Tuesday, January 18, 2022

CPP/Ang Bayan News & Analysis: Marahas na demolisyon sa Cavite, mariing kinundena

Ang Bayan daily propaganda news & analysis posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jan 15, 2022): Marahas na demolisyon sa Cavite, mariing kinundena
 





January 15, 2022

Mariing kinundena ng Pamalakaya, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at Bayan Muna Partylist ang marahas na demolisyon sa isang komunidad ng mga mangingisda at magsasaka sa Cavite noong umaga ng Enero 13. Hindi ito ang unang pagkakataon na sinubukang pasukin at idemolis ang kanilang komunidad.

Pinaputukan ng mga pulis at ng gwardya ang nagpuprotestang mga residente ng Barangay Patungan (Barangay Sta. Mercedes) sa Maragondon, Cavite. Tinututulan nila ang demolisyong isinasagawa ng mahigit isang libong katao mula sa Philippine National Police, Special Warfare Team (SWAT), Seraph Security Agency at 300-kataong demolition team. Kasama nila ang mga elemento ng Philippine Coast Guard.

Ayon sa ulat ng Pamalakaya, nagmula pa sa Tondo, Manila at Navotas City ang demolition team, at pinaniwalang padadaluhin lamang sila sa isang ‘clean-up drive’ sa isang resort at babayaran ng sahod na P650.

Labindalawang putok ang pinakawalan ng mga pulis at gwardya, na sa inisyal na ulat, ay nakasugat sa tatlong residente. Kinilala ang mga biktima na sina Neslie Lantar, Erick Dominado, at Ace Amul, mga mangingisda sa lugar. Isa sa kanila ay malubhang tinamaan ng bala sa tiyan, ayon kay Charm Maranan, tagapagsalita ng Defend Southern Tagalog.

Hindi makalapit ang mga residente sa mga sugatan dahil hinaharangan ng SWAT ang daan, ayon naman sa ulat ng BAYAN-Cavite. Dinala ng mga armado ang isang sugatan sa kanilang detatsment at doon binugbog. Mahigpit itong kinundena ng BAYAN-Cavite sa Commission. Iginiit din nito sa Commission on Human Rights (CHR) na magsagawa ng imbestigasyon sa naganap na pamamaril at marahas na pag-atake. Nanawagan ang grupo sa CHR at mga nagmamalasakit na organisasyon at indibidwal na kagyat na tulungan ang mga sugatan at residente ng Barangay Patungan.

Nananawagan naman ang pambansang tagapangulo ng Pamalakaya na si Fernando Hicap kay Cavite Gov. Jonvic Remulla na kagyat na tulungan ang mamamayan na mawawalan ng kanilang mga tirahan at para matigil ang marahas na demolisyon.
Laban Patungan!

Mula 2000, ipinaglalaban na ng mga magsasaka at mangingisda ng Barangay Patungan ang kanilang komunidad. Ayon sa Pamalakaya, ang ugat ng karahasang ito ay nagmula sa “pagbenta” ng Maria-Teresa Virata Realty Corp. sa kabuuang 602-ektaryang lupa at pangisdaan sa Manila Southcoast Development Corp. (MSDC) na pagmamay-ari ng mga Sy.

Balak ng MSDC na gawin ang Barangay Patungan na isang “exclusive beach resort” upang maging kadugtong ng Hamilo Coast sa Nasugbu, Batangas na kinatatayuan ng Pico de Loro Beach Resort na pagmamay-ari din ng mga Sy.

Umaabot sa 1,200 residente na karamihan ay mga mangingisda at mga magsasaka ang mawawalan ng kanilang mga tirahan at kabuhayan kung matutuloy ang demolisyon.

Binigkis ng mga residente ang kanilang komunidad sa ilalim ng Save Patungan Now Movement para ipagtanggol ang kanilang karapatan at labanan ang pagpapalayas sa kanila sa lugar. Bagaman may atas na ang Naic Regional Trial Court noon pang 2016 na Writ of Demolition, matibay ang paninindigan ng komunidad na hindi sila aalis. Ayon sa mga residente, matagal nang nakatirik ang kanilang mga bahay sa lugar mula pa sa kanilang kanunununuan 150 taon na ang nakararaan.

Simula 2016, mahigpit na ang pagbabantay at pag-hamlet ng mga elemento ng Philippine Air Force at pribadong maton ng MTV Corp.

https://cpp.ph/angbayan/marahas-na-demolisyon-sa-cavite-mariing-kinundena/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.