Sunday, December 10, 2017

CPP/Ang Bayan: Walong armas, nasamsam ng BHB

Propaganda article from the Tagalog language edition of the CPP online publication Ang Bayan (Dec 7): Walong armas, nasamsam ng BHB

WALONG ARMAS ang ibinunga ng matatagumpay na taktikal na opensiba ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) nitong nakalipas na ilang linggo. Lima dito ang nasamsam sa Camarines Norte, at tatlo mula sa Cagayan. Hindi rin bababa sa 29 ang tinamong kaswalti ng mga reaksyunaryong tropa sa mga opensibang ito. Samantala, pinalaya na ng BHB-SMR ang isang pulis na bihag-sa-digma.

Camarines Norte. Inambus ng mga Pulang mandirigma ng BHB-Camarines Norte (Armando Catapia Command o ACC) ang komboy ng dalawang sasakyan at isang motorsiklo ng PNP-Provincial Public Safety Company noong Disyembre 2, pasado ala-una ng umaga sa Sityo Binuang, Barangay Daguit, Labo. Apat na M16, isang 9mm at mga bala ang nakumpiska mula sa kapulisan. Walang kaswalti sa hanay ng ACC.

Gamit ang command-detonated na eksplosibo, pinasabugan ng mga Pulang mandirigma ang komboy ng PNP-PPSC na pabalik na sa kanilang kampo mula sa operasyon. Matapos ang labinlimang minutong putukan, dalawang pulis ang namatay at pitong iba pa ang nasugatman. Ayon kay Ka Carlito Cada, tagapagsalita ng ACC, ang naturang opensiba ay tugon ng hukbong bayan sa prubinsya sa panawagan ng Partido Komunista ng Pilipinas na paigtingin ang mga taktikal na opensiba bilang bahagi ng pagpapabagsak sa pasistang rehimeng US-Duterte, at pagsingil sa mahabang listahan ng abusong militar at ekstrahudisyal na pamamaslang nito.

Misamis Oriental. Sinalakay ng mga pwersa ng BHB-North Central Mindanao sa ilalim ng Eastern Misamis Oriental North Eastern Bukidnon Subregional Command (EMONEB-SRC) ang istasyon ng PNP sa bayan ng Binuangan noong Disyembre 3, bandang alas-3 ng umaga. Apat na pulis ang nasugatan.

Ayon kay Ka Malem Mabini, tagapagsalita ng BHB-NCMR, ang aksyong militar na ito ay paggawad ng hustisya dahil sa papel ng PNP-Binuangan sa kontra-insurhensya. Noong 2012, isang Pulang mandirigmang wala nang kakayahang lumaban ang pinatay ng mga pwersa ng naturang pulisya.

Cagayan. Napatay ng BHB-Cagayan (Henry Abraham Command o HAC) si Angelo “Buridek” Luis, ahenteng paniktik ng Military Intelligence Group, nang manlaban siya habang inaaresto noong Disyembre 2, alas-7 ng umaga sa Barangay Awallan, Baggao. Nakuha mula sa kanya ang isang kalibre .45 pistola, isang .9mm pistola, at isang BSL shotgun. Nasamsam din ng HAC ang mahahalagang datos paniktik mula sa MIG. Si Luis, isang dating sundalo at kasalukuyang konsehal ng Baggao, ay responsable sa pagkamatay ng apat na Pulang mandirigma noong 2011.

Iloilo. Inambus ng BHB-Central Panay (Jose Percival Estocada Jr. Command) ang 6th PNP-RPSB sa Barangay Bolo, Maasin noong Nobyembre 24 bandang alas-6 ng gabi. Isang pulis ang patay habang 12 ang sugatan.

Antique. Bago ang ambus sa Iloilo, una nang inambus ng isang yunit ng BHB-Southern Panay (Napoleon Tumagtang Command o NTC) ang isang sasakyan ng pulis bandang alas-9 ng umaga sa Barangay Pis-anan, Sibalom. Tatlong pulis ang sugatan sa naturang aksyon. Bago nito, hinaras ng isa pang yunit ng NTC ang detatsment ng Philippine Army at CAFGU sa Barangay Bulalacao sa parehong bayan, bandang alas-dos ng umaga.

Nueva Ecija. Sugatan ang dalawang upisyal ng PNP-PPSC sa operasyong isnayp ng BHB-Nueva Ecija noong Nobyembre 22 sa Barangay Piut, Carranglan. Magreresponde sana ang mga pulis at mga sundalo ng 84th IB sa isinagawang aksyong pamamarusa ng BHB-Nueva Ecija laban sa isang masugid na elemento ng paniktik ng kaaway sa Barangay Putlan.

North Cotabato. Matapos ang halos apat na buwang pagkakabihag, pinalaya ng BHB-Mt. Apo Subregional Command si PO1 Bristol B. Catalan Jr. noong Disyembre 4 sa Barangay Bagumbayan, Magpet, North Cotabato. Ipinasa siya kina Rev. Hipolito Parach ng Exodus for Justice and Peace at iba pang tagapamagitan. Sinalubong din si Catalan ng kanyang asawa at dalawang anak.

Ayon kay Ka Rubi Del Mundo ng NDF-Southern Mindanao Region, sa panahon ng mga imbestigasyon at kanyang pagkakabihag, nagpakita ng pagsisisi at boluntaryong paghinto si Catalan sa mga krimen laban sa mamamayan at mga rebolusyonaryong pwersa.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/201712-walong-armas-nasamsam-ng-bhb/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.