Wednesday, December 2, 2020

CPP/NDF-ST: Paigtingin ang mga pakikibaka! Mag-aklas! Ibagsak ang inutil, pabaya at pahirap na pasistang rehimeng US-Duterte!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Dec 1, 2020): Paigtingin ang mga pakikibaka! Mag-aklas! Ibagsak ang inutil, pabaya at pahirap na pasistang rehimeng US-Duterte!

PATNUBAY DE GUIA
SPOKESPERSON
NDF-SOUTHERN TAGALOG
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES

DECEMBER 01, 2020



Ipinaparating ng pamunuan ng National Democratic Front of the Philippines-Southern Tagalog (NDFP-ST) ang mahigpit nitong pakikiisa at pagsuporta sa sambayanang Pilipino, lalo na sa mga mamamayan ng rehiyong Timog Katagalugan, na ngayon ay ginugunita at ipinagdiriwang ang dakilang araw ng uring anakpawis at ng ika-157 taong kapanganakan ni Gat Andres Bonifacio — ang kauna-unahang bayaning Pilipino na nagmula sa uring anakpawis.

Pinapahalagahan at sinusuportahan ng NDFP-ST ang iba’t ibang mga pagkilos at aktibidad ng mga mamamayan sa Timog Katagalugan at maging sa iba’t ibang panig ng bansa bilang anyo ng paggunita at pagbibigay pugay sa mga sakripisyo at kabayanihan ng uring anakpawis sa pakikibaka nito para sa pambansang kalayaan at demokrasya. Tulad ninyo, ang rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon ay nagsasagawa din ng mga pagtitipon at iba pang mga aktibidad upang gunitain at ipagdiwang ang Nobyembre 30, 2020 bilang dakilang araw ng uring anakpawis kasabay sa ika-157 na kaarawan ng unang bayani nito na si Gat Andres Bonifacio.

Taunang isinasagawa ng NDFP-ST ang pagdiriwang sa araw ng uring anakpawis (kasabay sa paggunita sa kaarawan ni Gat Andres Bonifacio) bilang pagkilala sa malaking papel na ginagampanan ng mga proletaryong rebolusyonaryo sa pagsusulong ng Demokratikong Rebolusyon ng Bayan (DRB). Malaking mayorya sa mga bumubuo at kasapi ng rebolusyonaryong kilusan ay nagmula sa uring anakpawis. Ang kanilang mga rebolusyonaryong organisasyon ang nagsisilbing lakas at pundasyon ng pambansang nagkakaisang prente sa balangkas ng National Democratic Front. Mula din sa uring anakpawis ang nakararami sa mga opisyal at mandirigma ng New People’s Army, sa mga kadre at kasapi ng Communist Party of the Philippines. Ito ang mga patunay na ang CPP-NPA-NDFP ay malalim na nakaugat sa malawak na masa ng sambayanang Pilipino at patuloy nitong tinatamasa ang papalawak at papalalim na suporta ng masang api at pinagsasamantalahan.

Sa araw ding ito mahalaga na muli nating sariwain ang mga naging sakripisyo at kabayanihan nina Andres Bonifacio noong kanyang kapanahunan at ng uring anakpawis sa kasalukuyang panahon. Kung si Bonifacio at ang KATIPUNAN na kanyang itinatag at pinamunuan ay nanguna sa pakikibaka laban sa pagsasamantala at pang-aapi ng mga lokal na naghaharing uri at kolonyalistang Español, ipinaglalalaban naman ng kasunod na mga henerasyon ng uring anakpawis ang pambansang kalayaan at demokrasya mula sa imperyalismo, katutubong pyudalismo at burukrata-kapitalismo. Ipinagpapatuloy lamang ng kasalukuyang henerasyon ng uring anakpawis ang nasimulang pakikibaka ng Katipunan sa ilalim ni Gat Andres Bonifacio sa isang bagong panahon, laban sa bagong mga imperyalistang kapangyarihan at mga bagong tirano na kinatawan ng lokal na mapagsamantala at naghaharing uri sa lipunang Pilipino.

Kaya marapat lamang na buong lakas na ipagsigawan at ipadama ng uring anakpawis at sambayanang Pilipino ang labis nitong pagkamuhi sa pasistang rehimeng US-Duterte at ang pagnanais nitong mapatalsik si Duterte sa kapangyarihan. Kailangang lunurin at yanigin si Duterte ng mga panawagan at pagkilos ng mga manggagawa, magsasaka, maralitang taga-lunsod, kabataan-estudyante at iba pang mga demoratikong uri’t sektor ng lipunang Pilipino dahil sa kanyang mga katiwalian, kabuktutan at krimen sa bayan. Kailangang maramdaman ni Duterte na hindi titigil ang uring anakpawis at sambayanan sa paglaban hangga’t hindi siya napapatalsik sa kapangyarihan.

Nais sirain at labusawin ni Duterte sa mata ng mamamayan ang maningning na rebolusyonaryong tradisyon ng CPP-NPA-NDFP sa paglaban sa mga lokal na tirano para tubusin ang masang api’t pinagsasamantalahan mula sa makauring karahasan na pinakakawalan ng estado ng mga naghaharing-uri sa bansa. Tulad ng panahon ng Kolonyalistang Español, binansagan ng mga mananakop na Español at mga prayle ang mga rebolusyonaryo ng Katipunan at kilusang repormista ng mga ilustrado bilang mga erehe at pelibustero para alisan ng pagiging makatarungan at lehitimo ng kanilang adhikain para sa pagpapalaya at kasarinlan ng bansa mula sa kolonyal na kapangyarihan ng España.

Sa panahon ng kolonyal na paghahari ng US, tinatakang mga terorista ang anti-kolonyal at mapagpalayang kilusan ng sambayanang Pilipino at ng Rebolusyong 1986 at Unang Republikang Pilipino. Sa ilalim naman ng mga huwad ng republikang rehimen, isinulong ng US at mga kolaboreytor na rehimeng mula kay Roxas ang anti-Komunistang isterya at panunugis. Sa panahon ng rehimeng US-Garcia, isinabatas ang Anti-Subversion Act 1957 o Republic Act No. 1700 upang tugisin at gawing iligal ang mga rebolusyonaryong organisasyon at mga makabayang kilusan. Pinalawak pa ang kapangyarihan ng batas laban sa subersyon sa pagsasabatas ng PD 885 ng 1976 at PD 1835 ng 1981 sa ilalim ng diktadurang Marcos na nagkriminalisa sa sinumang kabilang, maiugnay at dumalo sa mga pagtitipon at aktibidad na may layuning ibagsak ang reaksyunaryong gubyerno.

Sa balangkas ng higit na mabagsik at mapanupil na RA 11479 o Anti-Terrorism Act of 2020, lalong kailangan ngayon ng uring anakpawis ang ibayong pagkakaisa, katatagan at determinasyon sa paglaban upang singilin at papanagutin ang rehimeng US-Duterte sa kanyang malalaking kasalanan, kataksilan at krimen sa bayan. Kailangang singilin at papanagutin ang pasistang rehimeng US-Duterte sa mahigit sa apat na taon na pagmamalabis at kalupitan na ginawa niya sa bayan. Kailangan siyang pagbayarin ng mahal sa mga ginawa nitong mga kabuktutan, katiwalian at pandarambong sa pondo ng bayan. Dapat managot si Duterte at ng kanyang mga berdugo at mamamatay taong mga opisyal ng AFP at PNP sa mahigit sa tatlumpong libo (30,000) na napaslang sa madugo ngunit huwad na kampanya nito sa iligal na droga, sa libu-libong mga pinaslang ng AFP at PNP sa kanilang kampanyang kontra-rebolusyonaryo at extra judicial killings (ejk) mula sa hanay ng masang manggagawa at magsasaka, mga progresibo, aktibista at mga tagapagpataguyod at tagapagtanggol sa karapatang pantao. Dapat singilin at papanagutin si Duterte sa kanyang talamak at walang pakundangang paglabag sa karapatang pantao ng sambayanang Pilipino.

Kailangang padagundungin ang malakas na panawagan ng uring anakpawis para sa hustisya sa lahat ng mga naging biktima ng mga karumal-dumal na krimen at mga kriminal na kapabayaan ng pasistang rehimeng US-Duterte.

Lalong dapat singilin at papanagutin si Duterte sa kanyang mga kabiguan, kainutilan at kriminal na kapabayaan na maihaon sa kumunoy ng kahirapan ang sambayanang Pilipino. Sa kanyang kakuparan at sa kawalan ng malasakit para sa maagap at sapat na paghahatid ng tulong at ayuda sa mga pangangailangan ng mga kababayan nating biktima ng mga sakuna at kalamidad sa bansa. Bigo, inutil at walang naging silbi sa sambayanang Pilipino ang mahigit sa apat na taong panunungkulan ni Duterte. Dapat na siyang mapatalsik sa kapangyarihan.

Mula sa uring anakpawis ang mga pangunahing biktima ng mga anti-mamamayang patakaran at programa ni Duterte. Sila ang pangunahing mga biktima at lubusang naapektuhan ng militaristang patakaran ng gubyernong Duterte sa pagharap at paglaban nito sa pandemyang Covid-19. Ang uring anakpawis din ang pangunahing biktima ng kriminal na kapabayaan ni Duterte kapag dumarating ang mga kalamidad at sakuna sa bansa. Mula sa kanilang hanay ang kalakhan sa mga naging biktima ng kontra-rebolusyonaryong kampanya ni Duterte laban sa CPP-NPA-NDFP. Daang libong magsasaka at mga katutubo ang sapilitang lumikas dahil sa walang patumanggang pambobomba ng AFP sa kanilang mga pamayanan, pagpapalayas at malawakang pangangamkam ng kanilang mga lupain ng mga dambuhalang korporasyon sa pagmimina at mga plantasyon. Sa tabing ng pagsugpo sa armadong rebolusyonarong kilusan hinahawan ng pasistang rehimeng US-Duterte ang daan sa pagpasok ng mga dayuhang korporasyon, minahan, plantasyon at pagtatayo ng dambuhalang mga dam sa kanilang mga lupaing ninuno.

Maraming mga maralitang tagalunsod din ang idenemolis at basta na lamang itinapon sa mga lugar na walang tubig, kuryente, mga batayang serbisyo at pagkakakitaan ng hanapbuhay. Saplitan silang pinalayas sa kanilang mga komunidad upang bigyang daan ang mga proyekto ng gubyerno na pumapabor sa mga malalaking burgesya-komprador na malalapit kay Duterte at sa amo nitong mga imperyalistang kapangyarihan.

Sapul nang maluklok sa kapangyarihan si Duterte noong Hulyo 2016 wala na itong nagawang kabutihan sa bayan. Ipinagpatuloy at higit lang pinatindi ni Duterte ang pagsasamantala at atake sa kabuhayan ng masang Pilipino batay sa mga dati nang umiiral na mga anti-mamamayang batas, patakaran at programa ng mga nagdaang rehimen na lalong nagbaon sa kumunoy ng kahirapan sa sambayanang Pilipino. Pinag-ibayo din ni Duterte ang panunupil at kamay na bakal na paghahari sa pamamagitan ng mga mapanupil na batas tulad ng RA 11479 o Anti Terrorism Act of 2020.

Batay sa ganitong sitwasyon sa bansa at pagiging bangkarote ng administrasyong Duterte, makatwiran at makatarungan lamang para sa uring anakpawis at sambayanang Pilipino na lumaban at mag-aklas para ibagsak ang korap, tiraniko, walang silbi, pabaya at pahirap na pasistang rehimeng US-Duterte.###

https://cpp.ph/statements/paigtingin-ang-mga-pakikibaka-mag-aklas-ibagsak-ang-inutil-pabaya-at-pahirap-na-pasistang-rehimeng-us-duterte/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.