Thursday, March 29, 2018

CPP/NPA-Sorsgon (Mar 28): Panghawakan ang mga Tagumpay, Biguin ang Pasismo ng US-Duterte at Ibagsak ang Mala-Kolonyal at Mala-Pyudal na Sistemang Panlipunan!

NPA-Sorsogon propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Mar 28): Panghawakan ang mga Tagumpay, Biguin ang Pasismo ng US-Duterte at Ibagsak ang Mala-Kolonyal at Mala-Pyudal na Sistemang Panlipunan!

Mensahe ng Pakikiisa ng Celso Minguez Command para sa ika-49 Anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan

Ka Samuel Guerrero, Spokesperson
NPA-Sorsogon (Celso Minguez Command)

29 March 2018

Iginagawad ng Celso Minguez Command (CMC) ang pinakamataas na parangal sa mga martir ng rebulosyon sa Sorsogon ngayong ika-49 Anibersaryo ng BHB. Nagpupugay din ang CMC sa rebolusyonaryong mamamayan, mga beterano, mandirigma at komander ng BHB na walang pag-iimbot na nagaalay ng kanilang lakas, talino at tapang upang isulong ang rebolusyon sa mas mataas na antas.

Sa gitna ng mapanupil na atake ng rehimeng US-Duterte sa ilalim ng mapanlinlang na Oplan Kapayapaan, napanghawakan ng rebolusyonaryong kilusan ang mga naipundar na tagumpay sa mga nakaraan dekada at nakapagkamit ng pagsulong sa larangan ng gawain sa ekonomiya, pulitika, kultura at militar sa nagdaan taon.

Ang mga aral mula dito ay magsisilbing gabay at inperasyon sa pagkamit ng mas marami pang tagumpay upang salubungin ang pagdiriwang ng ika – 50 anibersaryo ng BHB sa susunod na taon. Ang hindi matatawarang komitment, disiplina, katapangan ng mga kasama at rebolusyonaryong mamamayan at ang pagiging makatarungan ng pagrerebolusyon ang tiyak na magdadala sa pagkakamit ng mga rekisitos upang abutin ang estratehikong pagkapatas na magtutulak sa mas matataas na tagumpay.

Sa nakaraang taon, nagkamit ng mga tagumpay militar ang CMC sa gitna ng masinsing operasyon ng mga berdugong sundalo ng 31st IBPA. Epektibong nakapagtanggol sa sarili ang pulang hukbo at ginamit ang pagkakataong ito upang makaatake sa kaaway.

Pebrero 6, 2017, panahon na may deklaradong tigil-putukan, inatake ng pwersa ng 31st IBPA ang mga kasamang pansamantalang nakahimpil sa Trece Martirez, Casiguran. Walang naging pinsala sa kasama sa nasabing labanan samantalang tatlo ang kumpirmadong patay at dalawa ang sugatan sa kaaway.

Hulyo 28, 2017, pinutukan ng mga kasama ang detatsment sa Bungsaran na ikinamatay ng isang elemento ng 31st IBPA at ikinasugat ng isang CAFGU.

Agosto 7, 2017, matagumpay na inambus ng mga kasama ang pinagkumbinang pwersa ng 31st IBPA at 5th Regional Public Safety Batallion (5th RPSBPNP) sa Barangay Marinas, Gubat, Sorsogon kung saan nakasamsam ng tatlong R4 carbine rifle, mga bala at iba pang gamit militar. Namatay sa nasabing ambus ang apat na elemento ng 31st IBPA kasama ang dalawang opisyal at lima ang sugatan, samantalang walang kaswalti sa panig ng BHB na ligtas na naka-maniobra matapos ang 45 minutong labanan.

Setyembre 2017, magkakasabay na pinaputukan ng mga kasama ang istasyon ng pulis sa Gubat at ang kampo ng 508th RPSB-PNP sa Bulan na ikinamatay ng isang pulis sa Gubat. Nakasamsam din ang mga kasama ng isang M16 na riple at mga bala. Bago ito, sinunog ng mga kasama ang mga motorsiklo na nakaparada sa detatsment ng RPSB-PNP sa San Ignacio, Gubat. Ginagamit ito ng mga intel at death squad para sa EJK at mga iligal na aktibidad.

Ilan lamang ito sa mga taktikal na opensiba ng BHB – CMC sa taong 2017. Ito rin ay pamamarusa sa napakahabang listahan ng mga krimen ng AFP at PNP sa mamamayang Sorsoganon. Pagbibigay din ito ng hustisya sa walang awang pagpaslang sa magigiting na kasamang sina Andres “Ka Magno” Hubilla, Miguel “Ka Billy” Himor kasama ang dalawang mangingisda at sa napakaraming biktima ng EJK at iba pang pagyurak sa karapatang tao sa probinsya.

Hindi rin naging epektibo ang malawakan at matagalang operasyong militar ng 31st IBPA sa buong probinsya upang sagkaan ang mga gawain ng hukbo sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa mamamayan para sa rebolusyon. Naging pagkakataon pa ito sa mga kasama upang magpalawak sa mga lugar na matagal nang naghihintay ang masang magsasaka. Dito ay mainit na tinatanggap ang mga programa na inilulunsad ng pulang hukbo para sa produksyon, kultura, edukasyon at propaganda na nagbibigay ng pag-asa at lakas ng loob sa kanila na iangat ang kanilang kabuhayan at ipaglaban ang mga lehitimong karapatan sa harap ng lumalalang krisis at terorismo ng rehimeng US – Duterte. Sa kabila ng atake ng militar sa kabuhayan at karapatan ng mamamayan, patuloy ng dumarami ngayon ang mga Grupong Tulongan ng mga magsasaka para sa produksyon. Nagpatuloy din ang pagtatag ng mga Organo ng Kapangyarihang Pampulitika (OKP) sa probinsya upang higit na patatagin ang rebolusyonaryong gobyerno sa kanayunan.

Ang malakas na suporta ng malawak na masang Sorsognanon ang isa sa batayan ng mga tagumpay na inani ng CMC sa nakaraang taon. Ang kanilang pagkakaisa ay masasaksihan din sa iba pang mga pagkilos laban sa mga pagsupil ng mga berdugong militar sa mga batayang karapatan ng mga ordinaryong mamamayan.

Sa loob ng mahigit isang taon ay umabot na sa dalawampung (20) Sorsoganon ang biktima ng EJK sa ilalim ng rehimeng US-Duterte, habang nagpapatuloy ang mga pananakot at pandarahas ng mga sundalo sa mga mamamayang. Nananatiling nasa ilalim ng PDT ng mga elemento ng 31st IBPAang mga baryo ng Bulacao, Casili, Sangat at Payawin sa Gubat; mga baryo ng Sta. Cruz, Trece Martirez at Boton sa Casiguran at Brgy. Marinas, Sorsogon City.

Ganoon pa man ay hindi nayanig ang paninindigan ng mga mamamayang Sorsoganon sa mga ganitong kalagayan. Sa katunayan ay sawa at galit na ang mamamayang Sorsoganon sa mga kasinungalingan ng doble-kara at buang na pangulong si Rodrigo Duterte na lalo lamang pinalala ang krisis at panunupil sa mamamayan ng sunod – sunod na programa at patakarang anti – mamamayan at makadayuhan.

Minadali noong katapusan ng 2017 ang pagsasabatas ng bagong buwis na tinawag na TRAIN na sumagasa sa dati nang lugmok na kalagayan ng masang anakpawis. Ang totoo’y pinakinabangan lamang ang reporma sa buwis ng mga malalaking kapitalistang dayuhan at lokal, habang lalong nagpabigat sa pasanin ng mga maliliit na negosyante, empleyadong kumikita ng minimum na sahod, mga manggagawa at magsasaka na siyang dumanas ng sobrang pagdarahop dulot ng biglaang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.

Gamit ang kamay na bakal, agresibo ang rehimeng US – Duterte sa pagsusulong ng CHA – CHA na naglalayong palitan ng Pederalismo ang kasalukuyang porma ng gobyerno sa Pilipinas. Ang totoo’y panabing lamang ang Pederalismo sa tunay na layuning ibukas ng tuluyan ang ekonomya ng bansa sa mga dayuhang kapitalista, mapatatag at mapalawig ang kanyang paghahari at ipawalambisa ang mga tagumpay ng mamamayan sa paglaban para igiit ang kanilang mga demokratikong karapatan.

Babaguhin ang mga probisyon sa ekonomya upang ipagkaloob ang isandaang porsyentong pag-aari ng mga dayuhan sa mga lupain at negosyo sa bansa. Sasaklawin nito ang mga lupaing ninuno, lupaing publiko, eskwelahan, masmidya, public utilities at iba pa. Babaguhin din ang mga probisyon sa pulitika upang tiyakin ang walang sawang pagkontrol sa poder ni Duterte at kanyang mga alipores. Kasabay ang mas matinding panunupil sa mga karapatan ng mamamayang naghahangad ng tunay na pagbabago. Ibubukas din ang bansa sa walang sagkang pagpasok ng mga tropa at armas militar ng US bilang pagtitiyak ng kanilang interes sa ekonomya at pulitika sa bansa at bilang pagtiyak ng kontrol sa buong Asya – Pasipiko.

Sa madaling salita ang pederalismo sa pamamagitan ng Cha-Cha ang bagong porma ng diktadura ni Duterte na magbibigay sa kanya ng labis-labis na kapangyarihang kaparis nang sa kanyang idolong diktador na si Ferdinand Marcos noong ibaba ng huli ang Batas Militar.

Ito ang pinaghahandaan ng mga kasama at mamamayan ng Sorsogon. Lalo pa’t nitong nakaraang taon lamang ay tinuldukan ni Duterte ang usapang pangkapayapaan sa pamamagitan ng Presidential Proclamation 360 at iginiit na mga terorista ang mga NPA sa pamamagitan din ng Presidential Proclamation 374. Palaban na niyang idineklara ang mas papaigting ng gera laban sa rebolusyonaryong kilusan tulad ng pag-utos sa ‘pagpapatag sa mga bundok’; ng pag-alok ng malaking gantipala sa mga sundalo at pulis na makapapatay o makapupugot ng ulo ng NPA at ang pag-utos na barilin ng mga sundalo at pulis ang mahuhuli nilang mga amazona sa ari nito.

Nangangarap ng gising ang rehimeng US – Duterte kung inaakala niyang mapapaluhod ang rebolusyonaryong kilusan at ang malawak na mamamayang lumalaban na malaon nang nakapagpondar ng lakas at mahigpit na tumatangan sa wastong linya ng pagsusulong ng makatarungang digma.

Nanawagan ang CMC sa mga mamamayan ng Sorsogon na pahigpitan pa ang kanilang pagkakaisa at paigtingan ang pakikibaka laban sa mga pakana at panlilinlang ng rehimeng US-Duterte. Sa kalagayang mas titindi pa ang panunupil sa darating pang mga panahon, mas makabubuti para sa mga pinag-iinitan sa ligal na kilusan ang sumampa na sa Bagong Hukbong Bayan. Ganoon din, nananawagan ang CMC sa mga kabataang Sorsoganon na mag-ambag ng kanilang talino, lakas at galing sa hukbong bayan upang tumulong sa pagpapanday ng maaliwalas na bukas na kaylan man ay hindi makakamit sa ilalim ng reaksyonaryong gobyernong nagsisilbi sa mga panginoong may-lupa, burgesya komprador at imperyalismong US.

Higit sa lahat, maglulunsad ang CMC ng mga taktikal na opensiba upang yanigin ang ipinagyayabang na paghahari ni Duterte. Hindi kailanman dapat mabigyan ng puwang ang barbarikong paghahari-harian ng mga pasistang tropa ng 31st IBPA sa kanayunan ng Sorsogon; kasama ang mamamayan dapat silang itaboy sa anumang paraan at dapat silang maturuan ng leksyon upang matigil ang paghahasik nila ng lagim sa ating mga komunidad.

Ang ating pagkakaisa ang tiyak na magpapabagsak sa mala-kolonyal at mala-pyudal na sistemang pilit pinalalala ng kasalukuyang gahamang rehimeng US-Duterte.

Sa pagsalubong natin sa ika-50 taon ng Bagong Hukbong Bayan sa susunod na taon, maipagmamalaki ng mga Sorsoganon ang kanyang mayamang karanasan sa gabay ng Partido Komunista ng Pilipinas, kasama ang Bagong Hukbong Bayan at National Democratic Front bilang ambag sa paglaban at pagbagsak sa pang-aapi at karahasan ng mga berdugo at diktador.

MABUHAY ANG MAMAMAYANG SORSOGANON!
IPADAGOS ANG PAGLABAN SA REHIMENG US-DUTERTE!
KABATAAN SUMAMPA SA BAGONG HUKBONG BAYAN!
MABUHAY ANG IKA-49 ANIBERSARYO NG BAGONG HUKBONG BAYAN!

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.