Mahigpit na binatikos ng Partido Komunista ng Pilipinas ang arbitraryong pagtatapos ng rehimeng US-Duterte sa usapang pangkapayapaan sa pagitan nito at ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) noong Nobyembre. Basta na lamang isinantabi ni Rodrigo Duterte ang ilang buwang negosasyon ng magkabilang panel na nagresulta na sa ilang komun na borador.
Kabilang sa mga ito ang 1) general amnesty at pagpapalaya sa lahat ng mga bilanggong pulitikal; 2) koordinadong pagpapahayag sa kautusan ng “stand down” para sa unilateral na mga tigil-putukan at 3) paunang balangkas sa repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon sa ilalim ng CASER.
Walang tigil ang pagsasalita ni Duterte laban sa peace talks at sa rebolusyonaryong kilusan, kahit sa mga panahong nakikipag-usap ang kanyang panel. Hindi niya iginalang ang napagkasunduang hindi muna isasapubliko ang mga pagpupulong at basta na lamang pinauwi ang kanyang mga negosyador na nasa Norway para ituloy na sana ang naunsyaming panglimang round na nakatakdang ilunsad noong Nobyembre 25-27. Noong Nobyembre 23, inilabas niya ang Proclamation 360 na pormal na nagtapos sa pakikipagnegosasyon ng kanyang rehimen sa NDFP.
Kasama sa winakasan ni Duterte ang nagpapatuloy na mga pagsisikap para magbuo ng kasunduan sa mga reporma sa pulitika at konstitusyon. Ayon kay Jose Maria Sison, senior consultant ng NDFP negotiating panel, ayaw ni Duterte na masiyasat sa negosasyon ang mga tipo ng mga pagbabago na nais niyang gawin sa konstitusyong 1987. Sa halip, walang tigil ang kanyang pagmamaniobra para ilusot ang kanyang tipo ng pederalismo na magbibigay daan sa kanyang pagsosolo sa kapangyarihan at magpapalawig ng kanyang termino. Nais niyang tularan ang dating diktador na si Marcos na bumaklas ng konstitusyong 1935 para ipataw ang pasistang diktadura sa bayan.
Ayon pa kay Sison, pinapangarap ni Duterte na ipatupad ang pederalismong labis-labis na magsesentro ng kapangyarihan sa kanya, isang diktador na mangingibabaw sa mga rehiyunal na sentro. Ang pederalismong ito ay magpapalakas ng mga rehiyunal na gubyerno, na pinagpupugaran ngayon ng mga dinastiya at warlord.
Wawaldasin ng pambansang estado ang rekurso na dapat nakalaan sa sentralisadong pagpaplano sa pagtatayo at pagpapalobo ng mga rehiyunal na pamahalaan. Kasabay nito ang pagpapalaki ng mga mapaniil na instrumento ng estado, katulad ng pulis at militar. Magpapalubha ito ng korapsyon at karahasan sa lahat ng antas. Sa pamamagitan ng mga rehiyunal na mga pamahalaan, maaari nang pabilisin ang pagluluwag ng mga restriksyon sa dayuhang pamumuhunan, katulad sa mapangwasak na industriya ng pagmimina at komersyal na plantasyon.
Sa ngayon, ginagamit ni Duterte ang panawagang pederalismo para udyukan ang paghihiwalay ng ilang rehiyon sa Mindanao. Ito ay para paamuin ang nag-aaklas na mga armadong grupong Moro at papaniwalain silang maipapasa at maipatutupad ang Bangsamoro Basic Law na naggagawad ng limitadong awtonomiya sa mga rehiyon at prubinsyang Moro.
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.