January 17, 2022
Giniba ng mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at kasapakat nitong paramilitar ang paaralang Lumad sa Sityo Cambudlot, Barangay San Miguel, Compostela, Davao de Oro noong Enero 14. Ang paaralang Salugpungan Ta’Tatanu Igkanugon Learning Center Inc. ay binuo ng samahang pangkomunidad noong pang 2011 para magibigay ng libre at makabuluhang edukasyon sa mga batang Lumad.
Pinangangasiwaan ang paaralan ng mga organisasyong masa at relihiyosong grupo tulad ng Rural Missionaries of the Philippines. Ipinasara ito ng Department of Education (DepEd) at ni Duterte noong Oktubre 2019 matapos malisyoso itong iniugnay sa rebolusyonaryong kilusan. Kabilang ang naturang paaralan sa 166 eskwelahang Lumad na ipinasara sa termino ni Duterte.
Umani ng malawakang pagbatikos mula sa iba’t ibang organisasyong masa ang pagpapasara sa mga paaralang Lumad simula pa 2017. Inilunsad ng Save Our Schools Network ang serye ng mga ‘Paaralang Bakwit’ para ipabatid ang kanilang pagkadismaya sa pagpapasara sa mga paaralan sa Mindanao.
Ang pagpapasara sa paaralan ay matamang sinubaybayan at tiniyak ni Hermogenes Esperon Jr., National Security Adviser at retiradong heneral ng AFP. Ginamit niya ang mga sibilyang institusyon tulad ng DepEd para ipasara ang paaralan. Pinalalabas ni Esperon na ang mga paaralang Lumad ay nagrerekrut ng mga kabataan para maging kasapi ng Bagong Hukbong Bayan.
Sa isang pahayag, ipinabatid ni Marco Valbuena, upisyal sa impormasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas, na ang “mababagsik na pag-atake ng kaaway laban sa mga komunidad at organisasyon [ng masa] ay lalong gumagatong sa kanilang galit laban sa mga pasista, at sa mga nang-aapi at nagsasamantala sa kanila.”
“Determinado ang mamamayang Pilipino na magkaisa at lumaban para wakasan ang tiraniko, korap at tutang rehimen ni Duterte, na sa nagdaang mga taon ay nagsadlak sa kanila sa matinding pagdurusa at kahirapan,” dagdag ni Valbuena.
https://cpp.ph/angbayan/paaralang-lumad-sa-davao-de-oro-giniba-ng-afp/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.