Sunday, March 8, 2020

CPP/Ang Bayan: Igiit ang ganap na pagbasura sa VFA at lahat ng di-pantay na tratadong militar

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Feb 21, 2020): Igiit ang ganap na pagbasura sa VFA at lahat ng di-pantay na tratadong militar



Sa harap ng kamakailang pag-abiso ng rehimeng Duterte sa gubyerno ng US ng intensyon nitong wakasan ang Visiting Forces Agreement (VFA), tungkulin ng mamamayang Pilipino na igiit ang ganap na pagpawi sa tratado at igiit ang iba pang panawagan para sa pagtatanggol sa pambansang soberanya.

Ang pagpirma ni Duterte sa notice of termination (pabatid sa pagtatapos) noong Pebrero 11 ay tumutugon sa matagal nang panawagan ng mamamayang Pilipino na wakasan ang VFA. Gayunman, ito ay unang hakbang pa lamang. Samakatwid, kinakailangang kagyat na magkaisa at kolektibong sumigaw ang mamamayan upang maisakatuparan ang pagwawakas sa pahirap na tratadong ito.

Sa darating na 180 araw, o hanggang sa maging ganap na epektibo ang pagbabasura sa VFA, kinakailangan ng mamamayang Pilipino na:

1) mahigpit na labanan ang anumang hakbang upang bawiin ang notice of termination, renegosasyon ng tratado, o negosasyon para sa panibagong tratado na magpapahintulot sa mga tropang militar ng US na permanenteng makapanatili sa bansa;

2) igiit na isailalim sa inspeksyon ang mga barkong militar ng US na pumapasok sa bansa upang matiyak na hindi nagbibitbit ang mga ito ng mga armas nukleyar;

3) igiit na ikulong sa mga bilangguan sa Pilipinas at isailalim sa hurisdiksyon ng bansa ang mga tauhang militar ng US na gumawa ng mga krimen sa bansa at napatunayang nagkasala ng mga lokal na korte ngunit nanatiling nasa kustodiya ng US dahil sa VFA;

4) igiit na kanselahin ang Balikatan 2020 war games at lahat ng mga ehersisyong militar (319 ngayong 2020) na isasagawa ng mga pwersang militar ng US sa bisa ng VFA;

5) igiit na ibasura ang 1951 Mutual Defense Treaty at ang 2014 Enhanced Defense Cooperation Agreement;

6) manawagang wakasan ang Operation Pacific Eagle-Philippines na ginagamit ng militar ng US upang patindihin ang interbensyon nito sa bansa sa tabing ng “kontra-terorismo;”

7) manawagang lansagin ang mga pasilidad militar ng US na itinayo sa bansa bago ang at sa bisa ng EDCA kabilang na ang mga pasilidad na minamantine nito sa Lumbia Airport (Cagayan de Oro), Antonio Bautista Air Base (Palawan), Basa Air Base (Pampanga), Fort Magsaysay (Nueva Ecija), Benito Ebuen Air Base (Mactan, Cebu), Camp Navarro (Zamboanga City), Camp Ranao (Marawi City) at PNP Academy (Cavite);

8) igiit na palayasin ang mga pwersang militar ng US na nakaistasyon sa bansa, at wakasan ang pagrerelyebo ng mga tropa nito;

9) manawagang wakasan ang paggamit sa mga eroplanong paniktik at drone ng US, kabilang na ang pinatatakbo ng mga pribadong kontraktor kabilang na ang Dyne Corporation; at

10) manawagang wakasan ang ayudang militar ng US at ang pagsusuplay nito ng mga bomba, rocket at bala na ginagamit ng rehimeng Duterte sa armadong pagsupil at paglabag sa mga karapatan.

Ipinanawagan ng mamamayang Pilipino ang pagbasura sa VFA at lahat ng iba pang mga tratadong militar dahil binibigyan ng mga ito ang mga pwersang militar ng US ng ekstrateritoryal na karapatan at halos walang sagkang akses na mag-operyt sa bansa. Ginagamit ng US ang mga ehersisyong militar sa bansa para pahigpitin ang kontrol nito sa AFP. Layon nitong gamitin ang lokal na armadong pwersa bilang galamay nito sa pagpapakita ng hegemonikong lakas sa Asia-Pacific.

Ang pagkakatali ng lokal na militar sa US ay hindi pumipigil sa, bagkus ay nagsisilbing balani na umaakit sa agresyon ng mga pwersang militar ng China at lahat ng kalaban at makakalaban ng US. Dahil tinali ng mga tratadong ito ang Pilipinas, hindi makapagpatupad ang bansa ng isang independyenteng patakarang panlabas.

Ang pagsandig ng AFP sa US para sa mga kagamitang militar, treyning at doktrinal na oryentasyon ay kabilang sa mga pinakamalalaking hadlang sa pagkakamit ng makatwiran at pangmatagalang kapayapaan. Dahil impluwensyado ng US, kontra-insurhensya ang pangunahiing pinagkakaabalahan ng AFP at ng reaksyunaryong gubyerno ng Pilipinas imbis na depensahan ang soberanya ng bansa. Sa katunayan, ang kontra-insurhensya ay malaking negosyo para sa militar-industriyal na mga kapitalista ng US.

Batid ng mamamayang Pilipino na mali ang tinukoy na dahilan ni Duterte sa kanyang mga pahayag kung bakit nais niyang wakasan ang VFA. Ang kanyang pagbabanta na wakasan ang tratado ay nakakawing sa kanyang pansariling pampulitikang mga layunin.

Ito ang kanyang tugon sa hayagang pampulitikang panggigipit ng US Senate na bumatikos sa detensyon ng kritiko ni Duterte na si Sen. Leila de Lima. Umiiyak si Duterte ng “interbensyong US” dahil lamang ayaw niyang mapuna ang kanyang di-patas na pakikipagtunggali sa iba pang nangungunang maka-US na mga grupong pulitikal.

Ibinulalas din niya ang kanyang pagkasiphayo sa itinuturing niyang kulang na suportang militar para sa kampanyang kontra-insurhensya ng AFP. Nanlilimos siya mula sa US nang dagdag pang mga pang-atakeng helikopter, armalayt, bomba, fighter jet, drone at iba pang kagamitang militar.

Ang pansariling mga interes at makitid na pananaw ni Duterte ay nagpapakita na ang hakbang ng pag-isyu ng abiso para lansagin ang VFA ay hindi nakatuon para wakasan ang higit sa kalahating siglo ng neokolonyal na paghahari ng imperyalismong US. Inaasahang madali lang siyang masusuyo o mapasusunod ni Trump o ng kanya mismong mga maka-US na upisyal militar.

Gayunman, ang mga patriyotikong Pilipino ay hindi mapatatahimik sa kanilang pagigiit na lansagin ang VFA at iba pang di-pantay na mga tratadong militar sa US. Mahigpit silang titindig upang isulong ang pakikibaka para wakasan ang imperyalistang pagpapahirap ng US at kamtin ang tunay na pambansang paglaya.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://cpp.ph/2020/02/21/igiit-ang-ganap-na-pagbasura-sa-vfa-at-lahat-ng-di-pantay-na-tratadong-militar/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.