Friday, January 24, 2020

CPP/Ang Bayan: Ika-51 anibersaryo ng PKP, ipinagdiwang sa buong kapuluan

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jan 7, 2020): Ika-51 anibersaryo ng PKP, ipinagdiwang sa buong kapuluan



Matagumpay na ipinagdiwang ng rebolusyonaryong kilusan sa buong kapuluan ang ika-51 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) noong huling bahagi ng Disyembre 2019. Ito ay sa kabila ng patuloy na pananalakay ng mga armadong pwersa ng reaksyunaryong rehimen sa mga komunidad sa kanayunan sa imbing pagtatangkang pigilan ang mga selebrasyon.

Pinatampok sa mga pagdiriwang ang temang “Palakasin ang Partido! Pamunuan ang pakikibaka ng mamamayan!” Pinagpugayan din sa mga programa ang mga Pulang mandirigma at kumander, mga kadre at kasapi ng Partido na nag-alay ng buhay sa paglilingkod sa sambayanan.

Sa Southern Tagalog, libu-libo ang dumalo sa mga pagdiriwang na ginanap sa iba’t ibang sona at larangang gerilya. Ang ilan sa mga dumalo mula sa mga syudad ay nagpaiwan at nagpasyang sumampa bilang mga mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Nagdaos din ng lihim na mga pagdiriwang sa mga baseng komunidad sa mga sentrong urban ng rehiyon.

Sa Panay, aabot naman sa isang libo ang dumalo sa mga pagdiriwang. Bitbit ang temang “Mag-ambag sa Pambansang Pagsulong ng Demokratikong Rebolusyong Bayan,” naglunsad ng mga programa ang iba’t ibang yunit ng BHB at sangay ng Partido sa rehiyon kung saan tampok ang mga pangkulturang pagtatanghal, pulong masa at operasyong pinta-dikit. Pinagpugayan sa programa ang mga tagumpay na nakamit ng masa sa pamumuno ng Partido kabilang na ang pagpapababa ng interes sa pautang at pagtataas sa presyo ng mga produkto ng masasaka.

Hindi bababa sa apat na larangang gerilya ang nagdiwang ng anibersaryo ng Partido sa Northern Samar. Dinaluhan ang mga ito ng tinatayang 400 indibidwal. Naglunsad din ng mga pagdiriwang sa Western Samar at Leyte. Nag-alay ang mga kasapi ng BHB ng mga awit at tulang tumatalakay sa mga tagumpay ng kanilang gawaing rekoberi.

Sa Bicol, daan-daan rin ang nakiisa sa mga pagdiriwang. Tampok sa kanilang programa ang mga pangkulturang pagtatanghal ng mga kasapi ng BHB at Kabataang Makabayan.

Matagumpay ding nakapagdiwang ang mga kasapi ng Partido at BHB sa NCMR sa kabila ng tuluy-tuloy na operasyong militar sa buong rehiyon.

Nagpahayag naman ng pakikiisa ang mga rehiyunal na komite ng Partido, mga yunit ng BHB at lihim na organisasyong masa.

Ayon sa Komiteng Rehiyon ng Partido sa Negros, pinangibabawan ng armadong kilusan at demokratikong kilusang masa ang lantarang tiraniya at paghahasik ng lagim ng estado sa rehiyon noong 2019. Kinilala ng komite ang militanteng paglaban ng mamamayan sa pagragasa ng mga patakarang neoliberal at brutal na kontrarebolusyong digma ni Duterte.

Ayon naman kay Simon “Ka Filiw” Naogsan ng Cordillera People’s Democratic Front, patuloy na umaani ng suporta at respeto ang PKP sa hanay ng mamamayang Pilipino sa pagsusulong nito ng pambansa demokratikong rebolusyon.

Inilahad naman ng BHB-North Eastern Mindanao Region na wala ni isang larangang gerilya ang nagapi sa rehiyon sa kabila ng walang puknat na mga atake ng AFP at PNP.

Para kay Prop. Jose Ma. Sison, pangulong tagapagtatag ng PKP, ang Partido at ang rebolusyonaryong kilusan ng mamamayan ay hindi magagapi. Pinatibay ng limampung taong pakikibaka ng mga rebolusyonaryo ang Partido tulad ng asero.
Hamon ng PKP sa kasapian nito na magpalakas sa ideolohiya, pulitika at organisasyon alinsunod sa linya ng limang-taong programa ng Komite Sentral.

Dagdag pa, kinakailangang magbuo ng mas marami pang sangay ng Partido sa hanay ng mga manggagawa, mala-manggagawa at petiburgesya sa kalunsuran. Hamon nito sa BHB na ibayong magpalakas at kumprehensibong isulong ang digmang bayan. Bagamat napangibabawan ng BHB ang todo-gera ng kaaway, nararapat lamang na bigyang atensyon ang higit pang konsolidasyon upang biguin ang mas malalaki pang atake ng reaksyunaryong estado sa hinaharap, dagdag nito.

Anang PKP, mabilis na nalalantad ang mga pasistang kasinungalingan at huwad na pangako ng rehimeng Duterte sa harap ng tumitinding krisis at paghihirap ng mamamayang Pilipino. Higit na napapanahon ngayon higit kailanman ang pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan, pagwawakas ng PKP.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippinesand is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://cpp.ph/2020/01/07/ika-51-anibersaryo-ng-pkp-ipinagdiwang-sa-buong-kapuluan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.