Thursday, May 11, 2017

CPP/Ang Bayan: Lapanday, salot sa mamamayan

Propaganda article from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (May 7): Lapanday, salot sa mamamayan

Hindi pa man napapawi ang usok mula sa tinupok na mga kasangkapan at gusali ng Lapanday Foods Corporation (LFC) sa Brgy. Mandug, Davao City noong Abril 2, kaliwa’t kanan ang ginawang pagkundena ng mga naghaharing uri sa inilunsad na aksyon ng 1st Pulang Bagani Battalion (PBB) laban sa mga pasilidad at ari-arian ng pamilyang Lorenzo.

Pinagtatakpan nila ang ilang dekadang pagpapasasa ng pamilyang ito sa pawis at dugo ng daan- libong magsasaka at manggagawa upang palakihin ang kanilang mga kumpanya. Noong 2011, kumamkam ng P127 milyong netong kita ang Lapanday mula sa mga plantasyon nito sa Mindanao.

Kasuklam-suklam ang pang-aagaw ng LFC sa lupa ng mga magsasaka na itinuring ng GRP na “benepisyaryo” sa ilalim ng CARP sa Madaum, Tagum City. Nasa Maynila ngayon ang mga magsasakang nakapailalim sa Madaum Agrarian Reform Beneficiaries, Inc. (Marbai) para igiit kay GRP Pres. Rodrigo Duterte ang kagyat na pagbibigay sa kanila sa lupa. Labis na mapang-api at mapagsamantala sa Marbai ang kontrata sa pagtatanim sa pagitan nila at ng Lapanday. Bukod sa obligado silang bilhin ang lahat ng binhi at pestisidyo sa Lapanday, lubhang binabarat ang pagbili ng kanilang produkto. Ang 13-kilong kahon ng saging na naibebenta ng Lapanday sa mga dayuhang kliyente sa mahigit P600 ay binibili sa Marbai ng P101 lamang na nagreresulta sa napakababang kita ng mga magsasaka.

Hindi nalalayo ang kaaba-abang kalagayan ng mga manggagawa sa mga pasilidad ng Lapanday. Halimbawa, sa mga planta nito sa Brgy. Mandug, Davao City, kumita ang kumpanya ng netong P105 milyon noong 2015.
Mayorya o 69% ng mga manggagawa rito ay kontraktwal kahit pa man lahat ng trabahong kanilang ginagawa ay esensyal sa operasyon ng kumpanya. Sa ngayon, malaking kasosyo na rin ang mga Lorenzo sa Hacienda Luisita na pagmamay-ari ng mga Cojuangco.

Noong 2011, ang kabuuang pagmamay-ari ng Lapanday ay umabot ng P5 bilyon. Bilang dambuhalang kumpanya sa Pilipinas na nagluluwas na pagkain, may sarili itong laboratoryo at pasilidad sa pananaliksik at pagpapaunlad. Dagdag pa, may sarili itong mga pribadong daungan at bodega para sa mga kliyente nito sa Singapore, Hongkong, Korea, China and Russia, Australia, New Zealand at sa Middle East.

Marahas na paghahari
Gaya ng lahat ng malalaking panginoong maylupa at kumprador, dalubhasa ang pamilyang Lorenzo sa paggamit ng dahas upang panatilihin ang kanilang kontrol sa libu-libong ektarya ng mga magsasaka at seguruhin ang kanilang dambuhalang tubo sa kapinsalaan ng kanilang mga manggagawa.

Noong Mayo 11, 2008, inaresto ng BHB si MSgt. Jose Manero, na noo’y hepeng upisyal pangseguridad ng Lapanday Foods Corp. Sampung matataas na kalibreng armas ang nasamsam ng mga Pulang mandirigma sa naturang aksyon. Habang bihag ng digma ng BHB, ibinunyag ni Manero ang laganap na pamamaslang ng Lapanday sa mga manggagawa at magsasaka sa kanilang mga plantasyon. Sa kabila ng kundisyon ng pagbayad ng danyos sa kanilang mga biktima para sa pagpapalaya kay Manero, walang ni isang biktima ang binayaran ng pamilyang Lorenzo.

Lason sa komunidad at kapaligiran

Noong taong 2000, ibinunyag ng isang pag-aaral na ang paggamit ng Lapanday Development Corp. (LADECO) ng mga nakalalasong kemikal ay nagresulta sa pagkamatay at pagkakasakit ng 150 pamilyang Manobo sa Brgy.
Kamukhaan, Hagonoy sa Davao del Sur. Mula pa noong 1981, walang lubay na gumamit ang LADECO ng iba’t ibang pestisidyo na lumason sa lupa at tubig at pumatay sa mga pananim, mga hayop at isda.

Ipinamamarali ng reaksyunaryong estado, laluna ng mga pulitikong sagad-saring tagapagtanggol ng naghaharing uri, na ang mga militanteng pag-aaklas ng mga magsasaka at taktikal na opensiba ng BHB ay nakapipinsala sa kapakanan mismo ng mga magsasaka at manggagawa. Ikinukubli nila ang katotohanan na sa harap ng ilang dekadang pagyabong ng mga kumpanyang tulad ng Lapanday, atrasado pa rin ang pambansang ekonomya at kabuhayan ng masa. Ang pinagmamayabang nila na hindi makatitinag ang aksyong pamamarusa ng BHB sa yaman ng pamilyang Lorenzo ay higit na patunay sa nakaririmarin na sukat ng kanilang pagsasamantala sa uring magsasaka at manggagawa.

[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info.  Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]
https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/2017may07-lapanday-salot-sa-mamamayan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.