Propaganda article from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (May 7): Paigtingin ang mga pakikibakang magsasaka
Mistulang inendorso ni Pres. Rodrigo Duterte ng GRP ang sama-samang mga pagkilos kamakailan ng mga magsasaka at manggagawang bukid para angkinin ang kanilang lupa nang magbanta siya sa mga “oligarko” na, kung matapos nang tatlong buwan ay hindi sila magbabayad ng buwis, mananawagan siya sa bayan na sakupin ang kanilang mga lupain.
Nasa kay Duterte ang pagpapatunay na hindi hungkag ang kanyang mga salita. Dapat niyang isagawa ang kongkretong mga hakbang upang ipakita na hindi siya sumasakay lamang sa hinaing at hangarin ng bayan. Sa harap ng kabi-kabilang mga pakikibakang magsasaka sa buong bansa, dapat niya itong pangatawanan hindi matapos ang tatlong buwan kundi kaagad-agad.
Dapat pangalanan at tukuyin ni Duterte ang binabatikos niyang mga oligarko at ang mga lupang pampubliko na iligal nilang sinasakop.
Dapat rin niyang matanto na ang usapin ng tunay na reporma sa lupa ay hindi nalilimita sa mga pampublikong lupa. Ito ay usapin ng pagpapalaya sa milyun-milyong magsasaka mula sa pang-aaping pyudal at malapyudal sa pamamagitan ng pagbabaklas ng mga monopolyo sa lupa ng malalaking asyenda at plantasyon. Karamihan sa mga ito’y hindi lupang pampubliko kundi mga malalawak na lupaing agrikultural na pwersahang inagaw mula sa masang magsasaka.
Sa ngayon, hindi nakikita ng masang magsasaka na ginagamit ni Duterte ang kanyang kapangyarihan para kongkretong tulungan ang kanilang mga pakikibaka. Hindi pa siya nakikitang nagbibigay ng mapagpasyang suporta pabor sa mga magsasaka laluna sa pagharap nila sa mga nagmamatigas na malalaking panginoong maylupa at may-ari ng plantasyon na sumakop sa kanilang lupa. Ito ay kahit pa mayroon nang utos ng korte o ahensya ng GRP na isailalim ito sa reporma sa lupa at ipamahagi ito sa mga magsasaka.
Nito lamang nagdaang mga linggo, naging tampok ang inilunsad na mga aksyong masa sa mga plantasyong hawak ng Lapanday ng mga Lorenzo sa Davao Norte at sa Hacienda Luisita ng mga Cojuangco (kasosyo rin ang mga Lorenzo) sa Tarlac. Kapwa sa Luisita at Lapanday, hawak ng mga magsasaka at manggagawang bukid hindi lamang ang katwiran, kundi maging ang mga ligal na papeles ng GRP na sumusuporta sa pag-angkin nila sa lupa.
Nabigo ang mga magsasaka ng Luisita at Lapanday na makapwesto sa kanilang lupa. Dismayado sila sa kulang na kulang na suporta ni Duterte. Sa Lapanday, tumunganga lamang ang lokal na pulis at walang ginawa sa harap ng 700 armadong gwardya na ginamit ng mga Lorenzo para pigilan silang angkinin ang kanilang lupa, kahit pa kasama na nila si Sec. Paeng Mariano ng DAR. Mga armadong gwardya rin ng RCBC ang humahadlang sa pagpasok ng mga magsasaka at manggagawang bukid sa kanilang lupa sa Barangay Balete sa Hacienda Luisita.
Idinidiin lamang ng mga karanasang ito na dapat pag-ibayuhin pa ng masang magsasaka ang kanilang pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa sa ilalim ng rehimeng Duterte. Nananawagan ang Partido sa masang magsasaka na paigitingin ang kanilang mga pakikibaka para igiit ang pagbabaklas ng Hacienda Luisita at lahat ng iba pang mga asyendang pyudal at mga plantasyon. Dapat ring paigtingin ang kanilang kolektibong paglaban upang ibasura ang lahat ng tinaguriang “agribusiness venture agreement” at iba pang mga iskema na humahadlang sa mga magsasaka na pusisyunan, kontrolin at pakinabangan ang kanilang lupa.
Dapat rin silang makibaka upang makabalik sa mga lupang inagaw sa kanila tulad sa Hacienda Looc at Yulo King Ranch. Dapat isulong ang pakikibaka sa mga lupang may bungkalan para igiit ang kanilang karapatan sa lupa.
Sa mga lugar na nasa ilalim ng kapangyarihan ng demokratikong gubyernong bayan, ipagpapatuloy ng mga rebolusyonaryong pwersa ang pagtupad sa minimum at maksimum na programa sa reporma sa lupa. Binubuo sa lahat ng lugar sa kanayunan ang Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid (PKM) upang buklurin ang mga walang lupa o kulang sa lupang mga mahihirap at panggitnang magsasaka. Ang PKM at mga kaanib nitong organisasyon ang pangunahing pwersa ng kilusan para sa tunay na reporma sa lupa. Kasama ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) inilulunsad nila ang rebolusyong agraryo upang ibagsak at wasakin ang kapangyarihang pyudal ng mga despotikong panginoong maylupa at patuloy na itayo at palaganapin ang demokratikong gubyernong bayan sa antas baryo, interbaryo o munisipal, distrito pataas.
Bahagi ng pagsusulong ng rebolusyong agraryo ang paglulunsad ng mga armadong hakbangin laban sa mga despotikong panginoong maylupa at mandarambong at mang-aagaw ng lupang mga burgesyang kumprador, katulad ng inilunsad ng BHB laban sa mga Lorenzo. Layunin ng gayong mga hakbangin ang idiin sa mga tulad ni Lorenzo na may katapat na parusa ang ginagawa nilang walang pakundangang paglupig, pagsasamantala at pang-aapi sa mga magsasaka, manggagawang bukid at mga manggagawa. Hangga’t kakayanin, ilulunsad ng BHB saanman ang mga hakbangin laban sa malalaking despotikong panginoong maylupa at burgesyang kumprador bilang pagsuporta sa pakikibaka ng masang magsasaka.
Ipagpapatuloy ng demokratikong gubyernong bayan ang pagpapatupad ng programa sa tunay na reporma sa lupa bilang pagtugon sa pangunahing kahilingan at pangangailangan ng masang magsasaka. Ang pagsasakatuparan ng tunay na reporma sa lupa ang pangunahing dahilan kung bakit patuloy na lumalapad at lumalalim ang suporta ng masa sa kanilang rebolusyonaryong gubyerno. Sa ilalim ng programa sa reporma sa lupa, isinasakatuparan ang mga hakbangin para sa libreng pamamahagi ng lupa saan man ito kakayanin pati na ang pagtatanggol sa lupaing ninuno ng katutubong mamamayan. Ipinatutupad rin ang patakaran para ibaba ang upa sa lupa, ibaba ang interes sa pautang, itaas ang produksyon at kita ng mga magsasaka. Kaakibat din isinasagawa ang mga programa para sa literasi at edukasyon, kalusugan at iba pang serbisyong pampubliko.
Ang usapin rin ng tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon ay kabilang sa mga pangunahing programa na iginigiit ng NDFP sa pakikipag-usapang pangkapayapaan sa GRP. Iginigiit ng mga rebolusyonaryong pwersa na mabuo ang isang kasunduang maglalaman ng komun na programa para sa repormang agraryo at mga repormang sosyo-ekonomiko na ipatutupad nang magkahiwalay o magkasama sa kani-kanyang saklaw ng kapangyarihang pampulitika.
[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info. Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]
https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/2017may07-paigtingin-ang-mga-pakikibakang-magsasaka/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.