Umabot sa pito ang kaswalti ng mga pulis at sundalo matapos maglunsad ng serye ng operasyong harasment ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa mga bayan ng Tampakan, T’boli at Lake Sebu sa South Cotabato noong Agosto 15, 16 at 21. Ang mga operasyon ay isinagawa ng mga pwersa ng BHB sa Front 72 at Front 73 sa ilalim ng Mt. Alip Command, ang Panrehiyong Kumand ng BHB sa Far South Mindanao.
Isang pulis at isang sundalo ng 27th IB ang nasugatan nang hagisan ng granada ng isang tim ng BHB ang detatsment ng South Cotabato Public Safety Company ng Philippine National Police (PSC-PNP) sa Barangay Sta. Cruz, Tampakan bandang alas-4:30 ng umaga noong Agosto 15.
Hindi bababa sa apat ang nasugatan at isa ang napatay nang dalawang beses na harasin ng mga sapper team ng BHB ang nagpapatrulyang mga elemento ng 27th IB sa Barangay Tudok sa bayan ng T’boli noong Agosto 15 at 16.
Noong Agosto 21, nagtamo ng di pa malamang bilang ng kaswalti ang 27th IB nang harasin ng dalawang sapper team ng BHB ang detatsment ng naturang yunit-militar sa Sityo Blit, Barangay Ned sa bayan ng Lake Sebu. Inilunsad ang aksyong militar habang ang karamihan ng mga sundalo ay naglulunsad ng operasyong kombat sa Sityo Tawan Dagat sa nasabing barangay.
Ang PSC-PNP at 27th IB ay aktibong protektor ng dambuhalang dayuhang minahan ng ginto na Sagittarius Mining Inc.-Glencore-Xstrata at San Miguel Energy Corporation (SMEC) na nagmimina ng coal. Ang SMEC ay pag-aari ni Eduardo “Danding” Cojuangco, tiyuhin ni Benigno Aquino III.
Samantala, naglabas ang BHB ng bidyo hinggil sa dalawang tropa ng 8th IB na inaresto ng mga Pulang mandirigma noong Agosto 22 sa Barangay Buntungon, Impasug-ong, Bukidnon habang namamalengke. Nang arestuhin, nakumpiska mula sa dalawa ang isang kal .45 na pistola at mga bala ng M203 at M16. Kasalukuyan pa silang iniimbestigahan tungkol sa posibleng pagkakasangkot sa mga krimen laban sa mamamayan at rebolusyonaryong kilusan.
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist
Party of the Philippines
and is issued by the CPP Central
Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis
of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is
published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]
http://www.philippinerevolution.net/publications/ang_bayan/20140907/4-aksyong-militar-inilunsad-sa-south-cotabato
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.