Saturday, March 28, 2020

CPP/NPA-Mindoro: LDGC-NPA Mindoro ipatutupad ang isahang-panig na Tigil-Putok

NPA-Mindoro propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Mar 28, 2020): LDGC-NPA Mindoro ipatutupad ang isahang-panig na Tigil-Putok

MADAAY GASIC
NPA-MINDORO
LUCIO DE GUZMAN COMMAND
NEW PEOPLE'S ARMY
MARCH 28, 2020



Rehimeng US-Duterte nanloloko sa sariling deklarasyon ng UCF

Tatalima ang CPP-NPA-NDF sa Mindoro sa idineklarang Isahang-panig na Tigil Putok ng pambansang pamunuan ng CPP. Nauunawaan ng rebolusyonaryong kilusan sa Mindoro ang kabuluhan ng deklarasyon bilang pagtugon sa panawagan ng UN Sec Gen Antonio Guterres para sa pandaigdigang tigil putukan ng lahat ng nagdidigmaang partido sa lahat ng panig ng mundo upang magkatulungan sa pagsugpo sa pandemic na COVID-19.

Kaugnay nito, mahigpit na ipatutupad ng Lucio De Guzman Command -NPA Mindoro [LDGC-NPA Mindoro] ang kautusan ng pambansang pamunuan ng CPP ng tigil putok mula hatinggabi ng 26 Marso 2020 hanggang hatinggabi ng 15 Abril 2020.

Ang kautusan ay mangangahulugan na hindi magsasagawa ang mga yunit ng LDGC -NPA Mindoro at mga milisyang bayan ng opensibang operasyong militar laban sa mga yunit ng AFP, PNP at mga grupong paramilitar sa ilalim nito.

Ganun pa man, mananatili ang aming posturang nakahanda para magdepensa laban sa anumang opensibang aksyon o mapang-upat na pagkilos ng mga armadong yunit ng GPh laban sa mga yunit ng NPA at sa mga mamamayan sa ilalim ng rebolusyonaryong demokratikong gobyernong bayan.

Ang posturang aktibong pagdepensa ay isasagawa kung may kagyat na nakaambang panganib at aktwal na armadong pag -atake ang pwersa ng GPh.

Patuloy din kaming magmamatyag sa anumang indikasyon ng pang-uupat at atake mula sa armadong pwersa ng GPh.

Minabuti naming ipatupad ang nasabing postura dahil sa kabila ng deklarasyon ng Rehimeng Duterte ng kanilang sariling isahang-panig na tigil putok noong 19 Marso 2020, patuloy na nagsasagawa ng combat operation sa anyo ng FMO at mga RCSPO ang 203rd Brigade-Phil Army, mga panagupang yunit ng PNP at mga yunit paramilitar sa Mindoro sa iba’t ibang bahagi ng isla.

Patunay nito ang nagpapatuloy na operasyon ng 76IB at mga paramilitar na hawak nito sa mga barangay ng Bugtong na Tuog at La Fortuna, bayan ng Socorro; ang 4th IB sa Barangay Hagan at Lisap, Bongabong Oriental Mindoro. Sa Occidental naman pumasok ang operasyon ng 4th IB sa barangay Pornaga at Paclolo, Magsaysay noong 21Marso. Tuluy-tuloy din ang FMO-RCSPO sa erya ng Monteclaro San Jose at Brgy Manoot Rizal.

Ginamit at sinamantala pa ng mga pasistang tropa ng 203rd Brigade-Phil Army at mga yunit ng PNP at paramilitar ang COVID-19 upang isalang sa matinding pagbabantay ang lahat ng bahagi ang Mindoro sa balangkas ng lockdown o enhanched community quarantine.

Imbes na manggagawang pangkalusugan ang ideploy sa iba’t ibang lugar sa isla, pasistang armadong pwersa ng rehimeng Duterte ang makikita sa lahat ng panig ng Mindoro.

Ipinatutupad ang kamay na bakal ng mga pasistang galamay ng rehimen para pasunurin ang mga Mindoreno kung saan kinontrol ang arawang gawain ng mga mamamayan na nasa bingit ngayon ng kagutuman dahil nawalan ng hanapbuhay at hindi na makapaghanapbuhay.

Limitado rin naman ang naibigay na ayuda mula sa mga LGU na siyang pangunahing bumabalikat ng pagbibigay ng suportang pagkain at iba pang araw-araw na pangaganilangan.

Ang kagutuman at kakapusan sa batayang pangangailangan na nararanasan ngayon ng sambayanang Mindoreno bunsod ng lockdown ang higit na maglalagay sa bulnerabilidad na tamaan ng sakit ang mga mamamayan. O dili kaya ay mamamatay sa gutom.

Ang katotohanan ay target ng rehimeng US-Duterte, na gamitin ang lockdown para supilin ang rebolusyunaryong kilusan at mga nakikibakang mamamayan at ikonsentra sa kamay ni Duterte ang kapangyarihan. Hindi nito layon na solusyunan ang usapin ng COVID-19 kundi mas higit na pagtugis at pagsupil sa lahat ng mga paghihinalaang mga tagasuporta ng kilusan at mga Komunista.

Sa kasalukuyang kinakaharap na sitwasyon ng buong bansa at ng mundo, nakahanda ang LdGC-NPA Mindoro na magbigay ng puwang para sa pakikipagkaisa at pakikipagtulungan sa lahat ng nagmamalasakit na mamamayan upang labanan ang pandemic na COVID-19.

Hinahamon ng LdGC ang 203rd Brigade na kung para sa kapakanan ng mamamayang Mindoreño ang hangad nito ay kaagad na itigil ang Focus Military Operation at mga RCSPO na isinasagawa sa buong isla. I pull-out ang lahat ng pwersa nito sa mga apektadong baryo at bayan na nilulunsaran ng FMO/RCSPO at maglaan ng kanyang panahon para sa pagharap at paglaban sa COVID-19.

Ang NPA, kasama ang rebolusyonaryong mamamayan ay gagawin ang buong makakaya upang labanan ang epidemyang ito. Ang pagtugon nito sa unilateral na tigil putukan ay para ilaan ang mga pwersa nito para sa paglutas ng sakuna dulot ng COVID-19. Sa katunayan tuloy-tuloy ng naglulunsad ang ibat-ibang yunit na saklaw ng LdGC ng kampanyang pangkalusugan upang iwasan at labanan ang epidemya. Laging handa ang NPA na tugunan hindi lamang sa panahon ng mga kalamidad kundi maging sa panahon ng mga sakuna at epidemya habang patuloy itong lumalaban sa pasistang panunupil ng estado. ###

https://cpp.ph/statement/ldgc-npa-mindoro-ipatutupad-ang-isahang-panig-na-tigil-putok/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.