From the Philippine Information Agency (Nov 11): Tagalog news: OrMin, idineklarang 'Conflict-Manageable and Ready for Further Development’
Idineklara ang lalawigan ng Oriental Mindoro sbilang ‘Conflict Manageable and Ready for Further Development’ ng Philippine Army (PA) kamakailan lamang.
Kaugnay nito, lumagda sina Gob. Alfonso V. Umali, Jr. at 2nd Infantry Division Commander Major General Romeo G. Gan ng Philippine Army sa Memorandum of Understanding (MOU) hinggil sa nabanggit na deklarasyon sa seremonyang ginanap sa Tamaraw Hall ng Kapitolyo.
Sumaksi sa paglagda sina Bise-Gob. Humerlito A. Dolor, Southern Luzon Command Commander Lt. Gen. Ricardo R. Visaya, Police Regional Office-Mimaropa Regional Director Police Chief Superintendent Dennis J. Peña, 203rd Infantry Brigade Commander Col. Gavin D. Edjawan, Provincial Director Maria Victoria J. del Rosario ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Bishop Warlito Cajandig ng Apostolic Vicariate of Calapan.
Nakasaad sa naturang memorandum na dahilan sa maayos na implementasyon ng internal peace at security operations ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na kinakatawan ng 2nd Iinfantry Division, sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Panlalawigan at ng iba pang sektor, bumaba na ang bilang at maging ng kakayahan ng mga armadong rebelde na maglunsad ng mga mararahas na gawain sa lalawigan.
Nakapaloob din sa kasunduan ang mahahalagang papel ng dalawang partidong lumagda sa kasunduan. Pangunahing tungkulin ng Pamahalaang Panlalawigan ang pagpapatupad ng mga programang pangkabuhayan ng mamamayan, patatagin ang Comprehensive Local Integration Program (CLIP) upang matulungan ang mga dating myembro ng New People’s Army (NPA) na nagdesisyong magbalik-loob sa pamahalaan at kunin ang kooperasyon ng lahat ng sektor sa mga programang pangkapayapaan sa lalawigan. Aktibong pagsuporta sa programang pangkabuhayan ng pamahalaan, pakikipagtulungan sa lahat ng law enforcement agencies, pagmamantina ng sapat na pwersang militar at pagpapaigting sa mga programang pangseguridad naman ang bahagi ng 2nd ID ng Philippine Army.
Bukod pa rito, nauna nang idineklara ng Provincial Peace and Order Council (PPOC) ang lalawigan bilang “conflict manageable and ready for further development” sa pagpupulong ng konseho noong nakaraang buwan ng Setyembre.
Inihayag naman ni Bise-Gobernador Dolor na ipinasa rin ng Sangguniang Panlalawigan ang Resolution No. 2756-2015 kamakailan na nagbibigay kapangyarihan kay Gob. Umali na lumagda sa kasunduan sa pagitan ng 2nd ID ng Philippine Army para sa nabanggit na deklarasyon.
Naging tampok din sa gawain ang pagkakaloob ng mementos kay Gob. Umali sa kanyang buong suporta sa Philippine Army na nakabase sa lalawigan.
Samantala, plake ng pagkilala naman sa kanilang masigasig na pagpapatupad ng mga programang pangkapayapaan sa lalawigan at paglahok sa mga pangunahing program ng Pamahalaang Panlalawigan ang iginawad naman ni Gob. Umali kina Col. Edjawan ng 203rd IB; Lt. Col. Divino Ariel S. Mabagos ng 4th Infantry Division; Lt. Col. Michael D. Licyayao ng 76th Infantry Division at Philippine National Police (PNP) Provincial Director Police Senior Superintendent Florendo C. Quibuyen.
Kaalinsabay na gawain din sa paglagda ang pagkakaroon ng peace caravan sa ilalim ng Payapa at Masaganang Pamayanan o PAMANA Program, isang peace-building program na ipinatutupad ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) na nagsagawa ng programa na ginanap sa Bulwagang Panlalawigan.
Pasasalamat sa mga lider ng lalawigan at sa mga mamamayan ng Oriental Mindoro na bukas-palad na sumuporta upang maging matagumpay ang mga programang pangkapayapaan ang pahayag nina SOLCOM Chief Lt. Gen.Visaya at Mimaropa Regional Director Peña.
Lubos naman ang kagalakan ni Gob. Umali sapagkat ang pagkakadeklara sa lalawigan na ‘conflict manageable and ready for further development’ aniya ay kongkretong manipestasyon na ang sama-samang pagtutulungan ng lahat ang tunay na susi sa tagumpay ng anumang programang may kinalaman sa kapayapaan at kaunlaran ng lalawigan.
http://news.pia.gov.ph/article/view/741446687703/tagalog-news-ormin-idineklarang-conflict-manageable-and-ready-for-further-development-
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.