Eastern Visayas propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Mar 13): Isang bukas na liham ng rebolusyonaryong kababaihan para sa mga karaniwang upisyal at sundalo ng AFP Marso 2018
13 March 2018
Kamakailan naging katatawanan para sa inyong commander-in-chief na si Rodrigo Duterte ang mga kababaihang Pulang mandirigma ng New People’s Army (NPA), sa “pagbiro” na dapat silang barilin sa ari, sa pagkutyang makasarili sila dahil iniiwan nila ang kanilang mga pamilya’t anak para lumahok sa rebolusyon.
Hayaan niyo kami, mga rebolusyonaryong kababaihan ng Eastern Visayas, na sumulat sa inyo, mga karaniwang sundalo at upisyal ng AFP, dahil batid naming sa inyong hanay ay may mga hindi sang-ayon, pinandidirihan at kumokondena sa mga pananalitang ito. Hayaan niyong ipaunawa namin kung bakit ang komentaryo ni Duterte ay hindi katanggap-tanggap sa kababaihan at mamamayan.
Kahit anong sabihin ni Duterte, hindi niya maipagkaila na naiguhit na sa kasaysayan ng Pilipinas ang magiting na paglahok ng kababaihan sa armadong pakikibaka ng mamamayan. Kung kaya’t makasaysayan at prinsipyado ang paglahok ng mga kababaihang Pulang mandirigma sa armadong pakikibaka. Palibhasa hindi niya naiintindihan na ang pagtangan nila ng armas ay usapin ng prinsipyo, at malayo man sila sa pamilya dahil sa sakripisyo ay hangarin nila ang maaliwalas na bukas para sa lahat.
Tinatayang 12 hanggang 15 milyong Pilipino ang nangibang bayan dahil sa kawalan ng hanapbuhay dito, at si Duterte mismo ay nag-aastang para sa pamilyang Pilipino pero pangunahing sumisira nito dahil sa kanyang masasamang palisiyang sosyo-ekonomiko at marahas na gera. Siya mismo ang tagapagtaguyod ng labor export policy, kung saan laksa-laksang kababaihan ang tinutulak niyang iwan ang kanilang mga pamilya at magtrabaho sa ibayong dagat. Ipinapasa niya sa mga naghihirap na Pilipinang desperado sa paghahanap ng pagkakakitaan ang pagsasalba sa ekonomyang di niya kayang pasiglahin at pagluwalin ng trabaho sa loob ng bansa. Luhang buwayang maituturing ang pagtangis niya sa pagkamatay ni Joanna Demafelis, halimbawa na lamang dahil ang inanunsyo niya na isang job fair para sa walang trabaho tulad ng mga pinauwing OFW mula Kuwait ay sa ibayong dagat pa rin – ipinagpapatuloy lang ang mga kundisyon na lilikha ng karagdagang Joanna Demafelis.
Ang pag-insulto ni Duterte sa mga kababaihang Pulang mandirigma ay pag-insulto sa bawat babaeng napilitang umalis at mahiwalay sa kanyang mga mahal sa buhay upang ipaglaban sila, sa pakikibakang pang-ekonomiya man o pampulitika. Ang gobyernong Duterte ang siyang totoong makasarili dahil pinagkakakitaan nito ang paghihiwalay ng di hamak na maraming ina sa kanilang mga anak, naglalayo ng maraming kababaihan sa kanilang mga pamilya, at sumisira sa maraming tahanan.
Nararapat lang na kamuhian ninyo ang sinabi ni Duterte na dapat barilin sa ari ang kababaihang Pulang mandirigma. Bastos, malisyoso, at labag sa mga batas ng digmaan ang komentaryong ito.
Tanong namin sa inyo: Kayo ba, na may sariling mga ina, asawa, at anak na babae, ay tatanggapin na lang na gagawin sa kanila ang ganitong klaseng paglapastangan? Hinihimok namin kayong maging kritikal sa mga sinasabi ni Duterte. Hindi lang kababaihan ang dapat mainsulto rito, kundi ang bawat taong may pagpapahalaga sa maayos na pakikitungo sa kapwa. Bagkus, dapat igalang ang kababaihan at kanilang mga karapatan, gayundin ang mamamayan at kahit ang Pulang mandirigmang nasa kabilang panig ng gera.
Naniniwala kami na sa inyong hanay ay mayroong mga tapat na nagmamahal sa bayan. Dapat suriin nang mabuti ang pagbebenta ni Duterte ng pambansang soberanya at integridad ng terirtoryo kapalit ng sarili niyang interes at pag-aarmas ng dayuhang mga amo sa kanyang itinatayong diktadura.
Ang mga bagong armas na hatid ni Duterte sa inyo, ay mga karagdagang utang na babayaran ng mamamayan sa US, China at Russia. Ang mga pautang ng China para sa mga engrandeng proyektong imprastruktura sa ilalim ng “Build, Build, Build,” kapalit ay ang pagpapapasok ng mga barkong pandigma nito sa Benham Rise at pagpapatayo ng mga istrukturang militar sa mga soberanong teritoryo ng Pilipinas.
Sa kunwari’y “espesyal na relasyon” sa pagitan ng US at Pilipinas, tuloy-tuloy pa rin ang paglabag ng US sa pambansang soberanya at panghihimasok sa mga internal na usapin, pagpapatayo ng mas marami pang base militar at naval, at pagpapadala ng mas marami pang pwersa sa Pilipinas sa tabing ng gera kontra terorismo.
Nag-aagawan lang ang US at China para sa estratehikong pagpoposisyon sa Pilipinas, hinahayaan lang ni Duterte na maging entablado niya ang Pilipinas kasama ang sinumang pandaigdigang kapangyarihan na magtataguyod sa kanyang diktadura. Kung sa kani-kaninong dayuhang amo siya nagpapakatuta at magkatuwang nilang dinadahas at sinasamantala ang mamamayan.
Kasabay ng mga dayuhan, pinapaligaya rin ni Duterte ang naghaharing pangkating kinabibilangan ng mga kaibigan at kamag-anak niya. Hindi dapat kalimutan ang pagkakasangkot ng MalacaƱang, sa pamamagitan ng alipures na si Christopher “Bong” Go, sa maanomalyang pagbili ng mga barkong pandigmang nagkakahalaga ng P16 bilyon, at sa pagsibak sa hepe ng Philippine Navy na kumwestiyon dito. Hindi ba’t salungat sa mga deklarasyon ni Duterte ng simple at malinis na pamumuhay at tindig laban sa droga ang pagkakasangkot ng sariling anak at kapamilya sa ismagling ng P6 bilyong halaga ng shabu? Huwad ang kampanya niyang kontra-korapsyon dahil ang napaparusahan lang nito ay ang mga kaaway niya sa pulitika at hindi ang kanyang mga alyado.
Pag-isipan sana natin ang kapakanan ng Inangbayan at ang pagtatanggol sa kanyang mga interes. Kung kaya, hinahamon namin kayo na harapin at labanan ang pagiging korap, maka-imperyalista at anti-mamamayan ni Duterte. Hindi totoong wala kayong pagpipilian kundi sundin siya. Hindi kailanman dapat sundin ang mga kautusang tahasang lumalabag sa mga batas ng digma at pagiging makatao. Itakwil ang nagkakanulo sa kasarinlan at iba pang mga pambansang interes, at ang mga dinadahas, ginugutom at pinapahirapan ang mamamayan.
Nananawagan kami sa inyo na pag-aralan, suriin ang lipunan, at maging kritikal. Galangin ninyo at huwag dahasin ang mamamayan at kanilang mga demokratikong pagkilos, hanggang ang kanilang karapatan na maglunsad ng makatarungang digma. Itakwil at humiwalay sa kontra-kababaihan at anti-mamamayan na si Duterte. Maaari rin kayong umalis sa serbisyo upang hindi mapahamak ang mamamayan.
Bukas din kayong sumapi sa New People’s Army. Ipinaaalala namin sa inyo ang dakilang halimbawa ni Lt. Crispin Tagamolila, na tumalikod sa reaksyunaryong gobyerno ng Pilipinas at sumapi sa NPA. Namartir siyang lumalaban sa diktadurang Marcos, kundi nananatiling sariwa ang kanyang mapangahas na hakbang para sa bagong henerasyon ng mga karaniwang upisyal at sundalo ng AFP na may matatayog na hangaring makabayan at paglingkuran ang sambayanan.
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.