Ang Bayan Editorial posted to the Communist Party of the Philippines Website (Jul 7): Mariing labanan ang mga kontra-nasyunal at kontra-mamamayang patakaran ng rehimeng Duterte
Ang Bayan, Editorial
Communist Party of the Philippines
7 July 2017
Sasalubungin ng malalakas na protestang bayan at malalaking pagkilos ng mga manggagawa, magsasaka, maralitang lunsod, katutubo, mamamayang Moro at iba pang demokratikong uri ang pangalawang SONA (state of the nation address o talumpati sa kalagayan ng bansa) ni Pres. Rodrigo Duterte ng GRP sa Hulyo 24.
Kumukulo ang natipong galit ng malawak na sambayanan sa isang mapagkunwaring rehimen na tumalikod sa kanyang mga pangako at malinaw na tumutungo sa pagiging kontra-mamamayan, lantay pasista, at sunud-sunuran sa US. Hindi gumiginhawang pamumuhay at lumalalang panunupil: ito ang tunay na kalagayan ng bansa.
Kailangang bigyang direksyon ng mga rebolusyonaryong pwersa ang galit ng mamamayan para sa paggiit ng interes ng bayan at pagsingil sa rehimeng Duterte. Bigkisin sila sa isang malapad na alyansa ng mga manggagawa, magsasaka, mga katutubo, mamamayang Moro at sa iba pang sektor ng lipunan tulad ng mga personahe at taong-simbahan, mga nasa akademya, masmidya, iba pang propesyunal at mga negosyanteng makabayan.
Ipaglaban ang mga batayang kagalingan at karapatan ng masang anakpawis. Dapat lamang na igiit ng mga manggagawa ang pagwawakas sa kontraktwalisasyon, pagkakaroon ng matino at tiyak na trabaho, pagtaas ng sahod, kaligtasan sa lugar ng paggawa, at pagtigil sa patakaran ng pag-eksport ng paggawa. Dapat ding itulak ng mga magsasaka ang kahingian sa lupang sakahan at ng maralitang lunsod sa disenteng trabaho’t pabahay. Dapat ding igiit ng mga katutubo ang katiyakan sa kanilang lupang ninuno at karapatan sa sariling pagpapasya laban sa mga proyektong ineengganyo ni Duterte na maramihang magtataboy sa kanila mula sa lupa. Igiit ang pagkilala at paggalang sa karapatan sa sariling-pagpapasya ng mamamayang Moro.
Sa ilalim ng kanyang makadayuhang neoliberal na 10-puntong programang sosyo-ekonomiko, lalong lumalala ang dominasyon ng imperyalismong US at lokal na naghaharing malalaking kumprador, asendero at burukratang kapitalista sa lipunang Pilipino.
Anumang natamasang pakinabang ng mamamayan nitong nakaraang taon ay bunga pangunahin ng kanilang mga pakikibaka at suporta ng mga progresibo sa loob at labas ng gubyernong Duterte. Ang mga kontraktwal na manggagawa ay naging regular dahil sa kanilang mga welga o sama-samang pagkilos at pakikibaka ng unyon sa collective bargaining. Nagkaroon ng bahay ang mga maralitang lunsod sa sama-samang okupasyon sa nakatiwangwang at nabubulok nang pabahay sa Bulacan. Maging ang ilang bahagi ng mga asyenda at plantasyong napakinabangan ng mga magsasaka ay napasok nila sa pamamagitan ng ngipin-sa-ngiping laban kahit ang mga ito ay itinakda na ng batas para sa kanila.
Kundenahin ang pamamahalang kamay-na-bakal at ipagtanggol ang karapatan ng mamamayan laban sa panunupil. Dapat isigaw ang pagtigil sa todo-gera ng Oplan Kapayapaan na nagwawasiwas ng pasistang karahasan laban sa rebolusyonaryong kilusan at mamamayan sa kanayunan. Igiit ang pag-aalis ng batas militar sa Mindanao, pagtigil sa pambobomba sa Marawi at mabangis na pagsugpo sa pakikibakang Moro para sa sariling-pagpapasya. Singilin ang gubyerno ng hustisya para sa mga biktima ng karahasan ng AFP at PNP at danyos sa napinsalang mamamayan at kanilang mga ari-arian dulot ng pambobomba at pandarahas ng AFP sa Marawi at iba pang bahagi ng Mindanao.
Dapat kundenahin ang lansakang paglabag sa mga karapatang-tao at sibil at pagsira ng GRP sa usapang pangkapayapaan sa NDFP. Ilantad at labanan ang madugong gera kontra-droga. Higit sa lahat, labanan ang nagbabadyang banta ng paghaharing militar sa buong Pilipinas. Nagbigay ng puwang ang rebolusyonaryong kilusan upang patunayan ni Duterte ang mabuting intensyon sa isang di-pormal na alyansa para sa kapayapaan at kaunlaran ng bayan, batay sa halos tatlong dekadang pakikipagkaibigan niya sa rebolusyonaryong kilusan sa Mindanao noong alkalde pa siya ng Davao City.
Seryoso ang rebolusyonaryong kilusan na nakikipag-usapang pangkapayapaan. Nagpakita ito ng kabutihang-loob nang pinalawig hanggang anim na buwan ang pansamantalang unilateral na tigil-putukan (Agosto 2016–Pebrero 2017), ang pinakamatagal sa kasaysayan ng rebolusyonaryong kilusan. Subalit pinatutunayan ng apat na round ng usapang pangkapayapaan na interesado lamang ang GRP sa pagsuko ng BHB sa pamamagitan ng pagpilit ng kasunduang bilateral ceasefire at hindi sa paglutas sa ugat at mga dahilan ng gera sibil sa Pilipinas.
Ang pagpapailalim ng buong Mindanao sa batas militar at ang nauna pang deklarasyon ng todo-gera laban sa mga rebolusyonaryong pwersa kasabay ng pagpapaganit sa usapang pangkapayapaan ay maliwanag na indikasyon ng pagiging sunud-sunuran ng gubyernong Duterte sa imperyalismong US. Ginagamit ng AFP ang batas militar sa Mindanao upang lalong makabwelo ang mabangis na todo-gera” at “pagpatag ng bundok” ni Duterte laban sa rebolusyonaryong pwersa sa Mindanao at palawakin ito sa Visayas at Luzon. Tunay na target ng batas militar na ito ang lumalakas na rebolusyonaryong armadong pakikibaka at ang muling sumiklab na armadong pakikibakang Moro para sa sariling pagpapasya.
Hibang ang madugong kampanyang kontra-droga ni Duterte. Tumatarget ito sa karaniwang gumagamit at nagtutulak ng droga habang libre ang malalaking druglord at utak ng mga sindikatong kriminal na nasa AFP-PNP at burukrasya. Tampok din ang paggamit ng terorismo ng estado laban sa ligal na demokratikong kilusan at mga rebolusyonaryo at ibang mga ligal na oposisyon.
Kasabay ng malawakang hayag na pagkilos laban sa tumitinding panunupil, dapat paigtingin ang armadong pakikibaka upang ipagtanggol ang rebolusyonaryong pwersa at mamamayan laban sa batas militar at pasismo. Dapat magsagawa ng mga taktikal na opensiba ang BHB sa buong bansa at higit na palakasin ang Bagong Hukbong Bayan sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan.
Singilin si Duterte sa kanyang mga buladas ng nagsasariling patakarang panlabas. Igiit ang kagyat na pagbabasura sa Enhanced Defense Cooperation Agreement at iba pang di-pantay na kasunduang militar. Ang mga anti-US na pambobola ni Duterte ay nakatuon lamang sa pagpapalawak ng mapagkukunan ng utang at armas sa China at Russia at hindi sa paglansag sa dominasyon ng US sa bansa. Wala ni isa sa mga di-pantay ng tratado sa US ang pinawi ni Duterte. Nananatili sa lupa ng Pilipinas ang tropang militar nito. Tuluy-tuloy nilang itinatayo ang di-kukulangin sa anim na pasilidad-militar sa loob ng mga kampo ng AFP, inilulunsad ang 257 pagsasanay militar at nagpapalayag ng mga barko de gera ng US sa karagatan ng Pilipinas sa patuloy na pagmilitarisa sa South China Sea.
Pinahintulutan ni Duterte ang paglipad ng mga spy drone at P3-Orion spy aircraft ng US para sa elektronikong sarbeylans, pag-ipon ng mga impormasyong paniktik, at pagsuporta sa operasyong kombat ng AFP, laluna sa Marawi. Nakabuslo ngayon ang kanyang gerang “kontra-terorismo” sa pandaigdigang gera laban sa terorismo ng US. Sa gayon, lalong bumubwelo ang pakikialam ng US sa mga panloob na usapin sa bansa. Nagiging kasapakat siya ng say-ops ng US sa pagpaypay ng Islamophobia, gerang relihiyon at multo ng ISIS sa Pilipinas. Naitutulak at naihuhulma ng US sa kanyang gusto ang pagkahilig ni Duterte sa paghaharing kamay-na-bakal.
Higit na pinalulubha ni Duterte ang panlipunang krisis ng malakolonyal at malapyudal na sistema ng Pilipinas. Sa malao’t madali ay sisiklab ang krisis pampulitika. Sa gitna ng nagpapatuloy na paglubha ng krisis sa lipunan at ekonomya ng Pilipinas at ng matagal nang depresyon ng pandaigdigang sistemang kapitalista, walang ibang masusulingan ang mamamayan kundi ang makibaka at isulong ang kanilang pambansa-demokratikong adhikain at ang maglunsad ng papalakas na mga pakikibakang masa.
https://www.philippinerevolution.info/statements/20170707-maxadrixading-laxadbaxadnan-ang-mga-kontra-naxadsyuxadnal-at-kontra-maxadmaxadmaxadyang-pax
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.