Sunday, December 10, 2017

CPP/Ang Bayan: Pagpapalawig ng batas militar sa tabing na rehabilitasyon

Propaganda article from the Tagalog language edition of the CPP online publication Ang Bayan (Dec 7): Pagpapalawig ng batas militar sa tabing na rehabilitasyon

Sa tabing ng rehabilitasyon at pagtiyak ng agarang rekonstruksyon ng Marawi City, iginigiit ng AFP at ni Duterte na palawigin pa ang martial law sa Mindanao na nakatakdang magtapos sa Disyembre 31. Ito ay matapos pulbusin ng AFP ang kalakhan ng syudad para ipwesto ang sarili at mga pinapaborang burgesya kumprador ng kanyang rehimen. Ihahapag ang rekomendasyon sa kongreso bago ang Disyembre 15.

Upang bigyan ng dagdag na katwiran ang muling pagpapalawig, itinatambol ng AFP ang diumano’y patuloy na rekrutment ng ISIS sa bahagi ng Lanao del Sur at bantang pambobomba sa Iligan City. Nitong Disyembre, ipinalabas pa ng AFP na tuluy-tuloy ang pagsabog ng mga itinanim na bomba ng grupong Maute sa syudad. Napatunayan itong malaking kasinungalingan ng mga grupong Moro na nagsiyasat sa iniulat na mga insidente.

Umani ng batikos mula sa mga grupong Moro ang bantang pagpapalawig ng batas militar ng AFP at rehimeng Duterte. Ayon kay Drieza Abato Lininding ng Moro Consensus Group (MCG), dapat nang wakasan ang batas militar at pauwiin na ang mga residente sa kanilang mga tahanan.

Ayon sa grupo, nagmimistulang pook panturista ang Marawi sa dami ng mga kilalang personalidad at pulitiko na animo’y “namamasyal” sa lugar. Makikita sa midya ang mga artista na nag-iikot sa Marawi habang binibisita ang mga tropa ng AFP samantalang marami sa mga residente ang pinagbabawalang makabalik sa kanilang mga tahanan.

Batid ng mga Moro na ang pagpapataw ng batas militar sa Mindanao ay salamin ng pagkukunwari at diskriminasyon ng rehimen sa mga Maranao. Ang pagpokus sa Marawi ay paraan lamang ni Duterte para palayasin sila sa kanilang mga lupain at igawad ito sa AFP, US at malalaking negosyo.

Inamin mismo ni Duterte na walang balak ang kanyang rehimen na pabalikin pa ang mga residente. Sa kanyang talumpati sa Libingan ng Bayani noong Nobyembre 21, ipinahayag niyang mauunang itayo ang kampo-militar bago magsimula ang rehabilitasyon sa Marawi para tiyakin diumano na hindi na maulit ang gera sa syudad.

Sa loob ng halos pitong buwan mula ipataw ng rehimeng US-Duterte ang batas militar, gumastos na ng sobra sa P6 bilyon ang gubyerno, mahigit 1,200 indibidwal ang di pa natatagpuan, umaabot pa sa 400,000 ang hindi nakababalik sa kanilang mga tahanan at mahigit 300 na ang naitalang kaso ng pang-aabuso mula sa tropa ng AFP.

Sa harap ng mga hinaing ng mga residente laban sa mga sundalo, paulit-ulit pang ipinagtatanggol ni Duterte ang mga ito. Kabilang sa mga inirereklamo ng mga residente ang lantarang pagnanakaw ng militar sa naiwang mga ari-arian tulad ng mga alahas, pera at mga gamit sa bahay.

Matinding pang-aapi

Noong Nobyembre 18, pinangunahan ng Kalinaw Mindanao ang ikatlong National Interfaith Humanitarian Mission sa Marawi. Sa dalawang araw na pag-iimbestiga ng grupo, nakapagtala ng hindi bababa sa dagdag pang 56 sa mahigit 300 kaso ng pang-aabuso, pagnanakaw at paglabag nga mga tropa ng AFP sa karapatang-tao.

Ayon sa NIHM, napakaraming katanungan hinggil sa pang-aabuso at paglabag sa karapatang-tao sa Marawi ang hindi nasasagot. Matapos ang diumano’y pagpapalaya sa Marawi, kailangan madokumento at maibahagi sa mamamayan ang tunay na nangyayari.

Dagdag pa ng grupo, sa huli ang talo rito ay ang mamamayan na nawalan ng ari-arian, mahal sa buhay at kabuhayan. Malaking bahagi sa kanila ang hindi na muling makakauwi sa kanilang mga tahanan sa Marawi.

Batay sa mga ulat, 6,000 katao pa lang sa may mahigit 400,000 lumikas ang nakakabalik ng Marawi. Habang marami ang pinagbabawalan na bumalik sa pinangyarihan ng labanan, sapilitang ipinatutupad ng AFP ang ID system, hinahanapan ng titulo sa lupa at pinalalayas ang mga residente gamit ang hinukay na 1953 Presidential Decree na nagdedeklarang military reservation ang Marawi.

Kasabay nito, papalala ang kundisyon ng daan-daang pamilya na nananatili sa mga evacuation center. Mula nang sumiklab ang labanan, P1,000 na tulong pinansyal pa lamang ang naibibigay ng estado. Samantala, 2,000 pamilya lamang ang mabibigyan ng pabahay ng Task Force Bangon Marawi para sa kasalukuyang taon.

Nababahala rin ang International Coalition for Human Rights in the Philippines sa inisyal na programang rekonstruksyon ng administrasyong Duterte na pumapabor sa dayuhan at lokal na mamumuhunan na may bitbit na pautang.

Anila, ang pangunguna ng World Bank at Asian Development Bank sa rekonstruksyon ng syudad ay tiyak na magsisilbi lamang sa interes na pagkakitaan ang malawakang pagkawasak at gera sa Marawi. Nakapailalim ang rekonstruksyon sa maka-dayuhang programang “build, build, build” ng rehimen.

Dagdag dito ang pag-engganyo ni Duterte at ng tagapangulo ng Task Force Bangon Marawi na si Eduardo del Rosario sa malalaking lokal at dayuhang developers na magpasa ng unsolicited proposals nito para sa rekonstruksyon ng Marawi. Batbat ng korapsyon at anomalya ang ganitong pakana ng rehimen.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/201712-pagpapalawig-ng-batas-militar-sa-tabing-na-rehabilitasyon/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.