Saturday, January 22, 2022

CPP/Ang Bayan: Madmavolut woy ovubaton Peace 911, mukha ng pasismo sa Davao City

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Philippine Revolution Web Central (PRWC) Newsroom blog of the Communist Party of the Philippines (CPP) (Jan 21, 2022): Madmavolut woy ovubaton Peace 911, mukha ng pasismo sa Davao City



Ipinagmalaki kamakailan ng lokal na pamahalaan ng Davao City ang Task Force (TF) Peace 911 bilang modelo sa lokal na pagpapatupad ng NTF-Elcac ng pambansang reaksyunaryong gubyerno. Ang lokal na anyo ng sibil-militar na huntang ito ang lunsaran ng gera kontra sa mamamayan ng rehimeng Duterte at Armed Forces of the Philippines (AFP) laban sa mamamayan ng syudad.

Binubuo umano ang TF Peace 911 ng walong prinsipyo ng “kapayapaan.” Kabilang dito ang umano’y pagpapababa ng korapsyon, pagkilala sa karapatan ng bawat isa, pantay na pagbabahagi ng rekurso at payapang kundisyon sa pamumuhunan. Subalit malinaw sa mga prinsipyong nabanggit na hindi ito tutugon sa batayang pangangailangan ng masa gaya ng sariling lupa at nakabubuhay na sahod upang makamit ang makatarungang kapayapaan.

Ayon sa isang Lumad na magsasaka sa Paquibato, ang Peace 911 ay malinaw na “madmavulot woy ovubaton,” isang mapanupil at mapanlinlang na pakana.
Militarisasyon sa Paquibato

Sa tabing ng “pagkamit” ng kapayapaan, nagdeploy ng tatlong batalyon ng AFP sa 13 barangay ng Paquibato at mga katabing barangay nito sa Calinan District. Hindi bababa sa 29 ang nakatayong mga kampo sa naturang lugar. Todo-larga ang operasyon ng 27th IB, 89th IB at 3rd IB. Nagpapatawag ang mga ito ng “pulong-pulong” sa layong linlangin at itulak na sumurender ang taumbaryo.

Kaalinsabay nito ang pagpapakawala ng mga operatibang “Dos-dos” o mga bayarang mamamatay-tao para tiktikan, dahasin at gipitin ang mga residente.

Ang ilang konseho ng barangay ay sapilitang pinapipirma sa mga deklarasyong “persona non grata” ang Partido, hukbong bayan at NDFP. Ayon sa ilang mga upisyal, “hindi man lang kami binigyan ng kopya ng dokumento.”

Nagtayo rin ang AFP ng maanomalyang “Kalinaw Village” sa Mahayag, Barangay Bunawan, upang ikordon ang mga idineklara nilang mga “sumurender.” Ilang metro lamang ang layo ng pasilidad sa hedkwarters ng 1003rd IBde. Sa proyektong ito, kontrolado ng mga heneral ang ₱2.53 milyong badyet sa pagpapatayo ng pasilidad, ₱2.6 milyon na ibibigay umano sa 40 “sumurender” at ₱724,000 para sa “iba pang gastusin.”

Agresibo rin ang rekrutment sa CAFGU at mga grupong paramilitar tulad ng Bagani at Alamara na kanilang katuwang sa kontra-insurhensyang kampanya.
Huwad na kapayapaan sa ekonomya

Sa ilalim ng Peace 911, inilunsad ang programang Peace Economy (Ekonomyang Pangkapayapaan) na direktang pinamumunuan ng meyor ng Davao na si Sara Duterte-Carpio. Pinalalabas nilang sa ilalim ng “Peace Economy” magkakaroon ng bahaginan ng yaman at pagpapabilis ng serbisyo ng gubyerno.

Ngunit ang katotohanan, tulad lamang ito sa dati nang programa ng gubyerno na pagtatanim ng puno at pagprodyus ng pang-eksport na hilaw na mga materyales sa agrikultura gaya ng falcata, rubber, cacao, gemilina, kape, mahogany at narra sa ilalim ng National Greening Program. Nagbigay daan din ito sa mga plantasyon ng oil palm sa Barangay Colasas.

Walang kumprehensibong programa para sa produksyon ng pagkain tulad ng bigas at mais, salat ang suporta para sa serbisyong pamproduksyon gaya ng irigasyon, sustenableng agrikultura o pagbabawal sa pabigat na usura. Ang ipinagmamalaki nilang “pag-unlad” ngayon ay limitado lamang sa artipisyal na pagtataas ng presyo ng kamatis sa mga magsasaka sa Barangay Malabog.

Sa kasalukuyan, ginagamit ang mga proyektong kalsada at tower ng mga selpon nang programang Peace Economy upang pagtakpan ang ugat ng kalunus-lunos na kalagayan ng mga magsasaka at Lumad sa Paquibato. Hungkag ang islogan na “wealth sharing” o pagbabahaginan ng yaman kung ang lupa at kabuhayan ng mamamayan ay kontrolado pa rin ng mga panginoong maylupa at multinasyunal na korporasyon.

Ang inihahambog ng lokal na pamahalaan ng Davao na Peace 911 na pundasyon ng kapayapaan ay nakasalig pangunahin sa walang puknat na pasismo at sa huwad at maka-isang panig na mga proyektong hindi lumulutas sa mga batayang suliranin ng mga residente ng Paquibato.

Sa katunayan, niyanig ang pundasyon nito ng serye ng mga aksyong militar ng Bagong Hukbong Bayan laban sa mga nag-ooperasyong tropa ng AFP sa Barangay Colasas sa huling bahagi ng 2019 kung saan mahigit 15 ang tinamong kaswalti ng kaaway.

Ito at ang paglalantad ng Peace 911 bilang lantarang pasista at huwad na pakana ang di mapasusubaliang katunayan na patuloy na niyayakap ng mamamayan ng Paquibato ang digmang bayan bilang tanging solusyon sa kanilang paghihirap.

(Ang artikulong ito ay halaw sa isyung Oktubre 2021 ng Pasabilis!, rebolusyonaryong pahayagang masa sa Southern Mindanao.)

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://cppangbayan.wordpress.com/2022/01/21/madmavolut-woy-ovubaton-peace-911-mukha-ng-pasismo-sa-davao-city/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.