Monday, August 19, 2019

Tagalog News: AgNor IOs bumuo ng stratehiya bilang suporta sa EO 70

From the Philippine Information Agency (Aug 19, 2019): Tagalog News: AgNor IOs bumuo ng stratehiya bilang suporta sa EO 70


LUNGSOD NG BUTUAN, Agosto 19 (PIA) - Alinsunod sa implementasyon ng Executive Order No. 70 o whole-of-nation approach sa pagsugpo ng insurgency sa bansa, nagkaisa ang mga bagong itinalagang information officers ng provincial government ng Agusan del Norte na bumuo ng mga stratehiya kung papaano mapapaigting ang kampanya laban sa terorismo, maging sa paglaban sa fake news.

Ayon kay Raymond Maglanoc ng Community Affairs Office ng Agusan del Norte, mahalaga na mabigyan ng sapat na impormasyon ang mga mamamayan partikular na sa mga nasa liblib na lugar upang hindi malinlang ng grupong Communist Party of the Philippines – New People’s Army – National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).

Sa pamamagitan din ng kanilang patuloy na pagbigay impormasyon at reports sa barangay level, mas magiging maigting pa ang komunikasyon ng gobyerno sa mga mamamayan.

“Kinakailangan naming mas mapabuti pa ang mga programa ng probinsya lalo na sa health, social welfare at sa mga anti-poverty intervention natin para at least makuha natin yung heart and soul ng ating mga mamamayan,” sabi ni Maglanoc.



Panawagan din niya sa lahat ng information officers na maging reponsable at isapuso ang kanilang tungkulin upang makamit ang hangarin nito para sa ibat-ibang komunidad.

“BIlang mga kawani ng gobyerno at information officers, obligasyon natin sa mga tao na ipaalam sa kanila kung ano yung ginagawa ng gobyerno para sa kanila.kasi doon tayo minsan nagkakaroon ng problema, sa dami ng ginagawa ng gobyerno para sa mga mamamayan, hindi na na-iinform yung mas nakararaming tao. Kaya siguro yun yung kinakailangan namin na i-fill up yung gap sa misinformation at saka doon sa lack of information na nangyayari ngayon sa mga probinsya,” dagdag ni Maglanoc.

Binigyang-diin naman ni Engr. Charyll Rosario, division chief ng Project Development Office ang kahalagahan ng pagsasanay sa journalistic writing ng information officers sa tulong ng Philippine Information Agency.

“Mas nagiging epektibo kami sa aming komunikasyon at pakikisalamuha sa mga komunidad ng probinsya,” sabi ni Rosario.

Ipinahayag din ni Ronald Filipinas, planning officer ng Provincial Agriculture Office na malaki ang ginagampanang papel ng mga government information officers.

“Bilang information officers, responsibilidad namin na maiparating sa taong bayan ang kung ano ang mga nangyayari lalu na sa mga programa namin na aming ibinibigay na serbisyo doon sa mamamayang Pilipino,” pahayag ni Filipinas.

Pagtitiyak naman ng Provincial Public Information Office ng nasabing probinsya na marami pang hakbang na tatahakin ang mga kawani nito upang matugunan ang problema sa insurgency. (JPG/PIA-Caraga)

https://pia.gov.ph/news/articles/1026109

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.