Communist Party of the Philippines
January 22, 2022
Nakikiisa ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa sambayanang Pilipino at masang magsasaka sa paggunita ngayong araw sa ika-35 anibersaryo ng Masaker sa Mendiola. Isa sa pinakamalaking krimen ng reaksyunaryong estado laban sa masang magsasaka ang isinagawang pamamaril ng mga pasistang sundalo at pulis noong Enero 22, 1987 sa paanan ng Tulay ng Mendiola sa Maynila. Nagrarali noon ang libu-libong demonstrador para itulak ang bagong luklok na rehimeng Corazon Aquino na ipatupad ang tunay na reporma sa lupa. Matapos ang mahigit tatlong dekada, wala ni isa sa mga nag-utos ng pagmasaker ang naparusahan.
Itinuturing ng Partido at ng uring manggagawa na mga bayani ng sambayanan ang 13 nabuwal sa masaker sa Mendiola. Ang kanilang sakripisyo sa pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa ay habampanahong pahahalagahan at magsisilbing inspirasyon sa pagsusulong ng mga mahihirap na pakikibaka ng bayan.
Magpasahanggang-ngayon, nananatiling walang sariling lupa ang milyun-milyong magsasaka, na silang bumubuo ng pinakamalaking bahagi ng sambayanang Pilipino. Sila ay pinagsasamantalahan at inaapi ng mga panginoong may lupa, mga malalaking komersyante at usurero. Laganap ang hirap at kagutuman sa kanayunan.
Paglipas ng ilang dekada mula noong Masaker sa Mendiola, lalong lumulubha ang kalagayan ng masang magsasaka dahil sa walang-awat na pang-aagaw ng lupa, laluna sa ilalim ng rehimeng US-Duterte. Kaliwa’t kanan ang pangangamkam at pagpapalit-gamit ng lupa ng mga panginoong maylupa, ng malalaking kapitalistang plantasyon o operasyon sa pagmimina, mga kumpanya sa real estate, at mga proyektong imprastruktura, pang-enerhiya at ekoturismo.
Isang malupit na gera sa kanayunan ang inilunsad ng pasistang rehimeng Duterte gamit ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) para supilin ang pagtutol ng masang magsasaka at tabunan ang sigaw para sa tunay na reporma sa lupa. Inaatake para buwagin ang kanilang mga samahan para alisan sila ng lakas na lumaban. Padami nang padami ang kaso ng pamamaslang at pagmasaker. Dinudumog ang kanilang mga baryo at ipinaiilalim sa kontrol ng militar.
Patuloy na isinusulong ng Partido, sa pamamagitan ng Bagong Hukbong Bayan, ang digmang magsasaka, para isulong ang pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa. Ang sigaw para sa lupa ang nasa ubod ng demokratikong rebolusyong bayan na pinamumunuan ng Partido. Ito ang tumutugon sa pangunahing suliranin ng masang magsasakang Pilipino.
Puspusang sinusuportahan ng BHB ang masang magsasaka sa pagsusulong ng mga pakikibaka para ibaba ang upa sa lupa, pawiin ang usura, itaas ang sahod ng mga manggagawang-bukid, kamtin ang makatwirang presyo para sa kanilang mga produkto at iba pang mga pakikibakang agraryo. Dahil dito, patuloy na tinatamasa ng BHB ang suporta at pagtangkilik ng masang magsasaka. Patuloy na lumalawak ang hanay ng mga Pulang mandirigma na binubuo pangunahing ng pinakamahuhusay na kabataang magsasaka.
Sa paggunita ng sambayanan sa Masaker sa Mendiola, nananawagan ang Partido sa masang magsasaka na pag-ibayuhin ang tapang at determinasyong ipaglaban ang tunay na reporma sa lupa at maging handa sa mas malalaking sakripisyo laluna sa harap ng walang-habas na paninibasib ng reaksyunaryong estado. Gamitin nating inspirasyon ang alaala ng ating bayani para isabalik ang mabibigat na tungkulin para isulong ang pakikibaka para sa pambansa at panlipunang paglaya.
https://cpp.ph/statements/gunitain-ang-ika-35-anibersaryo-ng-masaker-sa-mendiola/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.