Sunday, December 10, 2017

CPP/Ang Bayan: 8 Lumad na nagtatanggol sa lupa, pinatay

Propaganda article from the Tagalog language edition of the CPP online publication Ang Bayan (Dec 7): 8 Lumad na nagtatanggol sa lupa, pinatay

WALONG LUMAD na nagtatanggol ng kanilang lupang ansestral laban sa pang-aagaw ng kumpanyang DMCI ang pinatay ng 27th IB at 33rd IB noong Disyembre 3 sa Sityo Datal Bonglangon, Barangay Ned, Lake Sebu, South Cotabato.

Ang mga biktima ay pawang kasapi ng T’boli-Manobo S’daf Claimants Organization. Kamakailan lamang ay ibinasura ng gubyerno ang kanilang demanda at kinatigan ang DMCI sa pagkamkam ng kanilang lupain sa ngalan ng Integrated Forestry Management Agreement (IFMA).

Ayon sa NDF-Far South Mindanao Region, pinuntahan ng mga sundalo ang komunidad ng mga Lumad at walang habas na pinaputukan ang bahay ni Datu Victor Danyan Sr. Nagdepensa ang mga residente gamit ang kanilang mga shotgun at iba pang katutubong sandata.

Namatay sa pagtatanggol sina Datu Victor Danyan Sr., Victor Danyan Jr., Artemio Danyan, Pato Celardo, To Diamante, Bobot Lagase at Mateng Bantal. Maraming iba pa ang sugatan kabilang ang isang menor de edad. Tatlong sundalo ang napatay habang tatlo ang nasugatan.

Nagpadala ang BHB-Mt. Daguma Operations Command ng isang yunit upang sumaklolo sa mga residente. Nakalaban nila ang isang kolum ng kaaway may isang kilometro ang layo sa komunidad.

Dagdag pa ng NDF-FSMR, nang hapon ding iyon ay 15 ulit na kinanyon ng AFP ang lugar. Daan-daang pamilyang T’boli at Dulangan Manobo ang sapilitang lumikas.

Ang DMCI ay pagmamay-ari ng pamilyang Consunji, isa sa malapit na kroni ni Duterte at ng mga Marcos. Ang malawakang pagtotroso ng DMCI ang umagaw sa malalawak na lupaing ninuno ng mga Lumad at kumalbo sa mga kagubatan ng South Cotabato, Cotabato, Sultan Kudarat at Sarangani.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/201712-8-lumad-na-nagtatanggol-sa-lupa-pinatay/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.