Sunday, September 21, 2014

CPP/Ang Bayan: AFP sa Abra, pinalalayas

Propaganda article from the Tagalog language edition of the CPP online publication Ang Bayan (Sep 21): AFP sa Abra, pinalalayas [Armed Forces of the Philippines (AFP) in Abra, cast out]

Dumarami ang mga sektor na nananawagan para sa pagpapalayas sa mga pwersa ng 41st IB sa bayan ng Lacub, Abra. Ang brutal na mga operasyon ng 41st IB sa pagpapatupad nito ng Oplan Bayanihan ay nagdudulot ng matinding paghihirap sa mga sibilyan. Tampok sa mga krimen ng 41st IB ang pagpatay sa mga sibilyang sina Engr. Fidela Salvador at Noel Viste.
Si Salvador ay upisyal ng Cordillera Disaster Response and Development Services (CorDisRDS) na nakabase sa Baguio City. Bilang konsultant, sinusubaybayan ni Salvador ang mga proyekto ng Philippine Tropical Cyclone Emergency Response Project (PTCERP) ng Cordillera Disaster Response and Development Services sa Lacub. Napatay si Salvador ng mga nag-ooperasyong sundalo noong Setyembre 5. Sa isang pahayag ng AFP noong Setyembre 11, pinalalabas nito na si Salvador ay kasapi ng BHB at mayroon pa umanong sukbit na baril.

Si Viste naman, na taga-Poblacion, Lacub, ay kabilang sa 24 na sibilyan na pinwersang isama ng 41st IB upang gamiting “human shield” sa kanilang operasyon noong Setyembre 5. Malao’y pinakawalan ng mga sundalo ang mga sibilyan maliban kina Viste at Nicasio Asbucan. Kinabukasan, natagpuang patay si Viste. Inilitaw naman at isinurender ng mga sundalo si Asbucan sa hepe ng pulis ng Lacub noong Setyembre 7. Ayon kay Asbucan, inutusan siya ng mga sundalo na tukuyin ang pangalan ni Jay-ar Balaoag, kapitan ng barangay Lanag, Lacub, bilang kasapi ng BHB at sabihing siya ang bumaril kay Viste.

Kaliwa’t kanan ang mga paglabag sa karapatang-tao at pang-aabuso ng mga pasistang sundalo sa mamamayan sa lugar. Ang walang habas na mga operasyong militar ay sumisira sa kabuhayan ng mga naninirahan dito.
Noong Setyembre 5, ang mga sundalong nakapwesto sa Sityo Bantugo, Poblacion, Lacub ay nagpaputok sa direksyon ng Talampac Proper, Pacoc. Dahil dito, anim na pamilya sa Sityo Pacoc ang umalis sa kanilang bahay at nakitulog sa ibang bahay. Napwersa ang ilang magsasaka na matulog sa kanilang bukid.

Ang maliliit na minero sa lugar ay tumigil sa paghahanapbuhay mula noong Setyembre 4. Para sa kanilang seguridad, nagpasya ang mga residente ng Barangay Talampak, Poblacion at Guinguinabang na magpataw ng sariling curfew mula alas-9 ng gabi hanggang alas-6 ng umaga.

Dahil sa mga operasyon ng 41st IB, napwersang magsuspinde ng klase noong Setyembre 5 at 8 ang Bantugo Elementary School and High School at ang Our Lady of Guadalupe High School. Kalapit lamang ng mga paaralan ang itinayong kampo ng militar sa Bantugo.

Nananawagan ang mga organisasyong nagtatanggol sa karapatang-tao na kagyat na alisin ang mga pwersa ng 41st IB upang maibalik ang kapayapaan sa lugar at ang regular na buhay ng mga sibilyan.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

http://www.philippinerevolution.net/publications/ang_bayan/20140921/afp-sa-abra-pinalalayas

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.