Thursday, May 11, 2017

CPP/Ang Bayan: 84 na armas, nasamsam ng BHB

Propaganda article from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (May 7): 84 na armas, nasamsam ng BHB

WALUMPU’T APAT na armas ang nakumpiska ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) mula sa mga aksyong militar nito sa nagdaang dalawang linggo sa mga prubinsya ng Quirino, Cagayan, Iloilo, Bukidnon at sa Davao City.

Sa Davao City, tatlong magkakasabay na armadong aksyon ang inilunsad ng 1st Pulang Bagani Battalion (PBB) ng BHB-Southern Mindanao Region noong Abril 29 laban sa mga armadong tauhan at pasilidad ng panginoong maylupa-kumprador na pamilyang Lorenzo.

Inatake ng mga Pulang mandirigma bandang alas-2 ng madaling araw ang dalawang pabrika at isang rantso ng Lapanday Foods Corporation. Tatlumpu’t siyam na baril ang nakuha mula sa tatlong target na ito, bukod sa iba pang kagamitang militar.

Unang inatake ng 1st PBB ang box plant ng Lapanday Foods Corp. sa Brgy. Mandug. Halos kasabay nito ay ang pag-atake din ng isa pang yunit ng 1st PBB sa Macondray Plastic Plant na pagmamay-ari rin ng pamilyang Lorenzo sa Brgy. Bunawan. Sinilaban ng mga operatiba ng BHB ang dalawang gusali at mga pasilidad ng Lapanday. Pasado alas-3 nang umaga, nireyd ng isa pang yunit ng 1st PBB ang rantso at plantasyon ng mga Lorenzo sa Brgy. Pangyan sa Calinan District.

Ayon kay Ka Rigoberto Sanchez ng BHB-SMR, ipinatupad ng 1st PBB ang hakbangin laban sa kumpanya ng pamilyang Lorenzo na mahaba na ang rekord ng pang-aagaw sa lupa ng mga magsasaka at Lumad, at pagsasamantala sa mga manggagawa. Nagkamal ng yaman ang mga Lorenzo mula sa matinding pagsasamantala at pang-aagaw ng lupa sa maraming panig ng bansa. Ang rantso nito ay kanlungan din mga tauhang sangkot sa mga pagpatay sa mga manggagawa sa plantasyon.

Nitong Abril 21, binayaran ng mga Lorenzo ang 700 armadong tauhan at kinasabwat ang lokal na pulisya upang harangin ang ilandaang magsasaka na kumilos para bawiin ang 145-ektaryang lupaing inagaw ng mga Lorenzo sa Brgy. Madaum, Tagum City. Noong Disyembre 12, 2016, pinagbabaril ng mga tauhan ng pamilyang
Lorenzo ang nagpo-protestang mga magsasaka.

Dagdag pa ng BHB-SMR, walang pakundangang sinisira ng mga kumpanya ng pamilyang Lorenzo ang kapaligiran. Inirereklamo ng mga komunidad sa palibot ng mga plantasyon ang talamak na paggamit ng Lapanday ng aerial spray at nakalalasong mga kemikal.

Humingi naman ng paumanhin ang BHB-SMR sa pamilya ni Larry Buenafe, ang manininda ng isda na aksidenteng tinamaan sa isina-gawang ambus ng BHB sa nag-respondeng mga sundalo. Naka-handa ang BHB-SMR na magbigay ng indemnipikasyon sa pagkamatay ni Buenafe.

Sa Mati City, Davao Oriental, walong armas ang nasamsam ng BHB mula sa mga gwardya ng mapaminsalang kumpanyang Oro Mining Corp. sa Brgy. Macambol noong Mayo 6, ala-6 ng umaga. Nakuha ang dalawang karbin at anim na shotgun. Kinumpiska at sinira din ng mga Pulang mandi-rigma ang siyam na heavy equip-ment ng kumpanya.

Sa Maddela, Quirino, 10 baril ang nasamsam ng BHB sa matagumpay na reyd sa municipal station ng Philippine National Police sa naturang munisipyo noong Abril 30, bandang alas-10 ng gabi. Namatay sa labanan ang upisyal sa paniktik na si PO2 Jerome Cardena.

Sa ulat ng Venerando Villacillo Command, anim na ripleng M16 at apat na pistolang 9mm ang nakumpiska ng mga Pulang mandirigma.

Anim na sandata naman ang nasamsam ng BHB-Cagayan Valley sa pagreyd sa sub-station ng PNP sa Brgy. Annafatan sa bayan ng Amulung West, Cagayan nitong Mayo 4, 5:15 ng hapon. Madaling nasukol ng BHB ang walong pulis na nasa detatsment sa mga oras na iyon. Makataong tinrato ng mga operatiba ng BHB ang dalawang pulis na sumuko at hindi na pinaputukan ang mga tumalilis. Nakumpiska ng mga Pulang mandirigma ang tatlong M16, isang M14 at dalawang pistolang 9mm.

Sa Bukidnon, dinis-armahan ng BHB-South Central Bukidnon (SCB)-North Central Mindanao Region ang Dasia Security Agency sa Purok 17, Hindangon, Poblacion sa Valencia City noong gabi ng Mayo 3. Nakum-piska mula sa ahensya ang dalawang AK-47, isang M16, tatlong shotgun at tatlong .38 kalibreng pistola.
Habang isinasagawa ang reyd, nagtsekpoynt ang isa pang yunit ng BHB-SCB sa kalsada. Nakakumpiska dito ng isang pistolang 9mm mula sa isang pulis.

Noong Abril 28, pitong myembro ng paramilitar ang sumuko sa Section 5 SCB. Dala nila ang pitong armas na kinabibilangan ng isang improvised M79 at mga bala ng grenade launcher, dalawang M14, isang Garand, dalawang shotgun at isang improbisadong M16.

Kinabukasan 7:30 ng gabi, dinisarmahan naman ng Section 3-SCB ang magkapatid na Edgar at Erick Ordinisa sa Nakabuklad, San Fernando, Bukidnon. Nakumpiska mula sa kanila ang dalawang karbin at isang shotgun. Ang magkapatid ay mga tauhan ni Valentine Ordinisa at ginagamit ang mga baril sa pananakot sa mga magsasakang dumadaan sa lupain ng kanilang amo.

Maliban dito, hinaras din ng parehong yunit ng BHB-NCMR ang nag-ooperasyong 60th IB noong Abril 23 sa Brgy. Bonacao, San Fernando.

Matagumpay ding nireyd ng BHB-Comval-Davao East Coast Subregional Operations Command ang detatsment ng 67th IB at 72nd IB sa Brgy. Aliwagwag, Cateel, Davao Oriental noong Abril 26. Isinagawa ang reyd bandang ala-5 ng umaga. Isang elemento ng CAFGU ang namatay at tatlo ang nasugatan sa labanan. Isang ripleng M14 ang nakumpiska ng BHB.

Sa Panay, tatlong magkakasunod na taktikal na opensiba ang inilunsad ng Napoleon Tumagtang Command laban sa mga yunit ng kaaway na nasa ilalim ng 3ID. Nitong Mayo 3, 1:15 ng madaling araw, inatake ng mga Pulang mandirigma ang punong himpilan ng Bravo Coy ng 12th IB sa Brgy. Pitogo, San Joaquin, Iloilo.
Bago nito, noong Mayo 1, pasado alas-12 ng hatinggabi, inatake rin ng isa pang yunit ng BHB-NTC ang patrol base ng Charlie Coy ng 82nd IB sa Sityo Insobrehan, Brgy. Igcabugao, Igbaras, Iloilo. Inatake rin ng BHB-NTC ang isang kampo ng 82nd IB sa Brgy. Igtalongon, Igbaras pasado alas-12 ng hatinggabi noong Abril 30.

Sa harap ng magkakasunod ng mga opensiba ng BHB, sinabi ni NDFP Chief Political Consultant Ka Jose Maria Sison na “kailangang depensahan ng mamamayan at mga rebolusyonaryong pwersa ang kanilang mga sarili at mag-opensiba saanman at kailanman maaari.”

Dagdag pa, sinabi ni Ka Joma na higit na nagiging mahalaga ang pagpapatuloy ng usapang pangka-payapaan. Mas makabubuti aniya na mag-usap at buuin ang interim joint ceasefire agreement kaugnay ng Comprehensive Agreement on the Social and Economic Reforms at amnestiya sa mga bilanggong pulitikal.

[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info.  Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]

https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/2017may07-84-na-armas-nasamsam-ng-bhb/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.