Tuesday, June 25, 2019

CPP/NDF-Sourthern Tagalog: Katarungan para sa mga bagong martir ng rebolusyon sa Mindoro at sa lahat ng mga biktima ng Oplan Kapanatagan ng rehimeng US-Duterte

NDF-Southern Tagalog propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jun 25, 2019): Katarungan para sa mga bagong martir ng rebolusyon sa Mindoro at sa lahat ng mga biktima ng Oplan Kapanatagan ng rehimeng US-Duterte

NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES
PATNUBAY DE GUIA
NDF-SOUTHERN TAGALOG
JUNE 25, 2019

Mariin naming kinokondena ang patuloy na pagpigil ng militar at pulisya sa Mindoro Oriental na makuha ng mga pamilya ang tatlong labi ng kanilang mga mahal sa buhay na nasawi sa isang labanan nuong Hunyo 13, 2019 sa Mansalay, Mindoro Oriental.

Sukdulan ang kalupitan ng pasistang tropa ng rehimeng US-Duterte na kahit ultimong mga bangkay na ay patuloy pa ring nakakaranas ng panggigipit sa kamay ng kaaway. Tulad ng nangyayari sa Mindoro Oriental, hinahadlangan ng AFP at PNP ang mga pamilya na makuha ang mga labi ng kanilang mahal sa buhay para sana mapagkalooban ng nararapat na parangal at disenteng libing.

Ang patuloy na pagkakait ng 203rd Bde at ng hepe ng pulis ng Mansalay na makuha ang mga labi ng tatlong kasamang namartir ay pagkakait na mabigyan sila ng disenteng burol at libing ng kanilang mga mahal sa buhay. Malinaw itong paglabag sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) na pinirmihan ng GRP at NDFP nuong 1998 at sa mismong mga kaugalian at tradisyon ng mga Pilipino na mabigyan ng panahong maiburol ang kanilang mahal sa buhay para masilayan sa huling pagkakataon ng mga kamag-anak bago ihatid sa huling hantungan. Subalit maging ang ganitong tradisyon at kaugalian ng Pilipino ay binabalewala ng armadong tropa ng rehimeng Duterte. Ipinapakita lamang nito ang walang kaparis na kalupitan ng AFP at PNP na ipinagmamamalaki ni General Parlade sa publiko—ang tularan o para lubos na masiyahan siya at ang kanyang among si Duterte, na higitan pa ang ginawang kalupitan at brutalidad ng berdugong si General Palparan sa mga mamamayan ng isla ng Mindoro.

Bantog na ang AFP at PNP sa pagsasalaula sa mga bangkay na kanilang napapaslang. Ginagamit nilang hostage ang mga bangkay upang gipitin ang mga kapamilya at kaanak. Subalit lalo lamang nahuhubaran ang tunay na pasista at mersenaryong katangian ng AFP at pulis sa patuloy na pagbinbin sa bangkay ng tatlong kasama at ipagkait ang karapatan ng pamilya na makuha ang mga labi ng kanilang mahal sa buhay. Lalo lamang nahuhubaran ang katauhang lobo na nakadamit ng tupa ang AFP at PNP.

Malayong malayo ito sa ginagawa ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa mga sugatan at nasasawi na mga mersenaryong tropa ng reaksyunaryong estado sa mga inilunsad nitong taktikal na opensiba. Kahit nasa bingit ng panganib sa posibilidad na abutan ng reinforcement ng kalaban, tinitiyak muna ng BHB na mabigyan ng panimulang lunas ang mga sugatang kaaway at iiwanan sila na nasa isang maayos na kalagayan. Ang mga bangkay naman ay isinasaayos din at inilalagay sa lugar para hindi ito mabilad sa araw. Tinitipon at sinesentro ang mga mahahalagang personal na gamit ng mga nasawing armadong personnel ng reaksyunaryong estado para sa nararapat na disposisyon ng mga ito sa kanilang pamilya. Kailangang gawin ito ng mga yunit ng BHB para maiwasan na makulimbat ang mga personal na gamit ng mga nasawing mga sundalo o pulis mula sa kanilang kasamahan at pagkatapos ay ibibintang sa BHB.
Mahigpit na ipinagbabawal sa BHB ang pagmamalupit sa kaaway lalo na ang mga bihag at sugatan ng digma. Mahigpit na ipinapatupad ang mga kinakailangang proteksyon na ipinagkakaloob sa mga sugatan at bihag ng digma alinsunod sa sariling mga umiiral na patakaran at batas ng Partido Komunista ng Pilipinas-MLM, ng BHB, ng Demokratikong Gubyerno ng Bayan at sa umiiral na kasunduan sa CARHRIHL.

Papanagutin ng rebolusyonaryong kilusan sa Timog Katagalugan ang lahat ng mga pangunahing sangkot sa kalupitan at brutalidad na ginagawa ng pasistang tropa ng rehimeng Duterte sa mamamayan ng rehiyon. Ang paggagawad ng rebolusyonaryong hustisya ay walang pinipiling lugar, oras at panahon. Saan man kayo naroon, aabutin kayo ng mahabang kamay ng rebolusyonaryong hustisya.

Katarungan para sa mga bagong martir ng rebolusyon. Katarungan sa lahat ng mga naging biktima ng kalupitan ng Oplan Katatagan ng rehimeng US-Duterte.###

https://www.philippinerevolution.info/statement/katarungan-para-sa-mga-bagong-martir-ng-rebolusyon-sa-mindoro-at-sa-lahat-ng-mga-biktima-ng-oplan-kapanatagan-ng-rehimeng-us-duterte/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.