Sunday, September 10, 2017

CPP/Ang Bayan: Editorial - Ihiwalay at labanan ang rehimeng US-Duterte

Propaganda editorial from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Sep 7): Editorial - Ihiwalay at labanan ang rehimeng US-Duterte



Mabilis na naiipon ang galit ng sambayanang Pilipino kay Rodrigo Duterte sa patuloy na pagdanak ng dugo sa ilalim ng kanyang mapaniil na paghahari.

Sinasakdal nila si Duterte sa sunud-sunod na pagpatay ng kanyang mga armadong utusan sa mga kabataan nitong nagdaang mga araw: sina Kian delos Santos, 17, Carl Angelo Arnaiz, 19 taon at Reynaldo de Guzman, 14, na pawang pinahirapan at pinatay sa saksak at pagbaril ng mga pulis sa ilalim ng “gera kontra-droga;” at si Obillo Bay-ao, 19, kabataang Lumad mula sa Talaingod, Davao del Norte na binaril at pinatay ng mga pwersang paramilitar.

Sinasakdal ng sambayanan si Duterte sa libu-libong buhay na kinitil sa tatlong gerang kanyang pinasimulan: ang Oplan Tokhang na “gera kontra droga,” ang Oplan Kapayapaan na gerang panunupil at batas militar sa Mindanao at ang gerang kontra-Moro at pagwasak sa Marawi. Kinasusuklaman ng bayan ang tila walang-katapusang pagbibigay ni Duterte ng proteksyon at pabuya sa mga pulis at sundalo na bulag na nagpapatupad ng kanyang utos ng pagpatay.

Duguan ang kamay ni Duterte sa kanyang mga gera ng pagpatay at pagwasak. Naninibasib ang kanyang mga sundalo at pulis. Sa nakaraang dalawang linggo, halos 20 ang pinatay sa ilalim ng Oplan Kapayapaan. Walang-habas ang pamamaslang ng mga pulis sa ilalim ng Oplan Tokhang. Walang-habas pa rin ang gera ng AFP sa Marawi na mahigit 100 araw na nitong kinubkob.

Suyang-suya na ang taumbayan sa paulit-ulit, mapang-uyam at bilib-sa-sariling mga talumpati ni Duterte. Mabilis na naglalaho ang bisa ng kanyang mga pagkukunwari, palabas at asta sa harap ng kongkretong mga hakbangin, patakaran at programang pumipinsala sa interes ng bayan at nang-aapi sa mahihirap.

Nagtetengang kawali si Duterte. Bingi siya sa taghoy ng Marawi at mamamayang Moro, sa pananangis ng mga ama’t ina ng dumaraming kabataang pinatay ng mga pulis, sa hiyaw ng mga pambansang minorya at mga magsasaka laban sa militarisasyon at panunupil, sa malawakang sigaw kontra sa paghuhulog ng bomba, sa daing ng mga maralitang lunsod, manggagawa, mga kabataan at iba pang uri at sektor laban sa pang-aapi at pagsasamantala.

Lalong tumitindi ang pagkamuhi ng bayan sa rehimeng Duterte at mga patakaran nitong mapaniil katulad ng itinutulak nitong National ID system, batas sa pagsupil sa pamamahayag at pag-amyenda sa konstitusyon para lalong mamonopolyo ni Duterte ang kapangyarihang pampulitika. Ibayong pang-aapi ang daranasin ng mga manggagawa sa planong ibasura ang 8-oras na arawang trabaho.

Dapat puspusang kumilos ang mga pwersang pambansa-demokratiko para palawakin at patatagin ang mga organisasyong masa at buuin ang pinakamalapad na bukluran ng sambayanan at ihiwalay at labanan ang rehimeng US-Duterte, ang tatlong gera nito at ang iba’t ibang patakaran at programa nitong maka-imperyalista, kontra-mamamayan at kontra-demokratiko.

Bawat usaping kinakaharap ng mamamayan sa ilalim ng rehimeng Duterte ay nagtutulak sa kanila na magbuklod sa iba’t ibang anyo ng malalapad na alyansa. Mapalalahok sa mga alyansang ito ang iba’t ibang mga pwersa at pulitikong karibal ni Duterte. Higit dito, dapat abutin, pakilusin at buklurin ang iba’t ibang samahan o asosasyon sa mga paaralan, sa mga komunidad, parokya, barangay, sa mga upisina, at iba pa.

Kaliwa’t kanan ngayon ang pagtutol sa “gera kontra-droga” ni Duterte at sa mga pagpatay at abuso ng mga pulis. Tumitindig ang iba’t ibang personahe, sektor, mga organisasyon at institusyon. Ang mga organisasyon ng mga kabataan sa mga komunidad at paaralan ay naghihintay ng magbubuklod sa kanila sa isang malawak na samahan laban sa Oplan Tokhang at mga abusong pulis at para sa komprehensibong solusyong panlipunan at pang-ekonomya sa problema ng droga.

May batayan din para buuin ang malapad na pagkakaisa laban sa Oplan Kapayapaan at gerang anti-Moro at mga hakbanging mapaniil tulad ng National ID. Dapat magkaisa rin para labanan ang pagsupil sa karapatan sa pamamahayag sa tabing ng pagkontrol sa pekeng balita. Dapat ding malawakang pagkaisahin ang masang manggagawa para ipagtanggol ang karapatan sa 8-oras na araw ng pagtatrabaho, para sa regularisasyon at umento sa sahod.

Dapat magkaisa rin ang iba’t ibang pwersa laban sa mga hakbangin ni Duterte para supilin ang kanyang mga karibal sa pulitika (pagkukulong, pagpapatalsik sa pwesto o pagpatay) at para monopolisahin ang kapangyarihang pampulitika sa anyo ng pagbabago sa konstitusyon sa ngalan ng “pederalismo.”

Ang pinaiiral ni Duterte na klima ng sindak at takot ay unti-unting pinangingibabawan at iwinawaksi ng mamamayan. Sa tindi at lawak ng pagkasuklam sa rehimeng US-Duterte, milyun-milyong mamamayan ang naghihintay ng pagkakataong makipagkaisa at kumilos upang ipamalas ang kanilang paninindigan laban sa pasista, kontra-mamamayan at kontra-demokratikong rehimen.

[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info.  Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]

https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20170907-ihiwalay-at-labanan-ang-rehireng-us-duterte/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.