Tuesday, February 11, 2020

CPP/NDF-Bicol: Tumitinding Panunupil sa mga mamamahayag, nagpapatuloy sa kamay na bakal ng rehimeng US-Duterte!

NDF-Bicol propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Feb 11, 2020): Tumitinding Panunupil sa mga mamamahayag, nagpapatuloy sa kamay na bakal ng rehimeng US-Duterte!

ARMAS-BIKOL
ARTISTA AT MANUNULAT NG SAMBAYANAN
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES
FEBRUARY 11, 2020

Mariing kinukundena ng ARMAS-Bikol ang rehimeng US-Duterte sa lumalalang pang-aatake sa hanay ng mga mamamahayag. Pilit na sinasagkaan ni Duterte ang malayang pamamahayag ng mga kagawad ng midyang nagsisiwalat ng kabulukan ng kanyang rehimen. Binubusalan niya ng kamay na bakal ang progresibo at makabayang hanay sa pagsisikap na pigilan ang pagbulwak ng kilusang-talsik laban sa kanya.

Nitong nakaraang linggo, iligal na inaresto ang Altermidya Network correspondent at Executive Director ng Eastern Vista, isang progresibong media outfit sa Eastern Visayas, na si Frenchiemae Cumpio, kasama ang apat na progresibong lider ng pinagsanib na pwersa ng Philippine Army at PNP. Nangangati ang kamay ng mga berdugong huliin ang lima kapalit ng duguang pabuyang iniaalok ni Duterte sa bawat masasakoteng kritiko ng kanyang gubyerno. Ang masahol pa, isinabay sa kulungan kahit ang isang taong gulang na anak ng isa sa mga hinuli.

Tumitindi rin ang panggigipit at censorship sa sektor ng midya. Pinagbabantaan ni Duterte na hindi bibigyan ng prangkisa ang ABS-CBN, isa sa pinakamalalaking kumpanya sa brodkas sa bansa matapos niyang mapikon sa ilang mga palabas ng naturang istasyon. Kahapon lamang ay hinain ni Solicitor General Jose Calida ang petisyon ng quo warranto upang hamunin ang ABS-CBN na patunayan ang karapatan nitong magkaroon ng prangkisa. Nakaamba ang pagkapaso ng prangkisa nito ngayong Marso 30. Bago pa ito, pinanghimasukan na ng PNP noong nakaraang taon ang paggawa sa palabas na Ang Probinsyano dahil umano sa pagpapakita nito ng kabulukan ng mga pulis.

Hindi nakapagtatakang ang pananakot na ito sa ABS-CBN ay kasabay naman ng pagbubuo ng bagong media group na Udenna Communications Media and Entertainment Holdings Corp. ni Dennis Uy, isang malapit na kaibigan ni Duterte.

Malinaw na nais kontrolin ni Duterte ang lahat ng tipo ng midya – mula sa mainstream hanggang sa midyang bayan bilang bahagi ng kanyang paghahabol na mahawakan nang buung-buo ang pampulitikang kapangyarihan sa bansa. Kasabay nito, tinitiyak niyang mapagbibigyan ang interes ng malalaking burgesya kumprador at negosyanteng kadikit ng kanyang rehimen. Sa gayon, natitiyak niya ang suporta ng mga ito para sa kanyang pangkatin sa panahon ng nalalapit na eleksyon.

Sa lumalalang atake sa midya at malawak na hanay ng masang lumalaban, dapat lamang magkaisa ang lahat ng mamamahayag na nagtataguyod ng makabayan at patriyotikong paninindigan. Nananawagan ang ARMAS-BIKOL sa lahat ng artista at manunulat na lumaban para sa pagpapalaya ng lahat ng bilanggong pulitikal, pag-atake sa sektor ng midya at pagtatakwil sa kontramamamayang gera ng rehimeng US-Duterte.

https://cpp.ph/statement/tumitinding-panunupil-sa-mga-mamamahayag-nagpapatuloy-sa-kamay-na-bakal-ng-rehimeng-us-duterte/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.