ANG BAYAN
AUGUST 03, 2020
Bukambibig ni Rodrigo Duterte ang “maghintay sa bakuna” para pagtakpan ang kainutilan at kapalpakan ng kanyang rehimen na apulain ang pandemyang Covid-19 sa bansa. Gayunpaman, wala siyang ibinibigay na sapat na suporta o tulong para sa mga Pilipinong siyentista sa pagsisikap na tumuklas ng ganitong bakuna. Walang saysay ang inianunsyong P10-milyong pabuya diumano sa unang makatutuklas, kung wala namang pondo para sa pananaliksik. Bukod dito, wala itong ginagawa para baguhin ang labis na pagsalalay ng Pilipinas sa pag-aangkat at kawalan nito ng kakayahan na magmanupaktura ng anumang bakuna.
Wala ring balak ang rehimeng Duterte na bakunahan ang mayorya ng mga Pilipino. Ayon sa Department of Finance, 20 milyon lamang na kunwa’y “pinakamahihirap” sa 110 milyong Pilipino ang ibibili ng bakuna. Kulang na kulang ito para sa 30 milyong mag-aaral, guro at istap na pinangakuan niya ng bakuna bago buksan ang mga eskwelahan, mga manggagawang pangkalusugan at mga manggagawa nagtatrabaho na sa hindi ligtas na mga pagawaan at lugar. Masahol pa, uunahin diumano niya ang militar. Lagi’t laging idinadahilan ni Duterte ang kawalan ng pondo, kahit pa mahigit P1 trilyon na ang inutang ng kanyang rehimen gamit ang pandemya.
Kontrol ng mga monopolyong kapitalistang Big Pharma
Hawak ng mga monopolyong kapitalista sa industriyang pharmaceutical (pagmamanupaktura ng gamot) na tinatawag ding Big Pharma ang pananaliksik, pagmanupaktura, distribusyon at pagpepresyo sa mga gamot at bakuna sa buong mundo. Ang pinakamalalaking kumpanya ay kinabibilangan ng Johnson & Johnson (US), Roche (Switzerland), Sinopharm (China), Pfizer (US), Bayer (Germany), Novartis (Switzerland), Merck & Co. (US), GlaxoSmithKline (UK), Sanofi (France) at AbbVie (US). Noong 2019, umabot sa $512 bilyon ang pinagsanib na netong kita ng mga kumpanyang ito.
Ang nasabing mga kumpanya ang nag-uunahan ngayon sa pagpapaunlad ng bakuna para sa Covid-19. Nagkakarera sila, hindi dahil sa kawanggawa o mataas na layong makatao, kundi dahil habol nilang kontrolin ang pamilihan ng bakuna o malaking bahagi nito at gayo’y garantiyahan ang kanilang dambuhalang kita. Sa isang pag-aaral, tinatayang kumita ang Pfizer ng dagdag na $2 bilyon sa unang tatlong buwan ng pandemya. Dagdag ito sa $16-bilyong tubo ng kumpanya noong 2019. Ang Johnson & Johnson naman ay nakatakdang magkamal ng dagdag na $5-bilyong sa tubo ngayong taon, o mas mataas ng halos kalahati sa naitala nito sa nakaraan. Mas malaking tubo pa ang pinaglalawayang kamkamin ng mga ganid na kumpanyang ito.
Noong Hulyo 28, mayroon nang 226 kandidatong bakuna pero 25 lamang dito ang nasa clinical trial o sinusubok na sa tao, at lima pa lamang ang umabot sa pangatlo at huling yugto. Ang mga bakunang ito ay pinauunlad ng mga dambuhalang kumpanyang Pfizer (US) at BioNTech (Germany), Moderna (US), Oxford at AstraZeneca Plc (UK), Sinovac (China) at Sinopharm (China). Ang bakunang pinauunlad ng Sanofi (France) at GlaxoSmithKline (UK), gayundin ang isa pang gawa ng Johnson & Johnson (US), ay nasa ikalawa at ikatlong yugto na ng clinical trial. Sa Setyembre pa nakatakdang simulan ang ikatlong yugto nito.
Nagkakani-kanya at mahigpit na naglilihiman ang mga kumpanyang ito sa pananaliksik at pag-eeksperimento sa paggawa ng bakuna sa Covid-19. Walang makapagsasabi kung totoo o hindi ang inilalabas na mga pahayag sa publiko na “malapit na” o may breyktru na ang kanilang pananaliksik. Bahagi ito ng mga taktika para sa manipulasyon ng kapitalistang pamilihan at para itulak paitaas ang presyo ng kanilang mga produkto at sapi sa stock market.
Gayunpaman, ayon sa mga ekspertong nagmomonitor ng industriya, malamang sa huling bahagi pa ng 2021 o di kaya’y sa 2022 pa masisimulan ang produksyon ng bakuna. Ang mailalabas na mga bakuna sa 2021 ay malamang na aaprubahan para lamang gamitin sa mga kasong pang-emergency. Sa karanasan ng industriya, pinakamaiksi na ang lima hanggang pitong taon ng tuluy-tuloy na pagpapaunlad ang isang bakuna bago ito bigyan ng lisensya.
Ang bakunang pinauunlad ng Oxford, na sinasabing nasa abanteng yugto na ng pagpapaunlad, ay nag-ulat ng di kanaisnais na mga epekto (side effect) tulad ng pananakit ng katawan at panghihina ng mga indibidwal. May katulad ding epekto ang natuklasan sa unang bahagi ng inieksperimentong bakuna ng Moderna. Wala sa limang umabanteng bakuna ang inaasahang mabibigyan ng lisensya bago ang katapusan ng taon.
Kung pumasa sa istriktong mga regulasyon ng mga ahensyang pampubliko, balak ng Sanofi at GlaxoSmithKline, ang dalawang pinakamalaking nagmamanupaktura ng gamot sa mundo, na magsuplay ng pinakamaraming bakuna.
Sa kabila ng wala pang linaw kailan magkakabakuna, nag-uunahan na ang mga imperyalistang bansa na kopohin ang suplay nito. Mayroon nang mga kasunduan sa pagitan ng mga gubyerno at mga kumpanya ng gamot sa mga imperyalistang bansa para sa 250 milyong dosis kahit hindi pa tapos ang mga pag-eeksperimento. Kabilang sa mga ito ang gubyerno ng UK na nakipagkasundo na sa GlaxoSmithKline and Sanofi para bumili ng 60 milyong dosis sa kanilang pinauunlad na bakuna. Dagdag ito sa nakatakdang bilhin nitong 100 milyong dosis ng bakunang inieksperimento ng Oxford/AstraZeneca Plc. Ang US, sa kabilang banda, ay nakipagkasundo na sa Pfizer at BioNTech para bumili ng 60 milyong dosis ng bakuna sa halagang $1.8 bilyon. Mayroon na ring mga kasunduan ang European Union at Japan sa nabanggit na mga kumpanya.
Sa tindi ng pag-uunahan, nabili o naipangako na ang mahigit isang bilyong dosis ng iba’t ibang bakuna kahit hindi pa ito minamanupaktura. Mag-aaagawan ang iba pang mga bansa sa matitira o maghihintay kung kailan makapagmamanupaktura ng mas marami ang big pharma. Kung aabutin ang lahat ng tao sa mundo, kakailanganin ng lahat ng mga kumpanyana magprodyus ng hanggang 14 bilyong dosis para sa mga bakunang kailangan ng dalawang turok. May mga tayang sa unang kwarto pa ng 2022 maabot ang target ng pagmamanupaktura ng 1 bilyong dosis.
Dahil sa pag-uunahan ng mayayamang imperyalistang bansa, nawawalan ng saysay ang deklarasyon ng alyansang Covax para isulong ang layunin ng pantay na akses sa bakuna. Ang alyansa ay pinangunahan buuin ng World Health Organization at Coalitiion of Epidemic Preparedness at kinabibilangan ng 145 mahihirap na bansa. Bahagi ng Covax ang Pilipinas.
Pribadong kita mula sa pampublikong pananaliksik
Lagpas sa karaniwang tubo, kumakamal ang mga monopolyo kapitalistang kumpanyang Big Pharma ng supertubo mula sa pagtatakda ng presyo ng mga gamot na lagpas-lagpas sa gastos nito sa produksyon. Pinakanakasusuklam ang kapitalistang pagkaganid sa tubo ng mga ito kapag labis nilang itinataas ang presyo sa sa mga panahong limitado ang suplay at mataas ang demand (tinatawag na price-gouging). Pinakamalala ito sa kaso ng mga gamot at bakunang pansalba ng buhay.
Inianunsyo ng Pfizer noong Marso na hindi bababa sa $40 (P2,000+) ang dalawang-dosis na bakunang ibebenta nito sa US. Hanggang $30 (P1,500) naman ang ipepresyo ng Moderna para sa kada dosis ng bakuna. Tinatayang kikita ang Moderna nang hanggang $20 bilyon sa benta nito sa US pa lamang.
Napalalaki rin ng kinakamal na tubo sa pamamagitan ng pagpapababa sa gastos sa produksyon. Malaking bahagi nito ay ang paggamit sa pondong pampubliko sa ginagawa nilang pananaliksik. Samakatwid, ang pera ng taumbayan ay inilalaan para pagtubuan ng malalaking kapitalista.
Noong Marso, naglaan ang gubyerno ng US ng $10 bilyon sa mga kumpanya ng gamot nang walang anumang kundisyon kung paano at gaano kabilis dapat imanupaktura ang bakuna, at kung magkano ang dapat na maging presyo nito. Kabilang sa mga nabiyayaan ang Moderna na binigyan ng $483 milyon noong Abril at ang Johnson & Johnson na tumanggap ng kalahating bilyon para gumawa ng bakuna at iba pang gamot na kontra-Covid. Noong Hunyo, dagdag na pondo ang ibinigay ng rehimeng Trump sa Big Pharma sa anyo ng mga kaltas sa buwis, suportang teknikal at iba pang insentiba sa tinaguriang Operation Warp Speed. Isang dating upisyal ng GlaxoSmithKline at Moderna ang namumuno sa programang ito.
Sadyang hindi rekisito na gawing abot-kaya ng Big Pharma ang presyo ng bakuna kahit pa pinopondohan ng buwis ng mamamayang Amerikano ang mga pananaliksik. Ito ay para tiyakin ang kanilang dambuhalang kita dahil tumatanggi ang mga ito na magmanupaktura ng isang gamot kung hindi ito mapagkakakitaan ng husto. Sa UK, balak ibebenta ng AstraZeneca ang inieksperimentong bakuna ng Oxford sa halagang$3-$4 (P150-P200) lamang sa Netherlands, Germany, France at Italy. Pampublikong pondo rin ang ginagamit ng Oxford para sa pananaliksik.
Paghahabol ng China
Liban sa kita, habol ng China ang makapagpalawak ng impluwensya at magkamal ng pabor mula sa mga bansang nangangailangang bumili ng mga bakuna. Sa paghahabol nitong mauna sa merkado, inaprubahan ang paggamit ng militar ng bansa sa isa sa pinauunlad nitong bakuna, ang Ad5-nCoV ng Sinopharm, noong Hunyo 25 kahit hindi pa ito pumapasok sa ikatlong yugto ng pagsubok. Bagamat di pa subok, pinagagamit na ito sa nagbabalik-trabahong mga manggagawa sa Beijing at sa mga manggagawang palabas ng bansa matapos na muling tumaas ang bilang ng mga nahawa sa mga syudad nito.
Kasalukuyan ding minamadali ng isa pang kumpanyang Chinese, ang Sinovac, ang pagsubok ng bakuna nito sa Brazil. May kasunduan na ang Brazil at China sa pagmanupaktura nang hanggang 100 milyong dosis para sa sariling gamit.
Liban sa Brazil, iilan pa lamang ang mga bansang interesado sa mga bakuna ng China (UAE, Mexico, Canada at Malaysia) dahil may kani-kanya nang eksperimento ang malalaking bansa. Para makopo ang merkado sa Latin America at Carribean, nag-alok ang China ng pautang na $1 bilyon sa mga bansa rito para diumano magkaroon ng “akses” sa pinauunlad nitong bakuna. Sa madaling salita, magpapautang ang China para bilhin ang sarili nitong mga bakuna. Paspasan nang itinayo ng China ang dalawang plantang gagamitin sa pagpoprodyus ng mga ito.
Ang Pilipinas ay buung-buong nakaasa sa mga dayuhang kumpanya dahil sa kawalang kakayahan nitong magmanupaktura ng bakuna. Pinalalabas ni Duterte na isang napakalaking pabor na “uunahin” ng China na bentahan ang Pilipinas ng bakuha. Ilang beses siyang nagpasalamat, at nangako pang mangutang o magbenta ng mga pampublikong lupa at ari-arian.
Handa siyang isaisantabi ang mga regulasyon ng mga ahensyang nagtitiyak ng kalidad ng mga gamot. Handa rin siyang balewalain ang mga hakbang nagtitiyak na bukas sa publiko ang proseso tulad ng public bidding sa kontrata sa pagbili ng bakuna para paboran ang mga kasosyo niyang kumpanyang Chinese. Sa huling pahayag mismo ni Duterte, sinabi niyang magkakahalaga ng $10/dosis (P500) ang bakuna mula sa China, mahigit doble sa panimulang presyo ng bakuna ng Oxford/AstraZeneca.
https://cpp.ph/2020/08/03/bakuna-sa-covid-19-at-ang-ganid-na-big-pharma/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.