Tuesday, April 16, 2019

NDF: Fake news ng 85th IBPA, pagtatakip ng kanilang kapalpakan

NDF propaganda statement posted to the National Democratic Front Philippines (NDFP or NDF) Website (Apr 17, 2019): Fake news ng 85th IBPA, pagtatakip ng kanilang kapalpakan

Isang malaking kasinungalingan at resulta ng kanilang kapalpakan ang ipinakalat na balita ng Bravo Coy ng 85th Infantry Battalion ng Philippine Army na diumano’y engkwentro nila sa New People’s Army (NPA) sa San Francisco, Quezon nitong ika-10 ng Abril 2019. Ang tunay na nagbarilan ay sila-sila mismong mga sundalo ng reaksyunaryong estado.

Dalawang pangkat ng Bravo Coy ang nagsalpukan sa Sitio Labrahan, Barangay Butanguiad, alas-3 ng madaling araw ng Miyerkules. Ang isang pangkat nila ay nagpanggap na mga NPA na nakabihis ng tsino at parka. Kumpirmadong napatay ang isang sundalo at hindi mabilang ang sugatan.

Bagama’t naobliga ang AFP na amining misencounter ang naganap, bago ito ay agad na inanunsyo ng 85th IBPA na nakapatay sila ng NPA. Subalit hindi nila mapagtakpan na isa itong bagong gradweyt na regular na sundalo, batay sa nakuhang ID dito nang dalhin sa punerarya sa bayan ng San Francisco.

Hindi din nila maitatago sa mga mamamayan na ang napatay ay isa sa mga sundalong patuloy na nag-ooperasyon sa mga barangay ng Butanguiad, Casay, Santo NiƱo, at Don Juan Vercelos, at nandarahas sa mga mamamayan dito.

Focus and sustained operations

Mula pa Marso 5, 2019, patuloy na nagsasagawa ng operasyon ang mga sundalo sa nasabing mga barangay sa tabing ng pagsesensus. Sa selektibong pagsesensus, partikular na hinahanap ang mga lider at kasapi ng Coco Levy Fund Ibalik sa Amin (CLAIM) at Anakpawis Partylist. Binabantaan ang mga residente at sinisiraan ang CLAIM at Anakpawis Partylist bilang diumano’y mga terorista at front organizations ng CPP-NPA-NDF.

Isa itong malinaw na pandarahas at pananakot sa mga mamamayan lalo na sa mga magniniyog at kasapi ng mga naturang organisasyon.

Sa gitna ng malawakang paglaban ng mga magniniyog dahil sa dumadausdos na kabuhayan, layunin ng mga isinasagawang operasyon ng 85th IBPA na supilin ang kanilang mga lehitimo at ligal na paglaban.

Bumulusok na sa P11 kada kilo ang presyo ng kopras nitong nakalipas na buwan sa nasabing bayan at iba pang karatig-lugar. Pinakamababang presyo ito sa loob ng halos dalawang dekada.

Gayundin, malinaw na layunin ng mga operasyon ng sundalo na supilin at idiskredito ang mga progresibong partylist tulad ng Anakpawis ngayong mid-term elections.

Sa matinding kagutuman at kahirapan na dinadaganan pa ng pasismo ng estado, walang susulingan ang mamamayan kundi ang lumaban at lumahok sa armadong pakikibakang inilulunsad ng NPA sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas. Sa malao’t madali, bibiguin at ibabagsak ng rebolusyonaryong kilusan at mamamayan ang pasista at diktador na rehimeng US-Duterte.#

https://www.ndfp.org/fake-news-ng-85th-ibpa-pagtatakip-ng-kanilang-kapalpakan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.