Saturday, March 28, 2020

CPP/NPA-ST: Mga yunit sa ilalim ng MGC – NPA ST, tatalima sa ceasefire Aktibong magdepensa habang sinasansala ang paglaganap ng CoVid-19

NPA-Southern Tagalog (ST) propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Mar 28, 2020): Mga yunit sa ilalim ng MGC – NPA ST, tatalima sa ceasefire Aktibong magdepensa habang sinasansala ang paglaganap ng CoVid-19

ARMANDO CIENFUEGO
SPOKESPERSON
NPA-SOUTHERN TAGALOG
NEW PEOPLE'S ARMY
MARCH 28, 2020



Inaatasan ng Melito Glor Command-New People’s Army Southern Tagalog (MGC – NPA ST) ang lahat ng mga yunit ng NPA sa ilalim nito na tumalima sa pambansang deklarasyon ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas na tigil-putukan simula 12:00 ng madaling araw ng Marso 26 hanggang 11:59 ng gabi ng Abril 15.

Sa panahon ng tigil-putukan, inaatasan ang lahat ng yunit ng MGC – NPA ST at milisyang bayan na ipatigil at ipagpaliban ang paglulunsad ng mga taktikal na opensiba at ituon ang lahat ng mga pwersa at rekurso sa pagsansala at paglaban sa pandemic na CoVid-19. Ipagpapatuloy ng mga naturang yunit ng NPA ang nabalangkas nitong programa para sa kampanyang edukasyon, pangkalusugan at sanitasyon upang maiwasan at malabanan ang CoVid-19. Patuloy nilang gabayan ang mga komite sa kalusugan at barrio medical groups sa mga plano ng demokratikong gobyernong bayan laban sa CoVid-19.

Tinatagubilinan ang lahat ng mga yunit ng NPA sa ilalim ng MGC-NPA ST na itaas ang pagmamatyag at ilagay ang mga sarili sa aktibong depensa laban sa mga pataksil na atake, marahas na pagkilos at probokasyon ng mga pwersa ng AFP-PNP laban sa mamamayan at rebolusyonaryong pwersa.

Ilulunsad lamang ang mga operasyon sa aktibong depensa sa harap ng malinaw at napipintong banta ng panganib at aktwal na pag-atake ng armadong pwersa ng GRP sa mamamayan at mga yunit ng NPA sa saklaw ng mga larangang gerilya ng demokratikong gubyernong bayan.

Tinatagubilinan din ang mga sangay ng Partido sa lokalidad at mga yunit ng milisyang bayan na mahigpit na subaybayan ang mga probokasyon at marahas na pagkilos ng mga tropa ng GRP na salungat sa diwa at layunin ng unilateral ceasefire. Kagyat na iparating ang mga impormasyong ito sa pinakamalapit na yunit at kumand ng NPA at kinauukulang komite ng Partido.

Ang deklarasyong tigil-putukan ng rebolusyonaryong kilusan ay pagtugon sa panawagan ni UN Secretary General Antonio Guterres para sa isang pandaigdigang ceasefire sa lahat ng mga naglalabang partido at estado sa iba’t ibang panig ng mundo upang komon na harapin at labanan ang pandemic na CoVid-19.

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.