Puspusang sumusulong ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa buong bansa. Sa isyung ito ng Ang Bayan, tampok ang mga ulat ng tagumpay ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa pagsusulong ng armadong rebolusyon sa mga rehiyon ng Kabisayaan, partikular na sa Eastern Visayas, sa Panay at sa isla ng Negros.
Kabilang ang mga rehiyong ito sa pangunahing mga target ng malawakang kontra-rebolusyonaryong kampanyang panunupil na Oplan Bayanihan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa ilalim ng rehimeng US-Aquino. Subalit matapos ang apat na taon, ang tanging maipagmamalaki ng mga upisyal- militar ay ang mga hungkag na deklarasyong “nalipol na ang kalaban” at “natamo na ang kapayapaan.”
Nakahanay din ang mga rehiyong ito sa mga pinakanaghihikahos sa buong bansa. Bunga ito ng pag-iral ng malalawak na monopolyo sa lupa at ng pinakamalulupit na anyo ng pyudal na pagsasamantala. Pinaghaharian ang mga rehiyong ito ng malalaking asendero, kabilang yaong may kontrol sa malalawak na palayan sa Samar, malalawak na nyugan sa Leyte at libu-libong ektaryang mga tubuhan sa Panay at Negros.
Ang mga programang pampasiklab tulad ng Jalaur Dam sa Iloilo, mga haywey sa Samar at iba pang mga proyekto ay nagsisilbing palabigasan lamang ng mga bulok na upisyal ng rehimeng Aquino at mga lokal nitong kasabwat.
Tulad ng buong sambayanang Pilipino, walang kapantay ang sidhi ng pagnanais ng mamamayan ng Kabisayaan para sa rebolusyonaryong pagbabago. Ang kalakhan ng Kabisayaan ay nag-aalburutong bulkang nagbabantang sumabog sa harap ng tumitinding tunggalian ng mga uri.
Malawak ang kilusan ng mga manggagawang bukid sa Negros para bungkalin ang mga tiwangwang na lupa para sa produksyon ng pagkain. Tahasan itong paghihimagsik sa batas ng mga despotikong malalaking panginoong maylupa. Gayon din ang paghihimagsik ng mga magniniyog sa Leyte na naggigiit ng kanilang mga karapatan sa lupa. Ilampung libong ektaryang lupaing ninuno ang ipinaglalaban ng mamamayang Tumanduk sa Panay laban sa pangangamkam ng lupa ng AFP.
Ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa Kabisayaan ay sumusulong kaakibat ng patuloy na lumalawak at umiigting na antipyudal na kilusang magsasaka. Kung saan maigting ang makauring pakikibaka, doon pinakamaraming nagnanais na maging Pulang mandirigma, doon pinakamalalim ang suportang tinatamasa ng BHB at doon pinakamainit ang apoy ng armadong rebolusyon.
Ang mga rehiyon sa Kabisayaan ang pangunahing sinalanta ng bagyong Yolanda noong nagdaang taon. Humambalos ito nang husto sa mamamayang lublob na sa putik ng kahirapan at kaapihan. Lalo pa silang pinahirapan ng labis na pagpapabaya ng rehimeng US-Aquino, ng napakabagal, lubhang kulang at batbat ng anomalyang tugon ng mga ahensya ng reaksyunaryong gubyerno.
Taliwas sa ipinakita ni Aquino, kaagad na kumilos ang mga rebolusyonaryong pwersa kaisa ng mamamayan sa Kabisayaan upang organisahin ang malawak na kilusan ng mga magbubukid, mangingisda at minoryang mamamayan at kolektibong harapin ang pinsala ng Yolanda. Kaagad silang nagtulung-tulong upang kumpunihin ang mga nawasak na tahanan at kagamitan sa produksyon, padaluyin ang tulong mula sa ibang rehiyon at mula sa mga pambansa at internasyunal na ahensya at pasimulan ang mga kolektibong sakahan at pasiglahin ang produksyon.
Habang nakatuon ang mga rebolusyonaryong pwersa sa rehabilitasyon, walang patid ang mga pwersa ng AFP sa ilalim ng 8th at 3rd ID sa kanilang kontra-rebolusyonaryong digma. Sa gitna ng malawakang pinsala at sa kabila ng idineklarang tigil-putukan ng Partido Komunista ng Pilipinas sa mga nasalantang lugar, tuluy-tuloy ang panghahalihaw ng mga pasistang sundalo at ang mga kampanya nito ng pagsupil. Gumamit ang kaaway ng pasistang terorismo laban sa mamamayang nagkukusang kumilos upang makabangon sa salanta at malakas na nagpoprotesta sa labis na pagpapabaya ng naghaharing rehimen.
Hinuhubaran ng tuluy-tuloy na pagsulong ng armadong rebolusyon sa Kabisayaan ang mapanlinlang na maskara ng Oplan Bayanihan at nilalabanan ang pasistang bangis nito. Ginagamit ng Bagong Hukbong Bayan ang mga taktika ng pakikidigmang gerilya upang tuluy-tuloy na paigtingin ang digmang bayan.
Sa layuning dalhin ang digmang bayan sa bago at mas mataas na antas, dapat ibayo pang paglagablabin ang armadong pakikibaka sa Kabisayaan at sa buong bansa. Dapat palakasin ang kumand ng BHB at buuin ang plano sa digma sa antas ng rehiyon at subrehiyon. Dapat puspusang panghawakan ng mga kumand ng BHB ang inisyatiba sa gera at sagpangin ang lahat ng pagkakataon upang bigwasan ang kaaway. Dapat ilunsad ang paparami at papalaking mga taktikal na opensibang tiyak na maipagwawagi. Ibayong palawakin at palakasin ang mga milisyang bayan at itaas ang kakayahan nito sa nagsasarili at koordinadong mga pagkilos. Ibayo ring palawakin, palakasin at paigtingin ang antipyudal na mga pakikibakang masa ng daan-daan libo hanggang milyong magsasaka.
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the
http://www.philippinerevolution.net/publications/ang_bayan/20140907/ibayong-paglagablabin-ang-armadong-pakikibaka-sa-kabisayaan-at-buong-kapuluan
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.