Tuesday, February 11, 2020

CPP/NDF-Southern Tagalog: Sa mag-iisang buwang pag-aalburuto ng bulkang Taal, gubyernong Duterte, pabaya sa mga biktima

NDF-Southern Tagalog propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Feb 11, 2020): Sa mag-iisang buwang pag-aalburuto ng bulkang Taal, gubyernong Duterte, pabaya sa mga biktima

PATNUBAY DE GUIA
NDF-SOUTHERN TAGALOG
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES
FEBRUARY 11, 2020

Inutil ang gubyernong Duterte sa pagbibigay ng serbisyong sosyal at tulong sa mga biktima ng pagsabog ng bulkang Taal. Hindi handa ang reaksyunaryong gubyerno sa pagsaklolo sa mamamayang biktima at apektado ng sakuna sa kabila ng abiso ng PhilVolcs walong buwan bago ang insidente. Lantaran ang pagpapabaya ng rehimen sa mga Batangueño at palpak ang mga programa nito para ipagkaloob ang kanilang mga pangangailangan.

Kulang na kulang ang inilalaang serbisyong sosyal at pondo ng rehimen para sa tinatayang aabot sa 300,000 na apektado ng sakuna. Nagmula ang kalakhan ng mga biktima sa Batangas, at ang iba pa’y mula sa ilang bayan ng Cavite, Laguna, Quezon at Mindoro na abot ng buga ng abo ng bulkan.

Sa unang linggo ng sakuna, sa Batangas pa lamang, aabot ng P17.2 milyon ang pondong inilaan ng gubyernong Duterte para sa 16,000 pamilya 0 70,000 indibidwal na nasa 300 evacuation centers. Katumbas ito ng P152 kada pamilya o P35 bawat indibidwal sa loob ng 7 araw. Labas pa rito ang may 6,000 pamilya na wala sa mga evacuation centers. Dumami pa ito sa pagtagal ng pagsabog ng bulkan.

Walang ginawang paghahanda ang rehimen. Ni hindi naglunsad ng drills ang lokal na ahensya para sa nakaambang sakuna. Nagtuturuan ang mga ahensya sa kakulangan ng paghahanda at abiso sa mamamayan. Kulang na kulang ang mga evacuation centers at ngayon pa lamang pinag-uusapan sa kongreso ang pagpapagawa ng panibago. Hindi rin naihanda ng rehimen ang mga N-95 face mask na kinakailangan ng mamamayan para hindi malanghap ang nakakalasong usok ng bulkan. Ginawang katatawanan na lamang ng gubyernong Duterte ang kakulangan nito kung saan ipinanawagan nilang gumamit na lamang ang mga apektado ng mga improvised face mask tulad ng bimpo, panty at bra.

Samantala, sa harap ng dinaranas na paghihirap ng mamamayan sa sakuna, ginamit pang oportunidad ng mga lokal at tradisyunal na pulitiko ang sakuna para magpakitang-gilas sa susunod na eleksyon. Kanya-kanya sila sa paghahambog sa mga nagawang ambag sa mamamayan gayong ga-mumo lamang ang tulong na ibinibigay nila. Sa kabilang banda, ni hindi bumisita si Duterte sa kalagayan ng mga biktima, bagkus, ipinaubaya na lamang sa mga lokal na yunit ng gubyerno para makaiwas sa sisi. Hindi man lang magawa ni Duterte na personal na makiramay sa mga biktima

Kulang na kulang ang pondo para sa Calamity Fund ng Batangas. Inamin ito mismo ni Gov. Mandanas. Aabot lamang ng P50 bilyon ang pinangako ng reaksyunaryong gubyerno, gayong P200 bilyon ang kailangan para sa sapat na suporta sa pangangailangan ng mga biktima.

Wasak na wasak ang sektor ng agrikultura sa Batangas kung saan pumalo sa P3.06 bilyon ang kabuuang pinsala. Sa halip na tulungan ang mamamayan na isalba ang kanilang kabuhayan, tahasang pinagbabawalan ang mga magsasaka at mangingisda na isalba ang kakarampot ng natitira nilang ari-arian at mga hayop. Sa halip, mas ipinauuna pa ni Duterte ang interes ng mga dayuhang negosyante at burgesya kumprador. Ibinukas niya ang Tagaytay City upang mag-opereyt ang mga negosyo doon at pagbigyan ang mga turistang gustong manood ng pagsabog ng bulkan.

Sa harap ng kainutilan at kapabayaan ng gubyernong Duterte, nananawagan kami sa mamamayan na magkaisa upang makamit ang kanilang mga karapatan at pangangailangan. Magkapit-bisig silang kalampagin ang gubyernong Duterte para ibigay ang kanilang mga batayang pangangailangan at hinihinging suporta sa muling pagbangon.

Samantala, sa mga eryang saklaw ng gubyernong bayan, patuloy ang pagmomobilisa at pagbibigay tulong at serbisyo ng mga kaalyadong organisasyon ng NDFP sa ilalim ng programang relief and rehabilitation. Maaasahan din ng mamamayan ang NPA sa pagbibigay ng mga serbisyong medikal at psycho-social sa mga nangangailangan.

Ang pagbangon ng mamamayan sa mga sakuna at kalamidad ay magmumula sa sama-samang pagsisikap ng bayan. Hindi ito kayang isakatuparan sa ilalim ng malakolonyal at malapyudal na lipunan, kung saan pinagsasamantalahan ng mga naghaharing-uri ang kalagayan ng mga biktima ng mga sakuna. Kailangan ang tuluy-tuloy na pagkilos ng mamamayan para ibagsak ang rehimeng US-Duterte at maitayo ang tunay na gubyernong maglilingkod sa kanilang interes.###

https://cpp.ph/statement/sa-mag-iisang-buwang-pag-aalburuto-ng-bulkang-taal-gubyernong-duterte-pabaya-sa-mga-biktima/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.