Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Philippine Revolution Web Central (PRWC) Newsroom blog of the Communist Party of the Philippines (CPP) (Jan 21, 2022): Pagpugayan ang masa at magigiting na pwersa ng armadong rebolusyon sa Mindanao at buong bansa
Binibigyang pugay ng Partido Komunista ng Pilipinas ang masang rebolusyonaryo at magigiting na pwersa ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at mga kadre ng Partido sa mga rehiyon ng Mindanao at sa buong bansa sa kanilang pagpupunyagi at bakal na determinasyong ipagtanggol ang interes ng masang api at pinagsasamantalahan, sa harap ng walang-patid at brutal na mga atake ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Binabalikat nila ang mabibigat na sakripisyo sa pakikibaka laban sa imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo at para sa adhikain ng pambansang demokrasya at sosyalismo. Binibigyang-pugay ng Partido sina Jorge Madlos (Ka Oris), Menandro Villanueva (Ka Bok) at lahat ng rebolusyonaryong bayani na isinakripisyo ang lahat sa paglaban sa mga halimaw na nagpapahirap sa bayan.
Patuloy na naglulustay ng bilyun-bilyong piso ang kaaway para sindakin ang bayan at kanilang mga rebolusyonaryong pwersa. Ang pasistang mga atake ay pinakamalupit sa Mindanao, ngunit walang-tigil at mabangis din sa Bicol, Eastern Visayas at Negros, gayundin sa ibang mga rehiyon sa buong bansa. Nahuhumaling ang mga pasista sa hangaring wakasan ang paglaban at armadong rebolusyon ng bayan bago matapos ang termino ni Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng superyoridad sa lakas-militar, lakas-pamutok at terorismo ng estado.
Ngayon pa lamang, tiyak nang hindi maipapanalo ang gera ni Duterte laban sa bayan. Lalo lamang nitong pinalulubha ang kalagayang panlipunan na pinagsisibulan ng armadong paglaban. Sinasaid nito ang limitadong pampublikong pondo na dapat ay inilalaan sa pampublikong kalusugan at edukasyon, laluna sa pagharap ng bansa sa nagpapatuloy na pandemya. Inilalantad nito ang bulok na kaibuturan ng sistemang malakolonyal at malapyudal at pinasisidhi ang paghahangad ng bayan para sa pambansa at panlipunang paglaya.
Ipinagmamalaki ng mga pasista ang ilang taksil sa rebolusyon na nagsuko ng kanilang mga prinsipyo at adhikain ng mamamayan. Bagaman sasandakot, ngawa sila nang ngawa sa utos ng AFP at ngayo’y bayaran na ng NTF-Elcac at nakikinabang sa pera ng bayan. Ipinagkanulo nila ang tiwalang minsang ibinigay sa kanila ng masang magsasaka at minorya. Pinili ng ilan sa kanila ang kaluwagan at kaginhawaan, nagpasindak sa kaaway at nagpasilaw sa mga pangako para sa pansariling interes. Ilan sa kanila’y nadakip ng kaaway ngunit labis na ginipit para bumaligtad. Ang ilan sa kanila ay tahasang nagtraydor at aktibong tumutulong sa kaaway sa brutal na kampanyang panunupil sa mga sibilyang komunidad at organisasyong masa. Mga oportunista at negatibong halimbawa sila na itinatakwil at tinutuligsa ng mamamayan.
Mahigpit na nagpupugay ang Partido sa kanyang mga kadre at lider, at sa mga kumander at mandirigma ng BHB sa Mindanao at sa buong bansa na patuloy na tinatalikdan ang pansariling interes, walang pag-iimbot sa malalaking pagsakripisyo at nagpupunyagi sa landas ng paglilingkod sa sambayanang Pilipino at pagsusulong ng rebolusyonaryong pakikibaka para sa pambansa at panlipunang paglaya. Nagpapakita sila ng rebolusyonaryong optimismo at militansya maging sa harap ng matinding kahirapan at mga balakid.
Kasama ang rebolusyonaryong masa, nagluluksa ang Partido at BHB sa pagkasawi nina Ka Menandro Villanueva (Ka Bok) at Ka Jorge Madlos (Ka Oris), kapwa importanteng lider ng Partido at BHB sa Mindanao at sa buong bansa. Pareho silang biktima ng pasistang krimen ng kaaway at tahasang paglabag sa mga alituntunin ng digma at internasyunal na makataong batas.
Humuhugot ng inspirasyon ang rebolusyonaryong mga pwersa mula sa kanilang kabayanihan. Iniinda ng kilusan ang bigat ng kanilang pagkamatay, pero batid nitong maiigpawan at mapangingibabawan din ang kanilang pagkawala. Batid ng mga rebolusyonaryo na kapag nabubuwal ang malalaking puno sa gitna ng gubat, nagbibigay ito ng puwang at nagpapataba sa lupa para sumibol at yumabong ang mas marami pang mga puno. Libu-libong kadre ng Partido at kumander ng BHB ang ngayo’y humahalili sa kanila.
Mahigpit na sumasaludo ang Partido sa masang anakpawis sa mga rehiyon ng Mindanao at sa buong bansa. Sa kabila ng mga pag-atake ng kaaway, higit kaysa nakaraan ang determinasyon ng mamamayan na sumuporta at lumahok sa armadong paglaban. Maging sa mga eryang nasa ilalim ng pinakamalulupit na pag-atake ng AFP, nagpapatuloy ang masa sa pagbubuo at pagpapalawak ng kanilang mga rebolusyonaryong organisasyon, pagsuporta sa hukbong bayan, paglahok sa armadong paglaban, at pagsapi sa Partido. Nananatiling matatag ang determinasyon ng mga manggagawa, magsasaka, minoryang mamamayan, ang mala-proletaryado at petiburgesyang intelektwal na magkaisa at lumaban para sa kanilang pambansa at demokratikong mithiin.
Sa darating na mga buwan at taon, dapat pandayin ng mga kadre ng Partido, mandirigma ng BHB at rebolusyonaryong masa ang kanilang mga sarili sa pagharap sa mas mahihirap na sakripisyo, pagbalikat sa mas kritikal na mga tungkulin at pagsuong sa mas mabibigat na mga responsibilidad.
Dapat patuloy na magpakadalubhasa ang BHB sa taktikang gerilya ng konsentrasyon, dispersal at paglilipat-lipat para mapanatili ang inisyatiba sa lahat ng pagkakataon at biguin ang mga opensiba ng kaaway. Dapat ibayong magpalawak ang BHB ng mga larangang gerilya at magtayo ng mga bago para matulak ang kaaway na banatin ang sariling pwersa, pangibabawan ang estratehiya nitong gradual constriction at tanggalan ng kakayahang makapaglunsad ng nakapokus na operasyong militar para palibutan ang mga yunit ng BHB. Dapat patuloy na magsumikap ang BHB na idugtong ang mga masukal na erya sa kabundukan sa mga mataong kapatagan, magtayo ng mas maraming baseng gerilya, at maglunsad ng mga taktikal na opensiba sa malawak na erya sa pambansang saklaw. Dapat puntiryahin ng BHB, laluna ang mga pasista at kriminal na mga yunit ng AFP na tigmak ng dugo ng mga bayani at martir ng sambayanang Pilipino.
Patuloy na palalakasin ng Partido at hukbong bayan sa buong bansa ang pagkakaisa sa pagitan nito at ng masa. Dapat patuloy na palawakin at palakasin ang malapad na nagkakaisang prente laban sa pasistang tiranya ni Duterte.
Sa harap ng masidhing krisis panlipunan at pang-ekonomya, paghihirap at pang-aapi sa bayan, higit na determinado ang rebolusyonaryong mga pwersa na pukawin, organisahin at pakilusin ang pinakamalaking bilang ng mamamayan upang maglunsad ng malawakang mga pakikibakang masa para igiit ang tunay na reporma sa lupa, labanan ang ekspansyon ng mga plantasyon, pigilan ang pagpasok ng mga kumpanyang mina, igiit ang makatwirang presyo ng kanilang mga produkto, pagtataas sa sahod, at makatwirang ayuda. Dapat paigtingin ang paglaban sa pasistang mga atake sa mga komunidad, ipatigil ang pambobomba at panganganyon sa kanilang mga sakahan at barangay, ipatigil ang okupasyong militar sa kanilang mga komunidad, igiit ang pagrespeto sa mga karapatan ng mamamayan at mga prinspisyo ng internasyunal na makataong batas. Dapat panagutin si Duterte sa lahat ng kanyang mga krimen kahit pagkatapos ng kanyang termino.
Buo ang tiwala ng Partido sa rebolusyonaryong pwersa sa buong bansa na magpupunyagi at magpapalakas kasama ang lahat ng demokratiko at patriyotikong mga uri. Sa pamamagitan ng walang-kapagurang pagsisikap sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa masa, tiyak na mabibigo ang todong-gera ng kaaway, walang puknat na mga pag-atake at hibang na deklaradong layuning durugin ang armadong rebolusyon. Ipagpatuloy ang paglaban ng bayan at isulong ito sa mas mataas na antas.
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]
https://cppangbayan.wordpress.com/2022/01/21/pagpugayan-ang-masa-at-magigiting-na-pwersa-ng-armadong-rebolusyon-sa-mindanao-at-buong-bansa/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.