakakatulong ang NPA, ayon sa mga Agta sa Rizal na tumiwalag sa pagsuporta sa teroristang grupo (By Mark Djeron C. Tumabao)
TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Abril 8 (PIA) --- Matapos na maliwanagan sa tunay na adhikain ng mga teroristang Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) na hindi nakakatulong sa kanilang pamumuhay, buong pusong tumiwalag sa kanilang pagsuporta sa nasabing grupo ang apat na Agta bitbit ang kanilang mga armas.Sabay-sabay na nagbalik-loob sa hanay ng 17th Infantry Battalion at sa PNP Rizal noong ika-7 ng Abril sina Ka Priz (65 taong gulang), Ka Nore (62 taong gulang), Ka Rey (58 taong gulang) at Ka Ferde (39 taong gulang), pawang mga residente ng barangay Masi sa Rizal, Cagayan.
Bitbit nila sa kanilang pagsuko ang tatlong home-made shotgun at isang my serial number shotgun na ibinigay sa kanila ng teroristang grupo.
Ayon kay Ka Ferde, itinuring lamang sila na alipin ng mga kadre ng teroristang CPP-NPA dahil sapilitin silang ginagawang tagahatid ng mga pagkain at armas ng mga rebelde.
Bukod dito, sinabi pa ni Ka Ferde na ginagawa rin silang espiya laban sa tropa ng pamahalaan at kung hindi sila susunod sa kagustuhan ng mga kadre ay tinatakot at pinagbabantaan ang kanilang buhay kasama ang kanilang pamilya.
“Sobrang paghihirap ang aming naranasan dahil sa pagmamando ng mga NPA. Kinokontrol nila kami at pinagbabantaan. Natatakot kaming suwayin ang utos nila dahil baka madamay ang aming pamilya. Wala kaming magawa kundi sumunod sa kanila kahit labag sa aming kalooban pati na rin sarili naming pamilya ay napabayaan narin” emosyonal na pagbabahagi ni Ka Ferde sa kanyang naging karanasan sa mga teroristang CPP-NPA.
Hinangaan naman ni Lt. Col Angelo C Saguiguit ang katapangan na ipinamalas ng mga nagbalik-loob sa pamahalaan.
“Ipinakita lamang ng teroristang CPP-NPA kung gaano sila kaduwag dahil sa ginagawang pananakot at pagpuwersa sa mga inosenteng sibilyan na gawin ang mga bagay na labag sa kanilang kalooban. Kabaliktaran nito ang ipinamalas na tapang ng apat nating mga katutubo na tumiwalag sa rebeldeng kilusan,” dagdag ni Saguiguit.
“Sa mga natitira pang biktima ng mga teroristang CPP-NPA na nananatiling nasa loob ng kilusan, magbalik-loob na kayo sa ating pamahalaan. Huwag na kayong magpagamit sa mga teroristang ito dahil walang magandang maidudulot kundi panganib sa inyong buhay. Sa ating pamahalaan, nariyan na ang Enhanced Comprehensive Local Integration (ECLIP) na tiyak makatutulong sa inyong pagbabagong buhay,”giit pa ni Saguiguit. (MDCT with reports from 17IB/PIA-2)
https://pia.gov.ph/news/articles/1071743
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.