Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Dec 1, 2020): Sinungaling na 201st Brigade, inaatake ang mamamayan sa gitna ng kalamidad
ARMANDO CIENFUEGOSPOKESPERSON
SOUTHERN TAGALOG REGIONAL OPERATIONAL COMMAND
MELITO GLOR COMMAND
NEW PEOPLE'S ARMY
DECEMBER 01, 2020
Malaking kasinungalingan at kahangalan ang ipinangangalandakan ng 201st Brigade na ang mga labanang naganap sa Quezon noong Oktubre 29, Nobyembre 12 at Nobyembre 15 ay resulta ng pang-aatake ng mga yunit ng Apolonio Mendoza Command – New People’s Army Quezon (AMC-NPA) sa kanilang mga tropang diumano’y naglulunsad ng relief operation sa mga nasalanta ng mga bagyong Quinta, Rolly at Ulysses. Pantatakip ito sa kanilang walang-puso at kalupitan sa mga mamamayan ng probinsya ng Quezon sa panahon ng kalamidad.
Ang tuluy-tuloy na demonisasyon ng AFP-PNP sa NPA ay bahagi ng pakana ng rehimeng Duterte na tatakan ang rebolusyonaryong kilusan bilang “terorista”. Nais tabingan ng rehimen na makatwiran ang mga isinasagawang walang-habas na panganganyon, pambobomba at terorismo ng mga mersenaryong militar na naglulunsad ng malupit na focused military operations sa kanayunan kahit sa gitna ng mga kalamidad at matinding kahirapan na dinaranas ng mamamayan. Malaking tinik sa lalamunan ni Duterte ang lumalakas at lumalawak na pakikibaka ng mamamayan sa pamumuno ng CPP-NPA-NDFP.
Binabaligtad ng 201st Bde ang katotohanan na ang mga tropang militar ang tuloy-tuloy na sumasalakay sa mga yunit ng AMC-NPA na nagbibigay ng ayuda para ibangon ang kabuhayan ng mga mamamayan sa mga lugar na nasalanta ng bagyo. Nasa proseso ng pagbibigay ng ayuda sa mga biktima ang yunit ng NPA nang pataksil silang atakehin ng mga mersenaryong tropa sa ilalim ng 201st Brigade-PNP-CALABARZON.
Pinatototohanan ng mamamayan ang kasinungalingan ng teroristang 201st Brigade sa ginawang pag-atake nito sa gitna ng mga nagdaang kalamidad. Hindi mga programang relip o ayuda ang natanggap ng mamamayan kundi militarisasyon at terorismo sa kamay ng mga pasista. Sinasangkalan ng 201st Bde ang mga naganap na engkwentro para paigtingin ang mga operasyong militar sa mga bayan ng Lopez, Macalelon at General Luna. Tinatayang umaabot na sa 1,000 pwersa ng 59th IBPA, 85th IBPA, 22nd DRC ng 2nd ID at PNP-CALABARZON ang naglulunsad ng mga operasyong militar sa Bondoc Peninsula.
Malaking perwisyo sa mga taumbaryo ang pagharang ng 201st Brigade sa relip na ipapamahagi sa Brgy. San Nicolas at Brgy. Ulongtao Ilaya matapos ang labanan noong Nobyembre 12. Pinagbawalan ang mga taumbaryo na maglukad at mag-ula ng kanilang mga hayop. Pinabababa din ng militar ang mga taumbaryo sa Barangay San Nicolas at Malabahay at nagbabanta pang bobombahin ang mga nasabing barangay. Tinipon pa ng mga pasista ang mga kagawad ng Brgy. San Nicolas at ininteroga. Kaalinsabay, tinatakot ang mga taumbaryo at pinipilit na sumuko sila bilang NPA.
Mas malala pa sa bagyo ang paninibasib ng 201st Brigade sa probinsya. Noong Nobyembre 14, pinaslang ng mga tropa ng 59th IB sa Barangay Magsasaysay, General Luna si Armando Buisan, 60, residente ng Barangay Santa Maria, Catanauan. Si Buisan ay tagapangulo ng Coco Levy Fund Ibalik sa Amin (CLAIM) sa bayan ng General Luna. Bago siya paslangin, paulit-ulit siyang nililigalig ng mga elemento ng 201st Brigade at pinipilit na sumuko at “magbalik-loob” bilang rebel returnee.
Desperado ang 201st Brigade na pagtakpan ang kanilang kabiguang pinsalain ang mga yunit ng AMC sa mga naganap na labanan. Nag-aaksaya ng pera at laway ang 201st Brigade sa pakulo nilang pag-iikot sa mga baryo para ianunsyo ang pagkasawi ng diumano’y 12 Pulang mandirigma. Sa aktwal, ang AFP-PNP ang nagtamo ng 12 patay at maraming sugatan sa nasabing mga labanan.
Bihasa ang AFP-PNP sa paglulubid ng mga kasinungalingan upang pilit na pabanguhin ang kanilang umaalingasaw na pangalan. Inaakala ng mga berdugo na mapapawi nito ang pagkamuhi sa kanila ng mamamayan. Malaon na silang lantad sa sambayanan dahil sa kanilang mga krimen sa bayan.
Sa kabilang banda, hindi madudungisan ng anumang paninirang-puri ng AFP-PNP ang pangalan at mahabang rekord ng NPA at rebolusyonaryong kilusan sa pagtataguyod sa interes ng mamamayan. Sa mahigit limang dekada, pinatunayan ng NPA ang dalisay nitong hangarin sa sambayanan. Batid at ramdam ng mamamayan ang taos-pusong serbisyo ng NPA para isulong ang kanilang kagalingan. Tanging ang NPA ang naglutas sa problema at nagpatigil sa nakawan ng kalabaw ng sindikatong Dose Pares sa Bondoc Peninsula noong dekada ’70-‘80. Pinangunahan din ng NPA ang mga kampanyang antipyudal para baligtarin ang 70-30 partihan sa niyugan pabor sa masang magsasaka noong dekada 1980 na nakikilala sa katawagang “tersyong baligtad”. Pinangunahan ng NPA ang pagpapataas sa sahod ng mga manggagawang bukid habang kasabay na nilalabanan ang mga di makatwiran at madayang operasyon ng mga komersyante-usurero upang baratin ang presyo ng kopra.
Walang ibang kasangga ang masa sa kahirapang ipinataw ng malakolonyal at malapyudal na lipunan kundi ang NPA. Libu-libong ektaryang lupain sa buong rehiyon ang napagtagumpayang bawiin ng mga magsasaka mula sa mga despotikong panginoong maylupa sa tulong ng NPA na hanggang ngayon ay nililinang at pinakikinabangan ng kanilang mga pamilya at salinlahi.
Sa pagpasok ng krisis ng COVID-19 sa bansa, kagyat na naglunsad ang mga yunit ng NPA ng kampanyang sanitasyon at gawaing edukasyon sa mamamayan. Matapos ang pananalasa ng mga bagyo, tumugon ang mga yunit ng NPA sa kahilingan ng masang anakpawis na tulong at ayuda.
Ang pagyakap ng mamamayan sa rebolusyon ay iniluwal nang walang pag-iimbot na pag-aalay ng NPA sa bayan ng kanilang buhay, panahon at pakikibaka upang kamtin ang kalayaan at demokrasya. Hindi magagawang ipagkanulo ng mamamayang Pilipino ang NPA at rebolusyonaryong kilusan. Patuloy nilang susuportahan ang armadong pakikibaka. Sandigan ang papalalim at papalawak na suporta ng sambayanan, patuloy na magpupunyagi ang rebolusyonaryong kilusan sa harap ng teroristang atake ng rehimeng US-Duterte hanggang sa maibagsak ito.###
https://cpp.ph/statements/sinungaling-na-201st-brigade-inaatake-ang-mamamayan-sa-gitna-ng-kalamidad/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.