Mula nang tinapos ni Rodrigo Duterte ng GRP ang usapang pangkapayapaan sa pagitan nito at ng National Democratic Front of the Philippines noong Nobyembre 23, lalupang tumindi at lumawak ang mga atake ng rehimen sa mga aktibista at progresibo, at sa mga sibilyang komunidad sa kanayunan. Sa loob lamang ng sampung araw, pitong kilalang mga kasapi ng progresibong grupo at sibilyan ang pinaslang, 14 ang iligal na inaresto, habang mahigit 2,000 ang sapilitang lumikas sa kanilang komunidad dahil sa militarisasyon at banta ng pambobomba.
Pagpaslang. Halos magkasabay na pinaslang sina Fr. Tito Paez at Pastor Noveliyo Quiñones noong Disyembre 4 sa istilong-Palparan ng mga elemento ng AFP.
Pinatay si Fr. Paez ng dalawang motorsiklong lalaki na pumara sa kanyang sinasakyang kotse sa Barangay Lambakin, Jaen, Nueva Ecija. Isa siya sa mga nagbuo ng Bayan-Central Luzon at kabilang sa mga nanguna sa paglaban sa konstruksyon ng Bataan Nuclear Power Plant.
Si Pastor Noveliyo Quiñones ay pinaslang sa Barangay Don Pedro, Mansalay, Oriental Mindoro habang naglulunsad ng operasyon ang PNP laban sa isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).
Bago nito, pinaputukan at napatay habang pauwi mula sa isang fact-finding mission noong Nobyembre 28 sa Bayawan, Negros Oriental sina Elisa Badayos, kasapi ng Karapatan-Negros at si Eleuterio Moises, kasapi ng Mantapi Ebwan Farmers Association. Tinamaan rin ng bala si CJ Matarlo ng Kabataan Partylist-Cebu. Bago ang insidente, hinarang ng mga sundalo ang grupo nina Badayos sa Barangay San Ramon kung saan sila mag-iimbestiga sa militarisasyon ng AFP sa lugar.
Noong Nobyembre 29, pinaslang ng 66th IB si Rodrigo Timoteo, kasapi ng Compostela Farmers Association, sa Purok 20 Nursery, Barangay Mambusao, Compostela, Compostela Valley. Samantala, binaril ng 16th IB si Apolonio Maranan, kasapi ng Anakpawis Partylist sa Barangay Mandug, Buhangin District, Davao City, habang bumibili ng pagkain malapit sa kanilang bahay noong Nobyembre 25.
Bago nito, pinaslang si Vivencio Sahay, tagapangulo ng Unyon sa Mag-uuma sa Agusan del Norte (UMAN) sa Barangay Calamba, Cabadbaran noong Nobyembre 23.
Pagdukot at iligal na pang-aaresto. Inaresto ang tagapangulo ng PISTON na si George San Mateo noong Disyembre 5 habang nagpipiyansa sa gawa-gawang kasong isinampa ng LTFRB. Ilang oras siyang idinetine sa istasyon ng pulis sa Quezon City bago pansamantalang nakalaya.
Noong Nobyembre 24, dinukot ng mga sundalo ng 20th IB at hanggang ngayon ay hindi pa inililitaw ang tatlong magsasakang sina Richard Avino, Terry Gabon at Arnel Aquino. Ang tatlo ay kasapi ng Northern Samar Small Farmers Association. Noong Nobyembre 26, hinaras at sinuntok ni LTC George Domingo, kumander ng CMO Battalion, si Sargie Macallan ng Katungod-Northern Samar sa detatsment ng militar sa Opong, Catubig habang nag-aayos ng dayalogo kaugnay sa pagdukot at pagkawala nila.
Dinukot din ng mga elemento ng 66th IB si Jean Baguio Bustamante, 17, kasapi ng Compostela Farmers Association-Youth sa Barangay Mambusao, Compostela, Compostela Valley at dinala sa kanilang kampo sa Purok 20, Barangay Mambusao, Compostela noong Disyembre 5.
Samantala, iligal na inaresto ng mga sundalo noong Disyembre 4 ang apat na kabataan sa Ud-Udiao, Sallapadan, Abra dahil diumano sa paglabag nila sa curfew. Ipinataw ng 24th IB sa kanilang komunidad ang naturang curfew matapos ang labanan sa pagitan ng BHB at AFP sa Sityo Nagas-asan, Sallapadan noong Nobyembre 28.
Noong Nobyembre 29, dalawang kabataan ang inaresto at binugbog ng mga pulis sa Barangay Mabini, San Jose, Occidental Mindoro habang ipinagtatanggol ang kanilang tahanan laban sa marahas na demolisyon.
Iligal na inaresto ang lider-Mangyan na si Jerry Santiago noong Nobyembre 23 at sinampahan ng gawa-gawang kaso ng pagpatay sa Bulalacao, Oriental Mindoro. Ito ay sa kabila ng salaysay ng mga saksi na nasa isang pulong siya habang umano’y nagaganap ang krimen.
Noong Disyembre 4, dinukot ng mga sundalo ng 4th IB si Nonoy Casidsid, isang Mangyan na Hanunuo, sa Sityo Taiktikan, Barangay Purnaga, Magsaysay, Occidental Mindoro
Dalawang magsasaka naman ang tinortyur sa Sityo Cambayang, Barangay Cambunang, Bulalaco Oriental Mindoro. Ayon sa mga magsasaka, nabanggit pa ng mga sundalo na “ayos lang na mambugbog, dahil martial law naman.”
Sa sumunod na araw, Disyembre 5, iligal na inaresto ng mga pulis si Bernardo Lowaton sa kanyang bahay sa Sityo Kawayan, Barangay. Camflora, San Andres, Quezon. Si Lowaton ay tenante sa asyenda Uy na naggigiit na ipamahagi na ang lupa sa mga magsasaka.
Panggigipit. Noong Nobyembre 29, walang habas na pinagbabaril ng mga hinihinalang elemento ng 29th IB ang bahay ni Imelda Gagap, lider ng Unyon sa Mag-uuma sa Agusan del Norte (UMAN), sa Barangay Mariging, Jabonga, Agusan del Norte.
Sa Davao City, hinaras ng mga ahente ng militar ang tagapangulo ng League of Filipino Students-Northern Mindanao Region na si Kristine Cabardo noong Nobyembre 21. Pinuntahan siya sa kanyang tahanan sa Barangay Saray, Iligan City, tinakot ang kanilang ama na humarap sa mga ahente at pinaratangan si Kristine at kanyang kapatid na tagasuporta ng BHB.
Noong Nobyembre 23, hinalughog ng mga elemento ng 71st IB at 46th IB ang bahay ng lider-magsasakang si Renante Mantos, tagapangulo ng Hugpong sa Mag-uuma sa Walog Compostela (HUMAWAC). Si Mantos ay aktibo sa pagsuporta sa laban ng mga manggagawang bukid ng Madaum Agrarian Reform Beneficiaries Inc. (MARBAI) laban sa pagsasamantala ng pamilyang Lorenzo na nagmamay-ari ng Lapanday sa Tagum, Davao del Norte.
Bakwit. Nagbakwit ang 345 pamilya o 1688 na indibidwal mula sa 15 na komunidad sa Barangay Diatagon, Lianga at Barangay Buhisan, San Agustin, Surigao del Sur dahil sa operasyong militar. Dalawang araw na tuluy-tuloy at paikot-ikot ang mga drone at tropa ng 75th IB sa mga komunidad at eskwelahan ng mga Lumad. Ang mga komunidad na ito ay nasa Andap Valley Complex na ibinebenta ng estado para sa pagmimina ng karbon.
Mula noon hanggang Disyembre 1, tatlong beses nang hinarang ng mga sundalo ng 75th IB ang mga nagdadala ng pagkain at iba pang relief goods sa nagbakwit. Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa nakakapasok ang mga tulong para sa mga nagbakwit kahit na kasama ang tauhan ng social welfare office ng lokal na pamahalaan.
Noong Disyembre 4, mahigit 139 indibidwal ang lumikas mula sa mga komunidad ng San Pedro, Binicalan at Mahagsay, bayan ng San Luis, Agusan del Sur dahil sa operasyon ng mga sundalo ng 26th IB. Kasalukuyan silang nakatigil sa harap ng munisipyo ng San Luis.
Sa Sarangani, umaabot sa 210 pamilya ang lumikas mula sa mga barangay ng Lilab, Basyawan, Balataan, Banlas. Nabol at Makol, sa bayan ng Alabel at Malapatan, mula Disyembre 1. Ito ay dulot ng walang lubay na pag-atake ng mga elemento ng 73rd IB sa kanilang mga komunidad.
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.