From the Philippine Information Agency (Jun 15): Tagalog news: 2 dating rebelde mula San Jose pinagkalooban ng tulong ng pamahalaan (2 former rebels from San Jose granted government assistance)
Dalawang nagbalik loob na rebelde o former rebels (FR) mula barangay Batasan, San Jose ang pinagkalooban bawat isa ng P65,000 kamakailan sa kapitolyo, Mamburao.
Ayon kay Dennis Beltran, Provincial Programs Manager and Planning Officer ng Department of the Interior and Local Government (DILG), ang halagang tinanggap ng dalawang FR ay alinsunod sa ipinatutupad ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPPAP) sa ilalim ng Comprehensive Local Integration Program (CLIP). Ang unang tseke na may halagang P15,000 ay maaring gamitin sa kanilang mga pangunahing pangangailangan habang isinasailalim sila sa ‘integration’ o ang proseso ng kanilang pagbabalik sa isang regular na pamumuhay sa isang kumunidad. Ang halagang P50,000 naman ay gagamitin sa kanilang mapipiling pangkabuhayan o ‘livelihood project’ gaya ng paghahayupan at iba pa.
Ang dalawang FR ay ilan lamang sa mga kabataang katutubong Mangyan na nahikayat na sumali sa New People’s Army (NPA). Ayon kay Nicolo Formentos ng Provincial Social Welfare and Development Office, ang dalawang FR ay magpinsan at may edad na 20 at 21 taong gulang. Matagal na umanong ninais ng mga ito na sumuko subalit dahil sa banta sa kanilang buhay ay hindi agad naisagawa. Ang PSWDO ang tangapan na mangunguna sa pagtulong sa mga FR’s sa kanilang integration.
Sinabi naman ni Lt Col Rodolfo Gesim, Battalion Commandeer ng 41st Infantry Battalion (IB), na napagdesisyunan ng dalawang FR na magbalik-loob sa pamahalaan dahil na rin sa kahirapan ng kanilang kalagayan sa kabundukan. Hinikayat din ni Gesim na sana’y magbagong buhay na ang iba pang mga kaanib sa NPA para na rin sa katiwasayan ng kanilang pamilya at pagkakataon na makapamuhay ng maayos. “Hindi karahasan ang sagot sa problema, maari nating pagusapan ng maayos ito”, ayon pa kay Gesim.
Sinangayunan naman ni Governor Mario Gene Mendiola ang pahayag ni Gesim. “Dapat ay manatiling bukas ang kumunikasyon sa mga nais magbalik sa ating pamahalaan”, dagdag pa ng gobernador. Noon pa man ay aktibo ang pamunuan ni Mendiola sa pagtulong sa mga FR.
Ang lalawigan ay nakapagtala na ng 13 FR, na pinakamaraming bilang ng mga nagbalik loob sa pamahalaan sa buong Mimaropa.
Samantala’y nagalok naman ng ‘scholarship’ si San Jose Mayor Romulo Festin sa dalawang FR.
Ang mga pangalan o iba pang pagkakakilanlan sa dalawang FR ay hindi maaring banggitin o isama sa balitang ito para na rin sa kanilang kaligatasan.
http://news.pia.gov.ph/article/view/2351465853518/tagalog-news-2-dating-rebelde-mula-san-jose-pinagkalooban-ng-tulong-ng-pamahalaan
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.