Tuesday, February 11, 2020

CPP/NDF-Southern Tagalog: Hinggil sa mabagal at inutil na pagtugon ng gubyerno sa kalamidad dulot ng pagputok ng bulkang Taal

NDF-Southern Tagalog propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Feb 11, 2020): Hinggil sa mabagal at inutil na pagtugon ng gubyerno sa kalamidad dulot ng pagputok ng bulkang Taal

PATNUBAY DE GUIA
NDF-SOUTHERN TAGALOG
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES
FEBRUARY 11, 2020

Mariing kinokondena ng National Democratic Front of the Philippines-Southern Tagalog (NDFP-ST) ang kainutilan at pagiging bangkarote ng gubyernong Duterte sa makupad pa sa pagong na paghahatid ng serbisyo sa puo-puong libong sinalanta at biktima ng pagputok ng bulkang Taal. Tinatayang aabot na sa 40,752 katao ang nadisloka sa pagsabog ng bulkang Taal at 38,203 ang nasa 198 na mga evacuation center sa Batangas at Cavite. Napipintong madisloka pa ang may 300,000 mamamayan kapag nangyari ang pinangangambahang kasunod na mas malakas na pagsabog.

Unang araw pa lamang ng pagsisimula ng pag-aalburoto hanggang sa aktwal na pagputok ng bulkang Taal, pangita na agad ang kapabayaan at kawalang kahandaan ng gubyerno sa pagtugon sa kalamidad. Hindi agad naiparating ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa lokal na katapat nito sa probinsya ng Batangas ang kautusan sa mga lokal na gubyerno na agaran nang palikasin ang mga tao na naninirahan sa isla ng bulkang Taal at mga nasa paligid ng Lawa ng Taal matapos itaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Philvocs) ang alert level 4 mula sa dating alert level 2.

Sa kawalan ng maagap na abiso mula sa gubyerno maraming tao ang nalagay sa panganib habang ang iba ay nagkusa nang nagsilikas at nagkanya-kanya nang hanap ng mga lugar para sa kanilang kaligtasan. Ang ilang residente mula sa mga bayan ng Laurel at Agoncillo ay binagtas ang matarik at mapanganib na daan papuntang Alfonso, Cavite para iligtas ang sarili dahil sa kawalan ng dumarating na tulong mula sa gubyerno para sila ay agarang mailikas.

Ipinapakita ng mga pangyayari kung gaano kakupad, kainutil at dis-organisado ang pagtugon ng rehimeng Duterte at mga ahensya nito sa mga pangangailangan ng mga mamamayang nagbakwit.

Wala talaga sa interes ng gubyernong Duterte ang pagbibigay ng prayoridad at mabigat na pansin upang paghandaan ang darating na mga kalamidad sa bansa. Katunayan, imbis na dagdagan ang kakapiranggot na 20 bilyong piso na calamity fund noong 2019 binawasan pa ito ng 4 bilyong piso ngayong 2020 habang pinalaki tungong 9.3 bilyon ang confidential and intelligence funds ng Office of the President, Department of National Defence, DILG at iba pang ahensya ng reaksyunaryong gubyerno na gagamitin lamang sa pagsupil sa mamamayan.

Ang mga intelligence and confidential fund ay hindi sumasailalim sa pagsusuri ng Commission on Audit (COA) kaya malayang nagagawa ng mga tiwaling opisyal ng gubyerno tulad ni Duterte na waldasin at kurakutin ang pondo ng bayan. Bukod pa dito ang mga isiningit sa badyet na bilyon-bilyong pork barrel ng mga gahamang Kongresista at Senador.

Katulad ito sa patuloy na pagliit ng pondo na inilalaan ng gubyerno sa mga serbisyong panlipunan. Ang maliit na ngang nakalaan para sa calamity fund ng mga lokal na gubyerno ay lalo pang nababawasan nang malaki dahil sa talamak na korupsyon ng matataas na opisyal ng gubyerno. Samantala, patuloy namang naglalakihan ang mga pondo ng AFP at PNP lalo na ang kanilang intelligence fund at budget sa madugong gyera sa iligal na droga at kontra insurehensya. Halos doble din ang inilaki ng pondong nakalaan sa intelligence and confidential fund ng Office of the President na umabot sa 4.5 bilyong piso mula sa dating 2.5 bilyong piso noong 2019.

Walang kahihiyan pang nanawagan si Año sa mga pribadong donasyon para sa mga bakwit ng pagsabog ng bulkang Taal habang iniipit at ibinubulsa ng DILG at mga tiwaling opisyal ng reaksyunaryong gubyerno ang bilyon-bilyong calamity fund.

Kung tutuusin mula sa mga pribadong entidad ang dumadagsang donasyon at tulong. Aktibo ding ibinubukas ng simbahan at mga pribadong mapagkawang-gawa ang kanilang rekurso at pasilidad para sa mga bakwit. Mula sa mga organisasyon ng mamamayan at mga estudyante nagmumula ang maraming mga boluntaryo sa mga relief operation na inoorganisa ng mga progresibo.

Sa harap ng malaking sakunang ito, nakuha pa ng mga ahensya ng reaksyunaryong gubyerno na gamitin ang kalamidad para makakuha ng publisidad at magpabango sa tao. Ipinapakita lamang ito ang pagiging manhid, hiwalay sa reyalidad at kawalan ng malasakit ng pasistang rehimeng US-Duterte sa kinasasadlakang kalagayan ng mga mamamayang nasalanta at naapektuhan ng pagsabog ng bulkang Taal.

Wala sa lugar at manhid ang pahayag ni Secretary William Dar ng Department of Agriculture (DA) na handa nilang pautangin ng halagang 25 libong piso, na walang interes at babayaran sa loob ng 3 taon, ang mga magsasaka at mangingisdang napinsala ng pagsabog ng bulkang Taal. Malaking insulto ito para sa mga magsasaka at mangingisda na nadisloka ng pagsabog ng bulkang Taal. Kagyat na tulong at hindi pautang ang kailangan nila sa kasalukuyan. Kailangan din nila ang malinaw, komprehensibo at pangmatagalang plano mula sa gubyerno kung paano sila matutulungan para ibangon ang nawasak nilang tahanan at kabuhayan. Sa inihahaing pautang ng DA, hindi pa man nakakabangon ang mga magsasaka at mangingisda sa pinsala ng pagputok ng bulkang Taal, gusto pa silang ibaon ng DA sa panibagong pagkakautang.

Isa pa itong garapal at pasistang Secretary Eduardo Año ng DILG na walang kahihiyang ipinababalikat sa mga pribadong entidad ang paghahatid ng tulong sa mga nasalanta ng pagputok ng bulkang Taal habang ang kanyang ahensya, na limpak limpak ang hawak na intelligence fund, ay ni wala o kakarampot ang halagang inilaan sa pagtulong sa mga nasalanta ng pagputok ng bulkang Taal. Mas gugustuhin pa ng pasistang si Secretary Año na gamitin ang pondo ng DILG sa pagsupil at pagpaslang sa mga mamamayan na itinuturing nilang “kaaway ng estado” kaysa paglaanan ng pondo ang mga biktima ng kalamidad.

Samantala, nanatiling buhay ang diwa ng damayan at pagmamalasakit sa hanay ng ating mga kababayan. Mabilis na dumaloy at bumaha ang mga tulong na nanggaling sa mga pribadong indibidwal, simbahan, institusyon, mga progresibong grupo at samahan, mula sa iba’t ibang panig ng bansa, na di hamak na mas mabilis makarating sa tao kumpara sa tulong na nanggagaling sa reaksyunaryong gubyerno.

Kahanga-hanga din ang mabilis na pagtugon ng ating mga kababayan sa pangangailangan ng mga bakwit. Sila ang unang nakatugon at nakasagip sa mga kababayan nating nalagay sa panganib ang buhay dahil sa pagputok ng bulkang Taal. Mabilis ilang nangalap ng mga donasyon at tulong para agarang ipantawid-gutom ng mga nasalanta. Ibinukas nila ang kanilang mga tahanan para kupkupin ang mga nagsilikas bilang alternatibo sa kakulangan ng mga lugar para gawing evacaution center ng mga lokal na gubyerno.

Kabaligtaran ito sa mga ginawa at naging performance ng mga ahensya ng gubyernong Duterte. Ang tanging ipinamamalaki ng NDRRMC na ayuda ay ang ga-mumong humigit-kumulang sa dalawang (2) milyong panagip na tulong. Samantala, si Duterte ay 2 milyong face mask lamang ang naipadalang tulong sa mga sinalanta ng pagputok ng bulkan.

Lalo lamang nahubad sa publiko ang pagiging inutil, pabaya at walang malasakit ng pasistang rehimeng US-Duterte sa pangangailangan at kapakanan ng taumbayan. Ang pagbisita niya sa evacuation center sa Bauan, Batangas ay bahagi ng kanyang media publicity—pagpapakitang-tao at pagkukunwaring nakikiramay sa sinapit ng mga kababayan nating Batangueño. Hindi na nito kaya pang tabunan o pagtakpan ang kanyang mga kapabayaan, kawalan ng kahandaan at pagiging inutil sa pagtugon sa mga kalamidad na dumarating sa bansa. Ang gubyernong Duterte mismo ang pinakamalaking kalamidad na tumama sa mamamayan.

Ang NDFP-ST ay laging kaisa at maaasahan ng taumbayan sa paghahatid ng tulong sa mga kababayan nating sinalanta ng pagputok ng bulkang Taal tulad sa naging tulong nito sa mga biktima ng mga bagyo at lindol sa nakaraan. Mahigpit ding kaisa at laging kasama ng taumbayan ang rebolusyonaryong kilusan sa patuloy na paglaban sa mga anti-mamamayang patakaran at programa ng korap, traydor, pabaya, kriminal at pusakal na mamamatay tao na pasistang rehimeng US-Duterte. ###

https://cpp.ph/statement/hinggil-sa-mabagal-at-inutil-na-pagtugon-ng-gubyerno-sa-kalamidad-dulot-ng-pagputok-ng-bulkang-taal/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.