Tuesday, June 25, 2019

Kalinaw News: Mataas na lider ng NPA na napatay sa mindoro, nakilala na

Posted to Kalinaw News (Jun 26, 2019): Mataas na lider ng NPA na napatay sa mindoro, nakilala na




BANSUD, Oriental Mindoro – Nakilala na ang isang mataas na lider ng New People’s Army (NPA) ang napatay sa sagupaan ng militar at mga teroristang grupo sa Panaytayan, Oriental Mindoro noong Hunyo 13, 2019.

Kinilala ng lumutang na kapatid na babae ang nasabing NPA lider na si Bonifacio M Magramo @”EBOY”, na taga Sablayan, Occidental Mindoro at kinikilalang kalihim ng Sub-Regional Military Area (SRMA) 4E sa Palawan. Ito din ang pahayag ng mga dating NPA na naging kasamahan ni Magramo sa Kilusan.

Ang nasabing kapatid ng NPA lider na si Lornabeth Mapalad Galos, 49 taong gulang at residente ng Brgy Kaligtasan, Bongabong, Oriental Mindoro ay pumunta sa tanggapan ng pulisya ng Mansalay upang akuin ang nasabing bangkay ni Magramo. Ito ay taliwas sa naunang umaako sa bangkay na dinala ng KARAPATAN-Southern Tagalog na si Jessica Baes Alcos na diumano’y anak ng isang nagngangalang Victor Alcos na taga Batangas at siyang ipinipilit ng Karapatan na pagkakakilalan ng bangkay. Ayon kay Gng Galos, kinokontak din nila ang anak ni Magramo upang makarating sa Mansalay at kunin ang nasabing bangkay.

Matatandaang nagsagawa ng mga protesta ang Karapatan at inaakusahan ang AFP at PNP ng panggigipit sa kanila dahil ayaw ibigay sa kanila ang nasabing bangkay ng NPA. Subalit mariin itong pinabulaanan ng awtoridad na maayos na kinausap ang Karapatan at si Bb. Alcos upang ipaliwanag na kailangan munang ma-berepika ang pagkakakilanlan sa mga bangkay upang maayos itong maibigay ng naayon sa batas sa karapat-dapat na pamilya o “claimant.”
Ang paglabas ng kapatid ni Magramo ay nagpatunay sa mga naunang pahayag ng awtoridad na kinakailangang idaan sa tama at legal na proseso ang “pag-claim” sa mga bangkay upang maiwasan ang posibleng problema o pagbibigay nito sa maling “claimant,” gaya nang gustong mangyari ng KARAPATAN. Magiging isang malaking disrespeto sa yumao at sa kanyang pamilya kung magkakamali ang awtoridad na ibigay ang mga labi sa hindi tamang pamilya. Kagaya ng ibinigay na pagkakataon kay Jessa Alcos, ang pamilya ni Magramo ay bibigyan din ng pulisya ng sapat na panahon upang patunayan ang kanilang legal na kaugnayan sa nasabing bangkay.

Ayon naman kay BGen Marceliano V Teofilo, pinakamataas na pinunong opisyal ng Army sa isla ng Mindoro, ang insidenteng ito ay pagpapatunay sa tunay na intensyon ng KARAPATAN kung bakit nila pinagpipilitan na hindi si Magramo ang bangkay at sapilitan nilang kinukuha ang katawan ng nasabing mataas na opisyal ng NPA. “Ito ay isang malaking dagok sa mga NPA dahil ang pagkakapatay kay Magramo ay magdudulot ng malaking demoralisasyon sa kanilang hanay. Ito ay katulad ng ginawa nila noong panahon ni Ka Roger na kahit matagal na patay ang nasabing NPA lider ay pinaniniwala pa rin nila ang kanilang mga kasamahan na buhay pa ito hanggan sa hindi na nila mapagtakpan ang kanilang kasinungalinan at napilitang aminin na patay na si Ka Roger.”

Matatandaan din na isang araw pagkatapos hindi makuha ng KARAPATAN-ST ang suporta ng Mansalay MSWD sa pagkuha ng mga bangkay noong Hunyo 17 ay pinuntahan ng NPA ang tahanan ng isa sa staff ng MWSD at binantaan na hindi nila nagustuhan ang pag-trato ng nasabing opisina sa KARAPATAN. Sa ngayon ang pagrarally ng grupo sa Masalay na tinapatan din ng protesta ng mga taga-mindoro upang ipahayag ang kanilang saloobin na hindi nila nagugustuhan ang pagdayo ng KARAPATAN sa kanilang bayan ay siyang pinag-simulan ngayon ng kaguluhan. Ani ng isang mindoreño, sana ay pinabayaan na lang ng mga KARAPATAN ang mga awtoridad na matulungan ang mga “claimants” na kilalanin ang mga bangkay at hindi na nakikisawsaw ang mga ito.

“Muli, uulitin ko at hindi ako magsasawang sabihin, hinahamon ko ang KARAPATAN, Bayan Muna, Anakbayan at iba pa nilang kasamahang organisasyon na kung gusto nilang paniwalaan sila ng taumbayan, gawing nilang patas ang pagsuporta sa mga naging biktima ng karahasan. Imbestigahan din nila ang pagpatay ng NPA sa mga inosenteng mamayan tulad ng mangyan lider na si Jose Barrera at kanyang mga kasamahan na si Kennedy Dam-in at Junjun Ysog sa San Jose at mga panununog ng mga kagamitan para sa paggawa ng mga proyektong pangkaunlaran gaya ng Sta Clara Corp na gumagawa ng hydropowerplant sa Naujan at mga sasakyan ng Martinez Construction Company na nagsasagawa naman ng mga daanan sa bayan din ng Naujan.” ang huling pahayag ni BGen Teofilo.

Pinuri naman ni BGen Elias H Escarcha, ang pinunong opisyal ng 2nd Infantry Division ang matagumpay na operasyon ng militar sa pagkakapaslang sa pinuno ng mga teroristang grupo.

Muli itong nanawagan sa mga natitirang NPA sa Mindoro na sumuko na lamang bago pa mahuli ang lahat. “Sa mga sugatang NPA, bumaba kayo at amin kayong gagamutin. Tanggapin ninyo ang alok na ayuda ng gobyerno at tutulungan namin kayong mag bagong buhay kasama ang inyong pamilya. Subalit kapag kayo ay nagmatigas ay mapipiltan kaming gamitin ang pwersang inatang sa amin ng batas upang panatilihin ang katahimikan at kaunlaran ng ating bayan”, sabi BGen Escarcha.

Sa kasalukuyan patuloy pa rin ang “pursuit operation” ng mga militar at kapulisan para tugisin ang mga natitirang terorista sa Mindoro. Todo suporta rin ang tulong ng lokal na pamahalaan sa lugar.





Division Public Affairs Office 2nd Infantry Division Philippine Army
Cpt Patrick Jay Retumban
Chief, DPAO, 2ID, PA
Camp General Mateo Capinpin, Tanay, Rizal
09772771986

[Kalinaw News is the official online source of information on the pursuit for peace by the Philippine Army. It provides information on the activities of Army Units nationwide in the performance of their duty of Serving the People and Securing the Land. This website is a property of the Civil-Military Operations Regiment, Philippine Army located at Lawton Avenue, Fort Bonifacio, Taguig City.]

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.