NPA-Southern Tagalog propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines Website (Jul 6): Papanagutin ang rehimeng Duterte sa kanilang krimen laban sa mamamayang Moro
Jaime “Ka Diego” Padilla, Spokesperson
NPA-Southern Tagalog (Melito Glor Command)
6 July 2017
Hindi matatapatan ng anumang limos mula sa reaksyunaryong gobyerno ang pinsalang idinulot ng inilunsad nitong gera laban sa mamamayang Moro sa Marawi City, at sa buong Mindanao. Nagsilbing panakip-butas lamang ang P25 bilyong proyektong rehabilitasyon na hinding-hindi kailanman sasapat para sa mga buhay na kinitil, sa pinsalang sikolohikal at emosyonal sa mamamayan, at sa mga ari-arian at imprastrakturang winasak ng karahasan ng berdugong Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa ngalan ng Martial Law at gera-kontra-terorismo.
Hindi kayang tumbasan ng pera ang pait at poot na dinanas ng mamamayan, lalo ng mamamayang Moro, sa paulit-ulit na panganganyon at pambobomba ng AFP at PNP sa siyudad ng Marawi. Labis-labis na pagdurusa ang sinapit nila sa kamay ng mga mersenaryo. Nagtitiis rin ang mga nadisloka sa mga evacuation center na lalong nagpahirap sa kanilang abang kalagayan, habang tumatanggap naman ang rehimeng Duterte ng samu’t saring tulong mula sa iba’t ibang mga organisasyon at bansang nakikisimpatiya sa kaguluhan.
Habang patuloy na nagdarahop ang mamamayan sa kakulangan ng suplay at tulong, ginagawa namang negosyo ng mga kurap na opisyales at ahensya ng gobyerno ang mga donasyon at hindi buong tinutugunan ang daing ng mamamayan. Matatandaan ang saku-sakong bigas na nakalaan sana sa mga biktima ng kalamidad subalit hindi na napakinabangan ng mamamayan dahil nabulok at nasayang na ang mga ito bunsod ng pagtatago ng National Food Authority (NFA) sa suplay.
Kita rin ang mabagal na pag-usad ng pagtitiyak at pangangalaga sa kalusugan ng mga biktima. Ilang mga residente na ang namamatay, kabilang ang mga bata, dahil sa hindi magandang kalagayan sa evacuation centers at sa kakulangan ng pagkain at gamot.
Samantala, pinaglalawayan ng malalaking burgesya kumprador at mga dayuhang negosyante ang malaking ganansyang mahuhuthot sa mga programang rehabilitasyon at pagtatayo ng mga imprastraktura sa Marawi City. Pagkakagastusang muli ito ng reaksyunaryong gobyerno gamit ang pondong nagmula sa pera ng mamamayan. Ipapapasan muli ng rehimeng Duterte sa mamamayang Pilipino ang mataas na buwis upang maging puhunan ng pagtatayo ng mga istruktura matapos gamitin ang pera ng mamamayan sa pagbili ng mga bala at armas ng militar at pulis na ginamit rin sa pagwasak ng Marawi City.
Habambuhay nang nakatatak sa kamalayan ng mamamayang Moro at buong sambayanang Pilipino ang pagwasak at pinsalang idinulot ng digmang inilunsad ng rehimeng Duterte sa ngalan ng gera-kontra-terorismo ng imperyalismong US. Higit pa sa rehabilitasyon at sa pagtatayo ng mga imprastraktura, magiging ganap lamang ang pagbangon ng Marawi City, ng mamamayang Moro at buong sambayanan kung maisusulong ang pakikibakang Moro para sa sariling pagpapasya at ang pakikibaka ng buong bayan para sa demokratikong karapatan at hustisyang panlipunan.
Kailangang magkaisa ng mga Moro at mamamayang Pilipino sa paglaban sa karahasan ng estado. Paigtingin ang pakikibaka upang wakasan na ang Martial Law sa Mindanao, palayasin ang AFP at mga sundalong Amerikano sa Marawi at sa buong bansa, at papanagutin si Duterte, ang US at AFP sa kanilang mga krimen laluna laban sa mamamayang Moro.
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.