Thursday, May 11, 2017

CPP/Ang Bayan: Pagtanggal kay Gina Lopez, umani ng batikos

Propaganda article from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (May 7): Pagtanggal kay Gina Lopez, umani ng batikos

UMANI NG kabi-kabilang batikos ang pagbasura ng Commission on Appointments ng Kongreso sa pagkakatalaga kay Regina Lopez bilang kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR). Gumamit ang malalaking kumpanya sa pagmimina ng milyun-milyong piso at impluwensya sa kongreso para tiyaking hindi maipagpapatuloy ang kanyang mga maka-kalikasan at maka-mamamayang patakaran sa DENR.

Ang pagbabasura ay resulta ng ilang buwang kampanya ng mga kumpanya sa pagmimina para tanggalin siya sa pwesto. Kabilang sa mga ipinalaganap ng mga upisyal at propagandista nito ang kunwa’y pagkalugi ng mga lokal na gubyerno kung isasara ang mga mina at pagkawala ng trabaho ng libu-libong manggagawa sa mga minahan. Magugutom diumano ang milyong mamamayang nakaasa sa pagmimina at gagastos lamang ng malaki ang gubyerno dahil tiyak na makikipagpukpukan sa korte ang mga kumpanya sa pagmimina sa korte laban sa mga kautusan ni Lopez.

Ang mga pagdadahilan na ito ay paulit-ulit nang napabubulaanan ng mismong mga estadistika ng gubyerno. Maliit, kundiman di-signipikante, ang naiaambag ng pagmimina sa pambansang produksyon at empleyo. Mas malaki pa ang naiaambag ng mga sektor na sinasalanta nito, tulad ng agrikultura at turismo. Gayundin, walang katotohanang may naiaambag ang mga ito sa kani-kanilang mga lokalidad sa pagkontra sa kahirapan.

Isang halimbawa ang kontribusyon ng Surigao Chamber of Commerce and Industry na ipinagmamalaking umaabot sa 32.5% ng lokal na GDP. Pero ayon sa pananaliksik ng Ibon Foundation, ang halagang ipinapasok nito sa lokal na gubyerno ay hindi nagbunsod ng pagtaas ng kalidad ng pamumuhay ng mamamayan. Katunayan, ang CARAGA, na may pinakamaraming minahan, ang pangalawa sa may pinakamaraming naghihirap sa buong bansa. Umaabot sa 40% ng mamamayan rito ang maituturing na naghihirap.

Sa pagkakatanggal kay Lopez sa DENR, nawalan ang mamamayan at rebolusyonaryong kilusan ng isang kaibigan sa GRP na handang ipagtanggol ang kalikasan at kabuhayan ng mamamayan. Gayunpaman, habang ipinagpapatuloy ang laban para rito, magiging kaibigan siya ng mamamayang Pilipino at ng pambansa-demokratikong kilusan.

Tinitiyak ng PKP sa mamamayan na magpapatuloy ito at ang Bagong Hukbong Bayan sa pagtatanggol sa mamamayan at kapaligiran na sinasalanta ng mapangwasak na pagmimina.

[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info.  Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]

https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/2017may07-pagtanggal-kay-gina-lopez-umani-ng-batikos/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.