Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Feb 21, 2020): Kalupitan at katiwalian, tatak ng 77th IB
Nagmumula sa 77th “Cadre” Battalion ang mga sundalong nangangasiwa sa mga CAFGU sa Ilocos, Cagayan at Cordillera. Sa loob ng mga detatsment ng CAFGU, ang mga kadreman ng 77th IB ang nag-aastang panginoon ng mga paramilitar. Sila rin ang pasimuno ng bulok na kultura, nakawan at kalupitan sa mga residente sa mga baryong kinalalagyan ng kanilang mga kampo.
Mahaba ang kontra-mamamayang rekord ng batalyon na ito. Isa sa nangungunang papel ng 77th IB ang pagsisilbing gwardya ng mga mapandambong na operasyong mina. Itinayo ang kanilang mga kampo para supilin ang mga katutubong lumalaban sa panghihimasok ng mga minahan sa lupaing ninuno.
Noong Hunyo 2007, sinugod ng mga elemento ng 77th IB ang mga manggagawang pangkalusugan na nanggagamot ng mga pasyente sa Sityo Ubel, Barangay Gawaan, Balbalan, Kalinga. Pinaratangan ang mga duktor, nars at boluntir na mga kasapi umano ng BHB. Kasama ng 77th IB ang mga sundalo ng 21st IB sa naturang panggigipit.
Noong Hunyo 2009, dalawang giyang panturista rin ang iligal na dinakip ng 77th IB sa Sagada, Mountain Province. Magdamag silang idinetine sa kampo at pinagiya sa operasyong militar kinabukasan.
Nabunyag naman noong 2011 ang pagnakaw ng mga upisyal ng batalyon sa badyet ng mga CAFGU. Bagamat 400 lamang ang CAFGU na kanilang pinangangasiwaan, iniulat nito na 800 ang nasa serbisyo. Ang sahod at benepisyo ng tinaguriang mga “ghost” (multo) CAFGU ay pinaghahatian ng mga upisyal ng 77th IB at ng mga nakatataas na upisyal sa 503rd Brigade at 5th ID. Talamak ang ganitong iskema ng katiwalian sa lahat ng Cadre Battalion ng AFP.
Hindi nakapagtataka kung bakit itinatakwil ng mamamayang Igorot ang 77th IB. Noong 2014, nilabanan ng tribung Mabaca sa bayan ng Balbalan, Kalinga ang plano nitong magtayo ng kampo sa komunidad. Anila, ayaw na nilang maulit ang mahaba at mapait na karanasan ng mga paglabag ng militar sa karapatang-tao ng mga residente.
Noon namang Disyembre 2018, matagumpay na nireyd ng BHB ang detatsment ng 77th IB-CAFGU sa Lubuagan, Kalinga. Nasamsam ang 30 malalakas na riple, napatay ang kadreman ng kampo at nasugatan ang tatlong CAFGU. Matagal nang inirereklamo ng mga residente ng Lubuagan ang sapilitang pagrerekluta at pagpapasurender sa kanila, pang-aabuso sa kababaihan at iba pa.
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]
https://cpp.ph/2020/02/21/kalupitan-at-katiwalian-tatak-ng-77th-ib/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.