Tuesday, March 15, 2022

CPP/NPA-Southern Tagalog: Mamamayang Mindoreño, tumindig at lumaban! Biguin ang malupit na kampanyang panunupil sa isla!

Propaganda statement posted to PRWC Newsroom, the blog site of the Communist Party of the Philippines (CPP) Information Bureau (Mar 13, 2022): Mamamayang Mindoreño, tumindig at lumaban! Biguin ang malupit na kampanyang panunupil sa isla! (Mindoreño people, stand up and fight! Defeat the brutal repression campaign on the island!)
 


Armando Cienfuego
Spokesperson
Southern Tagalog Regional Operational Command (Melito Glor Command)
New People's Army

March 13, 2022

Nananawagan ang Melito Glor Command – NPA ST sa mamamayang Mindoreño na magbigkis at paigtingin ang paglaban upang biguin ang pinabangis na kampanyang panunupil sa Mindoro ngayong 2022. Marapat salubungin ng nagliliyab na pakikibaka ang ipinagyayabang na “pinalakas” na AFP-PNP at mga modernong sandata na kasalukuyang naninibasib sa isla. Ngayon patutunayan nating tumpak ang tinuran ni Mao Ze Dong hinggil sa pakikidigma—tao, hindi sandata, ang mapagpasyang salik sa digmang bayan.

Hinihingi ng kalagayan ang lahatang-panig na paglaban at ibayong pagpupunyagi lalo ngayong walang pakundangang iwinawasiwas ng AFP-PNP ang mga mapanira nitong armas pandigma sa imbing layunin na takutin ang mamamayan.

Sa loob ng kulang dalawang linggo, ilang beses na nagpasabog at nag-istraping mula sa ere ang mga pasista sa liblib na bahagi ng San Jose, Occidental Mindoro at maging sa bulubunduking bahagi ng Bongabong, Mansalay at Roxas, pawang nasa Oriental Mindoro. Paunang salvo ang dalawang beses na pagpapasabog ng FA-50 fighter jet noong madaling araw ng Pebrero 26 at ilang beses na istraping ng mga Black Hawk helicopter sa maghapon. Hindi ito naglubay at noong Marso 6 at 7, mahigit sampung beses na nanganyon ang buhong na 203rd Brigade sa mga nabanggit na lugar. Dagdag panakot ang pagbababa ng mga Black Hawk helicopter ng mga sundalong pang-operasyon sa gitna ng mga kabundukan.

Kasabay nito ang malulupit na patakaran upang kontrolin ang mamamayan. Nagpataw ng curfew mula alas-8 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon sa mga sityo ng Brgy. Monteclaro, San Jose at Brgy. Manoot, Rizal. Apektado nito ang pagtatrabaho sa mga sakahan at pagdadala ng kalakal sa tiyanggean. Nagpapatupad ang mga berdugo ng food blockade kung saan nililimitahan ang dami ng pwedeng bilhin na pagkain. Minamanmanan din ang mga nagtitiyangge. Sapilitan namang nirerekrut sa CAFGU ang sinumang lalaki na may pisikal na kapasidad, tulad ng nangyari sa mga taga-Brgy. Monteclaro na dinukot noong Nobyembre para gawing CAFGU.

Resulta ng terorismong ito ang sapilitang paglikas at pagdurusa ng libu-libong mamamayan. Iniwan ng mga magsasaka’t katutubo ang kanilang mga taniman at ngayo’y nangangamba sa pangmatagalang kagutuman. Hindi rin agad mapapawi ang trauma sa mga nakaranas ng pambobomba.

Hibang na nangangarap ang kaaway na burahin ang rebolusyonaryong paglaban sa isla gamit ang terorismo. Enero 2021 pa lamang ay idineklara na ng SOLCOM na sentro ng kampanyang kontra-insurhensya ang Mindoro na pinalalabas nilang kuta ng diumano’y Southern Tagalog Regional Party Committee. Malaki itong kalokohan na pinapaypayan gamit ang mga pekeng balita hinggil sa mga nakubkob na mga kampo ng NPA at mga gawa-gawang engkwentro. Nakagagalit lalo ang mga kasinungalingan at pangangatwiran ng AFP-PNP sa isinasagawa ngayong walang patumanggang pambobomba at paghahasik ng teror sa mga Mindoreño.

Engrandeng palabas lamang ang “pagdurog sa CPP-NPA-NDFP”, dahil ang tunay nilang pakay ay hawanin ang mga kabundukan ng Mindoro para ialay sa mga dayuhan at lokal na kapitalistang pinapaboran ng rehimen. Nais nilang makopo ang rekursong natural gas, langis at mga mineral sa mga bundok sa isla, bukod pa sa sinisipat na mga ilog na magagamit sa hydropower. Nakahanay rin ang mga proyektong ekoturismo, habang iniaabante ang pagpapalawak ng Tamaraw Reservation. Lahat ng ito’y mangangahulugan ng pagpapalayas sa mga katutubong Mangyan mula sa kanilang lupaing ninuno.

Nakasalalay sa pakikibaka ng mga Mindoreño ang pagbigo sa imbing plano ng kaaway. Naririyan ang mga buhay na patunay ng tagumpay ng rebolusyonaryong pakikibaka sa Mindoro para magbigay ng inspirasyon sa kanilang lumaban—ang mga lupang binubungkal ngayon dahil sa tagumpay ng rebolusyong agraryo, ang pananatili ng mga katutubo sa kanilang lupaing ninuno at maging ang mga anak ng Mindoro na nag-aambag ng kanilang sarili sa NPA. Kailangang magiting na ipagtanggol ng mga Mindoreño ang kanilang lupa at tinatamasang karapatan na pinagbuwisan ng buhay, pawis at dugo sa pakikibaka ng ilang henerasyon ng mga rebolusyonaryong Mindoreño. Sa patuloy na paglaban mapapawalang-saysay ang kontra-rebolusyonaryong pakana ni Duterte tulad ng nangyari sa mga inutil na kampanyang supresyon ng mga nagdaang rehimen.

Imbes na takot sa mga helicopter, bomba at kanyon, poot sa mga mapagsamantala at pasista ang dapat mamamayani sa damdamin ng bawat Mindoreño. Hindi dapat payagang makuha ng sasandakot na mga gahaman ang napakayamang lupain ng Mindoro. Marapat tumindig at magpunyagi sa pambansa-demokratikong pakikibaka. Higit sa lahat, kailangang palakasin at suportahan ang NPA Mindoro na siyang tunay na nagtatanggol sa interes ng masang Mindoreño.

Mamamayang Mindoreño, sumapi sa NPA!
Lupaing ninuno, depensahan, ipaglaban!
Biguin ang kontra-rebolusyonaryong gera ng rehimeng Duterte!

https://cpp.ph/statements/mamamayang-mindoreno-tumindig-at-lumaban-biguin-ang-malupit-na-kampanyang-panunupil-sa-isla/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.