Monday, September 8, 2014

CPP/Ang Bayan: Oplan Bayanihan, binibigo sa Eastern Visayas

Propaganda article from the Tagalog language edition of the CPP online publication Ang Bayan (Sep 7): Oplan Bayanihan, binibigo sa Eastern Visayas (OPLAN Bayanihan fails in Eastern Visayas)

Umaabot na sa 10,000 malalaki’t maliliit na operasyong kombat ang nailulunsad ng 8th ID sa Eastern Visayas (EV) mula 2012 na sumaklaw sa 48 bayan at 136 na barangay sa Samar at Leyte. Konsentrado ang mga pang-aatake ng 8th ID sa hangganan ng tatlong prubinsya sa Samar kung saan nito pinaniniwalaang pinakamalakas ang mga baseng gerilya sa isla. Dito ay minomobilisa ang pwersa di lamang ng AFP at PNP kundi ng iba’t ibang ahensya ng reaksyunaryong gubyerno para dahasin at linlangin ang mamamayan. Sa pamamagitan nito, nilalayon ng 8th ID na pawalansaysay ang rebolusyonaryong kilusan sa EV at ilipat na sa Philipppine National Police and mga operasyong “counterinsurgency” pagsapit ng 2016.

Subalit nangangarap nang gising ang 8th ID. Sa buong panahon ng implementasyon ng Oplan Bayanihan sa EV, nagtamo ang kaaway ng 341 kaswalti—255 patay at 86 na sugatan. Mahigit walong beses ang laki nito kumpara sa 14 na Pulang mandirigmang napatay, walong nasugatan at 18 nadakip ng kaaway sa panahon ding ito.

Pilit na inaabot ng 8th ID ang resyo na isang batalyong militar bawat larangang gerilya, pero masyado nang banat ang mga pwersa nito. Hanggang 10% lamang ng isang erya ang kaya nitong konsentrahan sa isang panahon, kaya libre ang BHB na kumilos sa nalalabing 90%.

Hindi rin mapagtakpan ng mga pakitang-gilas ng AFP ang malubhang kabiguan ng reaksyunaryong gubyerno na bigyan ng mga kinakailangang serbisyo ang mamamayan. Ang inilulunsad na mga “medical and dental mission,” “tree planting” at iba pang aktibidad ng 8th ID sa rehiyon ay desperadong tangkang burahin ang bakas ng dugo ng mga paglabag nito sa karapatang-tao sa ilalim ng Oplan Bayanihan.

Hindi rin naiangat ng mga dambuhalang proyekto ng rehimeng Aquino ang matinding karalitaan ng mamamayan sa EV. Bilyun-bilyong pisong halagang mga proyekto ang inilunsad sa mga itinuturing na baseng gerilya, kabilang ang P470-milyong Payapa at Masaganang Pamayanan (o PAMANA) na tumatarget sa baseng masa ng BHB at nasa pangangasiwa ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process. Nariyan din ang P12-bilyong halaga ng mga kalsada na ipinagawa ng Regional Peace and Order Council, ang 14 na proyektong panturismong nagkakahalaga ng P888.8 milyon, ang P1.6-bilyong Samar Pacific Coastal Road at ang P900-bilyong Samar Peace and Prosperity Road (pareho sa Northern Samar). Pinakamalaki sa lahat ang $357.15-milyong mga proyekto ng US Millennium Challenge Corp. na karamihan ay mga kalsada.

Sa kabila ng lahat ng ito, bumagsak pa ang katayuan ng rehiyon at ito na ngayon ang ikalawa sa pinakanaghihirap sa buong bansa. Walang napala ang mga maralita ng rehiyon sa bilyun-bilyong pisong mga proyektong ito at ang tanging nakinabang ay ang mga bulok na upisyal ng militar at sibil na burukrasya. Walang nagbago sa mga batayang problema ng mamamayan—ang kawalan ng lupa at serbisyong panlipunan, nagtataasang mga presyo, ang bagsik ng militarisasyon at iba pa. Bagkus, pumatong pa rito ang pinsalang dulot ng bagyong Yolanda at ang kriminal na kapabayaan ng reaksyunaryong gubyerno.

Ang lahat ng ito ay matabang lupa para paigtingin pa ng BHB ang mga taktikal na opensiba sa rehiyon upang tuluyan nang gapiin ang Oplan Bayanihan at makapag-ambag sa pakikibaka ng mamamayan para patalsikin ang rehimeng US-Aquino.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

 http://www.philippinerevolution.net/publications/ang_bayan/20140907/oplan-bayanihan-binibigo-sa-eastern-visayas

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.