NDF Bicol propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines Website (Oct 16): Hinggil sa Pagdalaw ni Duterte sa Rehiyon
Maria Roja Banua, Spokesperson
NDFP Bicol Region (Region V)
16 October 2017
Hindi palakpak kundi matinding protesta ang sasalubong sa pasistang diktador na si Duterte sa okasyon ng kanyang pagdalaw sa Camarines Sur bukas, Oktubre 17. Kasabay ng malawak na mamamayang Bikolnon ang NDF-Bikol sa paniningil at pagpapanagot kay Duterte at kanyang mga kasapakat sa gubyerno sa kanilang mga krimen laban sa mamamayan.
Sa ilalim ng kontra-mamamayang tripleng gera ni Duterte, daan-daang libong Pilipino ang pinapatay ng mga ahente ng estado araw-araw habang milyun-milyon pang iba ang nawawalan ng tirahan at kabuhayan. Ang mas masahol pa, kinukundisyon ng rehimeng US-Duterte ang masang isiping katanggap-tanggap ang walang katuturan at lantarang brutalidad ng estado laban mismo sa kanila. Sa ngalan ng kapangyarihan ay nagkakandarapa ang mga kapartido ni Duterte na ilako ang mga kontra-mamamayan at tiranikong hakbangin ni Duterte. Samantala, ang sinumang nagpapahayag ng pagtuligsa o kasalungat na ideya ay binabansagang mga terorista at bahagi ng planong ‘destabilisasyon ng gubyerno’.
Subalit anumang pambabrasong gawin ng kampo ni Duterte – mula sa pananakot at pambabanta hanggang sa panunugis at pagpatay, malinaw sa mamamayan ang katotohanang walang makabuluhang pagbabagong dala ang paghahari-harian ni Duterte. Sa kabila ng kanyang nagtatapang-tapangang postura, nangangatog ang kanyang mga tuhod sa nagbabantang pagdaluyong ng kilusang masang sisingil sa lahat ng krimen ng kanyang rehimen. Kung kaya naman nagkakandarapa siya ngayon na tipunin ang kanyang mga kaalyado. Lantaran na niyang ipinapahayag ang kanyang pagpapaalipin sa imperyalistang US sukdulang bawiin lahat ng hungkag na pang-uupat niya rito noon kapalit ng suporta nito. Sa katunayan, ang tunay na layunin ng kanyang pagdalaw sa rehiyon ay ang konsolidahin ang kanyang pwersa at matiyak ang suporta ng kanyang mga tuta sa gubyerno.
Ngunit hangal si Duterte kung inaakala niyang makukuha niya ang suporta ng mga Bikolano sa kanyang kontra-mamamayang gera. Magpapatuloy at higit pang paiigtingin ng Bagong Hukbong Bayan ang mga taktikal na opensiba sa buong rehiyon kahit matapos ang pagdalaw ni Duterte upang singilin ang taksil niyang rehimen. Bibiguin ng rebolusyonaryong kilusan at ng mamamayan ang hangad nitong manatili sa kapangyarihan sa pamamagitan ng kamay na bakal at pambubusabos sa buhay at karapatan.
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.