Wednesday, December 2, 2020

CPP/NDF-ST-KM-Laguna: Buong tapang na dalhin ang rebolusyon ni Bonifacio tungo sa sosyalistang tagumpay! — KM-Laguna

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Dec 1, 2020): Buong tapang na dalhin ang rebolusyon ni Bonifacio tungo sa sosyalistang tagumpay! — KM-Laguna

VICTORIA MADLANGBAYAN
SPOKESPERSON
KABATAANG MAKABAYAN-LAGUNA
NDF-SOUTHERN TAGALOG
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES

DECEMBER 01, 2020



Rebolusyonaryong pagbati at pinakamataas na pagpupugay!

Ipinagdiriwang ng rebolusyonaryong kilusan ng kabataan-estudyante ang ika-56 na anibersaryo ng Kabataang Makabayan, ang rebolusyonaryong organisasyong masa ng kabataan na mahigpit na tumatalima sa imortal na siyensya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo. Dumaan sa mga panahon ng pagsulong at pag-urong ang kilusan ng kabataan estudyante sa Laguna, mula sa panahon ng diktadurang US-Marcos, hanggang sa kahibangan at pagwawasto noong dekada 90, sa mga sunod-sunod na Oplan, at hanggang sa muling pagsikad sa kasalukuyan.

Hindi makakalimutan ang dakilang ambag ng kabataan-estudyante sa kilusang masa sa ating probinsya. Naging mapagpasya ang pagkilos at militansya ng kabataan sa pagsuporta sa mga pagkilos ng magsasaka, welga ng manggagawa, at martsa ng maralita. Hindi makakalimutan ang mga malawakang walk-out at pagkilos ng mga estudyante para tutulan ang diktadurang Marcos at ang rehimeng Erap. Hanggang ngayon, damang-dama pa rin ng mamamayan ang alab at diwang rebolusyonaryo na taglay ng kabataang Lagunense sa lahat ng larangan.

Binabati rin ng KM Laguna at ipinagdiriwang nito ang ika-157 na anibersaryo ng kapanganakan ng magiting na rebolusyonaryo at bayaning si Gat Andres Bonifacio. Ang pag-alaala sa kanyang buhay at pakikibaka ngayong araw ay hindi lamang upang atin siyang gunitain, dahil sa gitna ng tumitinding atake ng teroristang rehimen ni Duterte nararapat tayong tumanaw at matuto mula sa kasaysayan.

Ang Rebolusyon ng 1896 na pinasimulan ng Katipunan sa pamumuno ni Bonifacio ay ang sukdulan ng lahat ng pakikibaka ng mamamayang Pilipino laban sa kolonyalismong Espanyol at pyudalismo. Buong-tapang at giting na hinarap ng mamamayang Pilipino ang mapaniil na mga naghaharing-uri upang makamit ang pambansang paglaya at demokrasya. Nag-aakala ang mga naghaharing-uri na sa pagpaslang nila kay Gat Andres ay mapapaslang din ang rebolusyon, ngunit pinatunayan na sila ay nagkakamali at sa muling pagpasok ng mga bagong mananalakay ay pinagpatuloy ng mamamayan ang pakikibaka.

Dinala ng kabataan ang diwang rebolusyonaryo ni Gat Andres sa sumunod na panahon. Ipinagpatuloy nila ang sinimulan ng Katipunan sa pamamagitan ng masusing pag-aral sa lipunan, pagturol sa panibagong porma ng pakikibaka, at pagkilos tungo sa ganap na kalayaan at kapayapaan. Sa kasalukuyan, nagbago ang porma ng pakikibaka: hindi na kolonyalismo ng Espanya at pyudalismo ng mga prayle ang kalaban, kundi imperyalismong US, lokal na pyudalismo, at burukrata kapitalismo na nagpapanatili sa ating bansa bilang malakolonyal at malapyudal.

Ang kasalukuyang rehimen ni Rodrigo Duterte ang pinakabagong mukha ng suliraning ito. Sa apat na taong paghahari-harian niya sa bansa ay pinalala niya ang mga batayang krisis na nararamdaman ng sambayanang Pilipino. Binigyan niya ng dagdag buwang ang mga dayuhan at mga malalaking komprador na magkamal ng kita at pagsamantalahan ang ating likas na yaman sa pamamagitan ng Build Build Build at pagbigay ng 100% foreign ownership sa mga susing empresa tulad ng pagmimina. Binigyan niya ng limpak-limpak na ganansya ang mga negosyante sa pamamagitan ng TRAIN Law habang nananatiling mahirap ang mga manggagawa at magsasaka sa buong bansa.

Kasabay nito ay linunod niya ang buong bansa sa kaniyang mga madudugong disenya. Lagpas 31,000 na ang inosenteng namatay dahil sa Oplan Tokhang at Oplan Double Barrel. Patuloy ang mga pananakot, pambobomba, pagpapalayas at pamamaslang ng AFP at PNP sa mga komunidad at sitio sa kanayunan. Lagpas 500,000 na ang mga mamamayang sapilitang naging bakwit sa sariling bansa bunga ng mga sunod-sunod na operasyong ito.

Tinago niya sa mga mtatamis na salita ang kanyang tunay na hangarin. Malayo sa kaniyang unang mga pahayag na siya ay magiging tapat sa Pilipino, hindi na tinatago ni Duterte ang kaniyang pagiging uhaw sa dugo at kasahulan bilang utak-pulburang tuta ng imperyalista.

Ginamit ni Duterte ang panahon ng pandemya upang palakasin ang pasistang paghihigpit sa bansa imbes na tugunan ang batayang krisis nito. Dahil dito, lumala ang batayang krisis ng kahirapan na sinasapit ng Pilipino. Libo ang nawalan ng trabaho at nalugmok sa dagdag na krisis. Nawalan ng kakarampot na kita ang mga magsasaka sa buong bansa. Nagpatuloy ang komersyalisado at pasistang katangian ng edukasyon habang napilitang magtiis ang mga estudyante sa mga module na kailanma’y hindi makasasapat.

Pinakita ni Duterte na ang tunay niyang kaaway ay ang lehitimong interes ng sambayanang Pilipino at ang mga nagsusulong nito: ang kilusang masa at ang rebolusyonaryong kilusan. Sa balangkas ng kanyang National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), ubos-kayang inuubos ni Duterte at ng mga halang sa militar tulad Antonio G. Parlade, Jr. ang pera ng taumbayan sa pagtalikod sa sinumpaang mandato nilang “maglinkod at ipagtanggol ang sambayanang Pilipino.” Tinalikuran ni Duterte ang kahit anong posibilidad na magkaroon ng kapayapaan bunga ng pagwawalang-bahala sa usaping pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP — na ngayo’y humahantong sa pamamaslang at pag-aresto sa mga NDFP consultant.

Kung kaya’t malinaw na hinog na hinog na ang mga batayan hindi lamang para patalsikin ang rehimeng US-Duterte, kundi para pasiklabin ang rebolusyonaryong diwa ng mamamayan at dalhin ang demokratikong rebolusyong bayan sa panibagong antas. Susi ang magiging tungkulin ng kabataan, partikular na ang kabataang Lagunense, sa pagsulong ng layuning ito.

Ngayong araw ng Dakilang Proletaryo na si Gat Andres Bonifacio, hindi lamang natin kinikilala ang mahalagang papel na ginampanan ni Bonifacio at ng Katipunan sa pagsusulong ng kalayaan ng sambayanan. Bagkus ay buong-puso ring tinatanggap ang hamon ng panahon upang baguhin ang malakolonyal at malapyudal na katangian ng lipunang Pilipino.

Hamon ngayon sa rebolusyonaryong kilusan ng kabataan-estudyante na sunggaban at maksimisahin ang panahong ito para magmulat, mag-organisa, at magpakilos. Suyurin ang lahat ng mga pamantasan at komunidad para suriin ang krisis na kinakaharap ng mamamayan sa mga lokalidad na ito. Sa mga kasapi at kadre sa kalunsuran, panahon na para tumungo sa kanayunan at makiisa sa mga laban ng magsasaka, mangingisda, at maralita sa mga nayon at parang ng Laguna. Laging panghawakan ang linyang masa, at laging idikit ang buong puso’t isipan sa pagkilos para sa masa.

Bunga ng pag-oorganisang ito, tungkulin natin na magpasapi ng daan-daan at limpak-limpak na bagong miyembro ng Kabataang Makabayan. Magtayo ng mga balangay sa lahat ng erya na may konsentrasyon ng mga kasapi, habang patuloy na kinokonsolida at pinapalakas ang mga nakatayo nang balangay. Lagumin at aralin ang mga karanasan at patuloy na magpaunlad sa pagkuha ng “tamang timpla” sa pag-oorganisa. Sa ganitong paraan, napapalakas natin ang ating hanay, at mas nagiging tiyak ang paalon na pagsulong ng demokratikong rebolusyong bayan.

Suportahan ang kilusang masa sa kalunsuran sa pagpapatampok ng mga isyung sosyo-ekonomiko. Patuloy na igiit ang karapatan para sa edukasyon sa mga pamantasan at komunidad habang sinusuportahan ang mga demokratikong karapatan ng mga manggagawa para sa sahod, ng mga maralita para sa disenteng pabahay at pamumuhay, at ng mga magsasaka para sa tunay na reporma sa lupa. Ang pagpapalakas ng kilusang masa ng mamamayan ang magsisilbing balon ng aral sa mamamayan para sa kahalagahan ng pagkilos.

Buhayin ang makamasang kultura at sining, at patuloy natin linangin ang ating kakayahan tungo sa paglalarawan ng tunay na kalagayan ng masang inaapi. I-transporma ang dekadente at mapanupil na kultura ng naghaharing uri tungo sa tunay na kultura na nagmumula at nagsisilbi sa sambayanan. Maglunsad ng mga palihang bayan, pagsasanay, pag-aaral at iba pang porma ng pagpapaunlad ng kaalaman. Isabuhay ang gawaing kultural sa lahat ng porma ng pagkilos, pag-oorganisa, at pagmumulat.

At higit sa lahat, buong puso nating suportahan at yakapin ang armadong pakikibaka at ang demokratikong rebolusyong bayan na isinusulong ng Bagong Hukbong Bayan sa kasalukuyan. Tulad ng Rebolusyon ng 1896, hindi magagawa ng mamamayan na agawin ang kapangyarihang pampulitika kung hindi tayo tatangan ng armas. Ang armadong pakikibaka ang tanging tugon na makakaya ng mamamayan laban sa dahas ng estado. Ito ang nagsisilbing paraan para mailunsad ang rebolusyong agraryo sa kanayunan at ang patuloy na pagbubuo ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika. Ang tagumpay sa digmaang bayan ay tagumpay ng sambayanan para sa tunay na demokrasya.

Mahalin at yakapin natin ang Hukbong Bayan na nagsusulong ng demokratikong interes ng masa. Suportahan natin sila sa kahit anong paraan — materyal, pinansyal, moral. Higit sa lahat, hamon sa bawat isa sa atin na tahakin ang pulang landas ng pakikibaka at umakyat tungo sa pinakamataas na porma ng pakikibaka. Sumampa at tanggapin ang hamon na maging bahagi ng tunay na hukbo ng sambayanan, at sumapi sa BHB!

Kung buhay ngayon si Gat Andres, hindi na kailangang tanungin kung nasaan siya. Ipagpapatuloy niya ang rebolusyonaryong simulain niya at makikita natin siya sa piling ng masang api — inaalam ang kalagayan nila, naglilingkod sa kanila, at lumalaban para sa interes nila. Tulad ni Gat Andres, huwag natin bitawan ang ating mga rebolusyonaryong prinsipyo at isulong natin ang bagong tipo ng rebolusyon! Ngayong ika-56 na anibersaryo ng Kabataang Makabayan, panghawakan natin ang ating sinumpaang tungkulin bilang rebolusyonaryo at sama-sama nating isulong ang digmaang bayan tungo sa tagumpay at sosyalistang landas!

Mabuhay si Andres Bonifacio!
Mabuhay ang Kabataang Makabayan!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang rebolusyong Pilipino!
Kabataang Lagunense, isulong ang digmang bayan! Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

https://cpp.ph/statements/buong-tapang-na-dalhin-ang-rebolusyon-ni-bonifacio-tungo-sa-sosyalistang-tagumpay-km-laguna/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.