Tuesday, February 11, 2020

CPP/NPA-Southern Tagalog: Hinggil sa pagkakatalaga kay Parlade bilang bagong hepe ng SOLCOM

NDF-Southern Tagalog propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Feb 11, 2020): Hinggil sa pagkakatalaga kay Parlade bilang bagong hepe ng SOLCOM

ARMANDO CIENFUEGO
SPOKESPERSON
NPA-SOUTHERN TAGALOG
NEW PEOPLE'S ARMY
FEBRUARY 11, 2020

Nakahanda ang Melito Glor Command – New People’s Army Southern Tagalog at mga rebolusyonaryong mamamayan ng Timog Katagalugan na labanan at biguin ang saksakan ng kasinungalingan, berdugo at anti-mamamayan na bagong talagang hepe ng SOLCOM na si Maj. Gen. Antonio Parlade, Jr. Mabibigo ang SOLCOM na gapiin ang rebolusyonaryong kilusan sa Timog Katagalugan.

Isang pangarap na gising ang inaasam ni Parlade na madudurog niya ang CPP-NPA-NDFP sa TK ayon sa panibagong target ng rehimeng US-Duterte na lipulin ito sa loob ng 3 taon. Noong Commanding Officer pa lamang siya ng 203rd Brigade, nabigo siyang ubusin ang NPA sa isla ng Mindoro. Buong pagmamayabang pa niyang sinabing “kayang-kaya” puksain ang NPA sa isla sa loob ng 2 taon mula 2017. Subalit nilisan niya ang 203rd Brigade nang bigo, bagkus, nananatiling matatag na nakatayo ang rebolusyonaryong kilusan sa Mindoro.

Nanalasa si Parlade sa Mindoro mula 2015 hanggang 2018. Nagdulot ng ibayong hirap at siphayo ang mga inilulunsad nilang aerial bombardments at strafing sa mga komunidad at pananim ng mga katutubong Mangyan at magsasaka sa isla. Dinanas ng mamamayan ang matinding militarisasyon kung saan inokupa ng mga berdugong tropa ang mga pampublikong pasilidad at nagsasagawa ng hamletting sa interyor.

Samantala, bilang hepe ng civil-military operations ng AFP, pasimuno siya sa mga pag-atake sa mga ligal na organisasyong naggigiit at lumalaban para sa mga demokratikong karapatan ng mamamayan. Pasimuno siya ng pagpapalaganap ng kasinungalingan at pekeng balita sa bansa. Eksperto siya sa paglulubid ng kasinungalingan para malinlang at matakot ang mamamayan. Dahil dito, wala siyang ni katiting na kredibilidad sa hanay ng mamamayan.

Hindi natatakot ang rebolusyonaryong kilusan sa TK na harapin ang bangis ng atake ng AFP-PNP sa rehiyon sa ilalim ng pamumuno ni Parlade. Sa halip, si Parlade ang dapat manginig sa kanyang kinalalagyan ngayon. Ihanda niya ang kanyang sarili sa kabiguang makamit ang anumang plano na matatalo at mauubos ang NPA sa rehiyon. Sasalubungin ng matutunog na taktikal na opensiba ng NPA ang pagkakatalaga sa kanya bilang bagong hepe ng SOLCOM. Bibigwasan nito ang kanyang pasistang tropa at papatawan ng rebolusyonaryong hustisya bilang parusa sa kanilang mga krimen sa mamamayan.

Nakahanda ang lahat ng mga yunit ng NPA sa mga larangang gerilya na harapin ang papatinding atake ng AFP-PNP sa rehiyon sa ilalim ng pamumuno ni Parlade. Patuloy na magkakaisa ang NPA at mamamayan ng TK. Magkakapit-bisig ang mamamayan sa buong rehiyon para salagin at papurulin ang mga atake ng AFP-PNP. Gagawing bulag at bingi ng mga rebolusyonaryong pwersa at masa ang AFP-PNP sa pagkilos at atake ng NPA. Sa tulungan ng masa at Pulang hukbo, paiigtingin ang mga opensiba laban sa kaaway hanggang sa masaid ang kapasyahang lumaban ng mga tropa ng AFP-PNP at ilagay sa kahihiyan ang sagad-sa-butong anti-mamamayan at mersenaryong si Gen. Parlade.

https://cpp.ph/statement/hinggil-sa-pagkakatalaga-kay-parlade-bilang-bagong-hepe-ng-solcom/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.